Ang Filipino Bilang Wikang Pambansa

Ang ating bansa ay isang kapuluan kayo hindi nakapagtatakang magkaroon tayo ng iba’t ibang wika at diyalektong ginagamit. Paano kayo magkakaintindihan kung ang dalawang nag-uusap ay gumagamit ng kanilang kinamulatang wika, halimbawa, isang taga-Pampanga at isang taga-Iloilo?

Sa ganitong sitwasyon, kailangan ang isang wikang nauunawaan at kapwa nila sinasalita.

Magsalaysay ng isang pangyayari na makapagpapatotoo sa binanggit na sitwasyon.

Ang Pilipinas ay isang bansang may mga mamamayang gumagamit ng magkakaibang mga wika at wikain. May walong pangunahing wikang umiiral at ginagamit sa iba’t ibang panig ng kapuluan: Tagalog, Cebuano, Ilocano, Hiligaynon, Bikol, Waray, Kapampangan, at Pangasinense. Sa ilalim ng programang Mother-Tongue-Based-Multi-Lingual Education (MTB-MLE) ng Kagawaran ng Edukasyon, tinutukoy ang 19 na wika upang gamiting midyum sa pagtuturo at bilang isang asignatura ng mga mag-aaral sa una hanggang ikalong baitang.

Ito ang dahilan kung bakit nadama ang pangangailangang dapat magkaroon tayo ng pagkakaunawaan at pag-iisang damdamin bilang mga Pilipino tungo sa pagbuo ng isang malaya, maunlad, at matatag na bansa.

Hindi magaganap ang komunikasyon kung wala itong magiging daan, may tagapagsalita man, may mensahe man, at may tatanggap man. Ang wika ang daan o instrumento ng komunikasyon sa tulong na rin ng mga senyas kung minsan.

Ano ang Wika?

Ang wika, ayon kay Jose Villa Panganiban, leksikograpo at lingguwista, ay paraan ng pagpapahayag ng damdamin at opinyon sa pamamagitan ng mga salita upang magkaunawaan ang mga tao.

Samantala, ayon naman sa lingguwistang si Henry Gleason, ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na isinaayos sa paraang arbitraryo. Ang mga tunog (sounds) ay hinugisan o binigyan ng mga makabuluhang simbolo (titik) na pinagsama-sama upang makabuo ng mga salita (words) na gamit sa pagbuo ng mga kaisipan (thoughts).

Sa kabilang dako, ano naman ang wikang Filipino?

Maraming nag-aakala na Tagalog din ito. Maging sa ibang bansa, Tagalog din ang opisyal at pambansang wika na kinikilala at itinuturo ng mga lingguwista at ginagamit sa mga programa sa wika.

Kaya mahalaga at kailangan ang maliwanag at nauunawaang depinisyon ng wikang Filipino. Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Board of Commissioners ay nagpalabas ng Resolusyon Big. 92-1 na naglalahad ng Batayang Deskripsyon ng Filipino. Isinulat ito sa Ingles at isinalin sa Filipino nang ganito:

Ito ang katutubong wika, pasalita at pasulat sa Metro Manila, ang Pambansang Punong Rehiyon, at sa iba pang sentrong urban sa arkipelago, na ginagamit bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo. Katulad ng alinmang wikang buhay. ang Filipino ay dumaraan sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng mga panghihiram sa mga wika ng Pilipinas at mga di katutubong wika at sa ebolusyon ng iba’t ibang baryedad ng wika para sa iba’t ibang sitwasyong sosyal at para sa mga paksa ng talakayan at matalisik na pagpapahayag.

Sinusugan naman ito sa Resolusyon BIg. 96-1: Amending the Working Definition of Filipino as Stated in Resolution 92-1.

Ang Filipino ay ang katutubong wika na ginagamit sa buong Pilipinas bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo. Katulad ng iba pang wikang buhay, ang Filipino ay dumaraan sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng panghihiram sa mga wika ng Pilipinas at mga di katutubong wika at sa ebolusyon ng iba’t ibang barayti ng wika para sa iba-ibang sitwasyon, sa mga nagsasalita nito na may iba’t ibang sanligang sosyal at para sa mga paksa ng talakayan at iskolarling pagpapahayag.

Wika ang salamin ng kultura ng isang bansa, ang wikang Filipino ay salamin ng kultura ng Pilipinas. Kung ang ating kultura ay maunlad sa teknolohiya, ang wika natin ay tiyak na magkakaroon ng ibang katawagan sa mga bagay na teknolohikal gaya ng magneto-generator, computer, fax machine, Internet, l-text, e-mail, at iba pa. Kapag may pangangailangan, tulad sa mga makabagong teknolohiya at agham, tiyak na lilikha ng mga bagong salita na pupuno sa kakulangan ng ating wika.

Ang tuon ng Wikang Filipino ngayon ay intelektuwalisasyon o modernisasyon upang ito’y magamit nang mabisa sa mga pangangailangan at sa mga pagbabago sa kasalukuyan at sa darating na milenyo. Ito ang dahilan kung bakit binago ang ating alpabeto mula abakada. Nakasalalay ngayon sa mga kamay ng kasalukuyang henerasyon ang hinaharap ng ating wika.