Itinuturing na isang dakilang tuklas tao ang komunikasyon. Nagagawa nitong mapakilos ang tao upang kanyang mapaunlad ang sariling pamumuhay.
Dahil sa mabisang komunikasyon nakakamit ng tao ang tagumpay, kaunlaran, katahimikan, at pambansang kaligtasan. Saklaw nito maging ang larangan ng pagtuklas at kalawakan. Kaya naman, higit na progresibo ang mga bansang may maunlad at mabisang paraan ng komunikasyon.
Sa post na ito, tatalakayin ang kahalagahan komunikasyon sa pagpapaunlad ng wikang sinasalita. Hindi lamang ang pagsulat na kakayahan ang dapat malinang sa mga mag-aaral sa Senior High School (SHS) kundi lalong higit na ang kakayahan sa pgsalitang pakikipagtalastasan gamit ang wikang Filipino.
KATUTURAN AT KAHALAGAHAN NG KOMUNIKASYON
Ang komunikasyon ay pagsasalin, paghahatid ng balita, kuro-kuro, mensahe, kaalaman o impormasyon, damdamin, iniisip o pangangailangan, at ideya mula sa tao patungo sa isang tagatanggap o sa isang patutunguhan.
Ang sining ay isang kasanayang nagbibigay sa tao ng pagkakataong maipahayag ang kanyang damdamin at maisakatuparan ang anumang naisin sa paraang angkop at karapat-dapat.
Samakatwid, ang sining ng komunikasyon ay isang kasanayang nagbibigay ng pagkakataon sa tao upang maipahatid sa kanyang kausap ang anumang kaisipan o damdaming nais niyang ipahatid dito sa isang paraang mabisa, karapat-dapat, at maganda.
IBA’T IBANG KAHULUGAN NG KOMUNIKASYON
Ayon kay Josefina Mangahis et al. (2008), sa aklat na Komunikasyon sa Akademikong Filipino, ang komunikasyon ay hango sa salitang Latin na communi atus na ang ibig sabihin ay “ibinabahagi.” Sa ganitong sitwasyon, ang dalawang panig ay magbabahaginan ng kanilang ideya sa paraang kasangkot ang pagsasalita, pakikinig, pag-unawa, pagbasa, at pagsulat.
lto ay isang proseso ng paghahatid ng isang mensahe o pagpapalitan ng ideya, impormasyon, karanasan, at mga saloobin ng isang tao sa kanyang kapwa.
Masasabi ring ang komunikasyon ay isang likas na minanang gawaing panlipunan na nagbabago-bago tulad ng mga tao at ng panahon, dahil ito ay isang prosesong dinamiko, tuloy-tuloy, at nagbabago.
Samakatwid, ang komunikasyon ay isang paraan ng paghahatid at pagtanggap ng lahat ng uri ng mensahe na kinasasangkutan ng magkatambal na proseso ng pagsasalita, pakikinig, at pag-unawa. May nagsasalita man, kung walang nakikinig at umuunawa, ay walang nagaganap na komunikasyon.
ANG KOMUNIKASYON BILANG ISANG PROSESO
Bago maganap ang komunikasyon, ang mananalita o communicator ay kailangang magkaroon ng sasabihin, samakatwid, dapat muna siyang dumaan sa proseso ng pag-iisip o ideation. Ito ang pagbuo ng mensaheng nais na ihatid. Pagkatapos, kailangan isipin ng mananalita kung ano ang gagamitin niya sa paghahatid—senyas o wika. Sa kasalukuyan, wika ang pinakagamitin sa paghahatid ng anumang uri ng mensahe. Ito ang pinakamabuti sapagkat maaaring gamitin sa paraang pasulat at pasalita.
Ang komunikasyong pasalita ay nagiging mas mabis? kung ito ay tinutulungan ng kilos o galaw. Layunin ng isang mananalita na maihatid nang malinaw ang kanyang mensahe. Malaking bahagi ng maayos na pakikipagtalastasan ay nakasalalay sa kahusayan sa paggamit ng wika ng mananalita at sa lawak ng kanyang talasalitaan. Ang Iimitadong talasalitaan ay nagbibigay rin ng limitadong pagkakataon na makagamit nang tama at angkop na mga salita ang mananalita upang maipahatid ang tamang mensahe.
Kung paanong tatanggapin ang mensahe ay naaayon sa katinuan ng kalagayan ng tumatanggap—naririnig ba nang malinaw ang mensahe, nauunawaan ba, at nabibigyang-kahulugan ba ang naririnig? Ang reaksiyon ng tumatanggap ng mensahe ay nakasalalay sa mga bagay na binanggit.
MGA LAYUNIN NG KOMUNIKASYON
Ang komunikasyon ay gumaganap ng kanyang tungkulin sa sangkatauhan ayon sa sumusunod na mga layunin.
- Magbigay ng daan tungo sa pag-uunawaan ng mga tao
- Makapagkalat ng tamang impormasyon at kapaki-pakinabang na mga kaalaman
- Magbigay-diin o halaga sa mga paksa o isyung dapat mabigyang-pansin, talakayin, at dapat suriin ng mga mamamayan
- Magbukas ng daan sa pagpapahayag ng ibalt ibang kaisipan, damdamin, at saloobin ng mga tao
MGA URI NG KOMUNIKASYON
Sa pagnanais ng tao na makipag-unawaan sa kanyang kapwa na kasama niya sa lipunang kinabibilangan ay apat na uri ng komunikasyon ang kanyang ginagamit.
- Komunikasyong Verbal — Uri ng komunikasyong gumagamit ng wika na maaaring pasulat o pasalita. Pasulat ang uri ng komunikasyong nababasa at pasalita yaong mga binibigkas at naririnig. Ito ang pinakagamiting uri ng komunikasyon.
- Komunikasyong Extra-Verbal — Uri ng komunikasyong gumagamit ng tamang tono o timbre ng boses sa pagsasalita o pagpapahayag ng kanyang saloobin o damdamin. Ang mababa at malumanay na tinig ay tanda ng paggalang sa matatanda samantalang ang malakas na boses, mataas na tono, at mabilis na ritmo ay ginagamit sa pagbibigay ng babala o paghingi ng tulong.
- Komunikasyong Di Verbal — Ito naman ay uri ng komunikasyong hindi gumagamit ng wika, sa halip, kilos at galaw ng katawan ang ginagamit sa pakikipagtalastasan. Halimbawa nito ang ekspresyon ng mukha, galaw ng mata, kamay, at paa.
Ang mukha ang pinakamahalaga sa pakikipagtalastasang hindi ginagamitan ng wika. Ang mata at bibig ay mahalaga sa pagpapadama ng damdamin. Ang matang naniiiisik ay nagpapadama ng galit, ang matang malamlam ay nagmamakaawa. Ang ngiti ay palatandaan ng kasiyahan o pagsang-ayon, at iba pa.
- Komunikasyong Simboliko — Ito ay komunikasyong binubuo ng mga mensaheng naibibigay ng mga bagay na ginagamit na nakapaglalarawan ng mga nakatagong katangian at personalidad ng isang tao. Ang mga ito ay maaaring naipakikita sa pamamagitan ng:
- Kasuotan o damit
- Alahas o palamuti sa katawan
- Make-up
- Kulay na napili