Ang pananaliksik ay magkakaugnay na mga gawain na nagsisimula sa pag-iisip ng paksa o katanungan. Kasunod ang mga pamamaraan ng paglikom ng mga datos at impormasyon, ang mga nalikom na datos ay iaayos, susuriin, bibigyan ng interpretasyon, at Ialapatan ng kongklusyon. Pagkatapos ay i-dodokumento. Inaasahan na ang pinal na sulatin o dokumentasyon ay maibabahagi sa iba sa pamamagitan ng pag-uulat at/o paglalathala nito para sa kapakinabangan ng iba.
Ito rin ay isang gawaing pang-akademiko na tinutugunan ng mga taong sangkot sa isang akademikong lipunan at ang ilan sa mga ito ay ang mga propesor at mga mag-aaral. Karaniwang binibigyan ng ganitong gawain ang mga mag-aaral dahil sa sumusunod na mga layunin:
- Nagpapalawak ng kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa isang paksa o mga bagay-bagay sa paligid nang higit pa kaysa sa pagbabasa at pakikinig sa loob ng silid-aralan;
- Nagbabahagi ng mga bagong karanasan gaya ng pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang uri ng mga tao, pagpunta sa iba’t ibang lugar, pagharap sa suliranin o dilema (sarili man o hindi), at marami pang iba;
- Nagpapayaman ng isipan ng mag-aaral sapagkat inilalantad siya sa iba’t ibang pananaw na maaaring malapit o malayo sa kanyang paniniwala;
- Nagtutulak sa mga mag-aarai na mag-isip, magtanong, magsuri, bumuo ng kongklusyon mula sa nakolektang mga datos at ibahagi ang mga nakalap na impormasyon sa kanyang komunidad;
- Nagpapaunlad ng kasanayan sa pakikisalamuha, pamumuno, pakikipag-talastasan, pamamahala, pagbuo, at pag-iisip;
- Naghahasa ng mga mag-aaral na humarap at lumutas ng suliranin na bahagi ng gawaing pananaliksik at kung anuman ang matutuhan niya rito ay magamit niya sa kinabibilangang lipunan gayundin sa kanyang pagtatrabaho.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa kahalagahan ng pananaliksik. Ang pagpapabuti ng programang pananaliksik sa isang paaralan ay maghahanda sa mga mag-aaral nito na linangin ang kanilang kakayahan, kasanayan, kahusayan, at tiwala sa sarili.
Ang pananaliksik, samakatwid, ay masistemang gawain ng pangangalap ng datos o impormasyon na nagpapataas ng kaalaman at pang-unawa ng mga mag-aaral/mananaliksik tungkol sa isang pangyayari. Tungkulin ng mananaliksik na maihayag ang kanyang nasaliksik sa pamamagitan ng publikasyon.
Sa kabilang banda, ang pananaliksik ay isa ring pagtatangka sa maingat na pag-uusisa, pag-aaral, pagmamasid, pagsusuri, at pagtatala ng mga bagong impormasyon, katotohanan, at kaalaman na may kaugnayan sa iba’t ibang aspekto ng buhay.
Gayundin naman, higit sa lahat, ang pagsulat ng pananaliksik ay nanga-ngailangan ng pasensiya, pagtitiyaga, at pagsisikap.
Mga Uri at Layunin ng Pananaliksik
Ayon kay Michael Patton (1990), ang apat na uri at layunin ng pananaliksik:
- Panimulang Pananaliksik (Basic Research). Ang layunin ng panana-liksik na ito ay umunawa at magpaliwanag. Ito ay binubuo ng teoryang nagpapaliwanag tungkol sa isang penomenong sinisiyasat (o pangyayari) at ito ay deskriptibo o naglalarawan.
- Pagtugong Pananaliksik (Applied Research). Ang layunin ng panana-liksik na ito ay upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang kalikasan ng isang suliranin nang sa gayon ay magkaroon siya ng ideya kung paano ito makokontrol. Sa madaling salita, ang uring ito ay humahanap ng potensiyal na kalutasan sa mga suliranin ng tao at mga suliraning umiiral sa kanyang kapaligiran.
- Pananaliksik na Nagtataya (Evaluation Research). Ito ay tumutukoy sa pag-aaral ng proseso at kinalabasan ng isang solusyon. Layunin ng formative evaluation na pag-ibayuhin ang pakikisangkot ng tao sa ilang kondisyon gaya ng oras, gawain, at pangkat ng tao. Samantala, layunin ng summative evaluation na sukatin ang bisa ng isang programa, polisiya, o produkto.
- Pagkilos na Pananaliksik (Action Research). Ang pananaliksik na ito ay naglalayong lumutas ng isang tiyak na suliranin sa isang programa, organisasyon, o komunidad.