At higit pang mabigat na hamon ang pagkilala sa ugnayang namamagitan sa panloob at panlabas ng isang tao. Ang ugnayan ng panloob at panlabas ay nagbibigay sa atin ng sukatan sa pagkilala sa kung ano ang nararapat, mabuti, at maganda. Mahalaga ang ugnayan ng loob (kaluluwa) sa Iabas (katawan). May kinalaman ang loob sa pag-iisip at damdamin samantalang tinutukoy naman ng labas ang pisikal na anyo at galaw/kilos (Jose at Navarro 2004). Sa karamihan ng pagsisiyasat at pag-aaral, kapuna-puna na mas pinagtutuunan ng pansin ang panloob kaysa sa panlabas, sapagkat ang loob ang siyang pinakasalamin ng katauhan at pagkatao ng isang tao (Miranda 1989). Bukod pa rito, ang loob ang siyang nagtatagpi sa ating kapasyahan, pag-iisip, at pakiramdam. At ang pag-iisang ito ang ugat ng ating etikal na direktibo na kilala rin bilang konsensya o budhi ng tao (Mercado 1972). At kung gusto nating makilala ang isang tao, ang loob nito ang dapat nating siyasatin sapagkat ito ang tanging makakapagbibigay ng totoong anyo nito (Ileto 1979). Hindi walang basehan ang pagbibigay ng higit na pansin sa panloob kaysa sa panlabas. Subalit may panganib na makulong tayo sa panloob na aspekto nang hindi batid ang kaugnayan nito sa panlabas na salik. Nagnanais ang tao na may pagtutugma ang ugnayan ng loob at labas. Ito ang dahilan kung bakit kapag di tumutugma ang loob sa labas, sinasabi nating may mali, o hindi maganda. Halimbawa, “maganda nga siya subalit pangit naman ang ugali.” Kung papipiliin, makikita rin ang mas pagbibigay-halaga sa loob sa komentong “hindi bale nang hindi maganda o guwapo, basta mabuti ang kalooban.” Isa pang halimbawa ang obserbasyong “nagbabait-baitan ngunit nasa loob naman ang kulo.”