Itinuturing ang tula, maikling kuwento, dula, nobela, pelikula, at ibang anyo ng sanaysay bilang produkto ng malikhaing pagsulat. Iba-iba ang kalikasan at katangian ng mga akdang ito, kaya kung magsusulat ng tradisyonal na tula, halimbawa, kailangang alamin ang mga koda sa sukat at tugma at iba pang elemento. Kung maikling kuwento naman, kailangang imaging solido ang karakterisasyon at ang banghay. Kung dula naman ang isusulat, isaalang-alang and entablado, ang diyalogo, at ang kakayahan ng mga aktor. Ibig sabihin, kilalanin at unawain muna ang kalikasan at katangian ng mga anyong ito bago magsulat.
Sa aklat na ito, matututo ng ilang pangunahing kasanayan sa malikhaing pagsulat an maaaring magamit kung interesadong malathala ang mga tula o maikling kuwento, maitanghal sa entablado ang dula, o maipalabas sa mga sinehan ang pelikulang gumamit ng screenplay.
Magagamit din ito sa maraming sitwasyon, halimbawa sa pagpapahayag ng nadarama o iniisip sa blog o social media account, pagtatanghal sa mga pagtitipon sa paaralan o sa opisina o sa iba pang okasyon, paghahanda ng di-nakababagot na report sa boss o mga kliyente, at marami pang iba.
Hindi maituturo ng aklat na ito ang lahat tungkol sa malikhaing pagsulat dahil sa limitasyon ng espasyo. Kaya kung seryoso sa malikhaing pagsulat at nais ituloy-tuloy ang pag-aaral nito upang maging mahusay na manunulat, kailangang patuloy na magbasa hindi lamang ng mga tula, kuwento, pelikula, o dula, kundi maging ng mga aklat hinggil sa teorya at panunuring pampanitikan. Siyempre, ipagpatuloy ang pagsulat at ipabasa ito sa iba. Hingin mo ang kanilang mga puna o komento at tanggapin nang may bukas na isipan ang mga ito. Kakailanganin ng sapat na panahon upang maging mahusay na manunulat.
Sa pangkalahatan, ipinapakita sa mga modyul sa aklat na ito ang malikhaing pagsulat ay hindi lamang simpleng pagsulat. Ito ay isang prosesong kinasasangkutan ng imahinasyon at politika ng manunulat.
Ang Malikhaing Pagsulat Bilang Imahinatibong Gawain
Ang totoo, hindi naman ang pagkamalikhain ang nagtatangi sa malikhaing akda mula sa iba pang uri ng sulatin katulad ng akademikong papel o korespondensiya opisyal. Ito ay dahil may malikhaing fakultad ang bawat tao na maaari niyang gamitin sa lahat ng uri ng sulatin. Ang naghihiwalay sa malikhaing pagsulat sa iba pang-uri ng sulatin ay kung paano ginagamit ang imahinasyon.
Kapag tinanong ka kung ano ang imahinasyon, ano ang isasagot mo? Para sa marami, ang imahinasyon ay isang simpleng pag-iimbento o pantasya. Bagaman ginagamit ang imahinasyon upang mag-imbento ng mga bagay, hindi ito ang pangunahing gamit ng imahinasyon. Sa pamamagitan ng imahinasyon, nakalilikha ng mga larawan sa isip ng mga bagay na hindi aktuwal na nasasagap ng paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa, at pandama.
Isara mo ang iyong mga mata at ilarawan sa iyong isip ang una mong nakita, narinig, naamoy, nalasahan, at nadama nang magising ka. Gawing detalyado ang larawang nasa isip. Paano isinasayaw ng hangin ang kortina sa iyong kuwarto? Nag-iingay ba ang electric fan? Ano ang amoy ng iyong unan? Nalalasahan mo ba ang panis mong laway? Ano ang pakiramdam sa balat ng bed sheet? Ngayon, buksan mo ang iyong mga mata at tumingin-tingin sa iyong paligid. Ikaw ba ay nasa iyong kuwarto? Ang sagot ay hindi, maliban na lamang kung nasa iyong kuwarto ka habang binabasa ito.
May mga mahihirapan sa gawaing ito at sasabihing ”wala kasi akong imahinasyon.” Ang totoo, bawat isa sa atin ay may imahinasyon at hindi tayo mabubuhay kung wala tayo nito. Masasabing marami lamang ang hindi gumagamit nito. Katulad ng mga kalamnan, ang imahinasyon ay manghihina kung hindi natin gagamitin ito. Kailangang sanayin ang imahinasyon upang maging mas masigla at makulay ito na kakailanganin sa pagsulat ng malikhaing akda.
Bakit kailangan paganahin ang imahinasyon sa pagsulat ng tula, maikling kuwento, o dula?
Isa sa mga kalikasan ng malikhaing pagsulat ang pagbibigay ng buhay sa mga tao, lugar, bagay, o pangyayari sa isipan ng mga mambabasa. Tungkulin ng manunulat na dalhin ang mga mambabasa sa mundong kaniyang nilikha.
Hindi ba’t nakaiinis kung hindi mailarawan sa isip ang binabasang tula o kuwento?
Kung ang tula ay tungkol sa gagamba sa uhay, gamitin ang imahinasyon at lumikha ng mga imaheng magpapaunawa sa ugnayan ng gagamba at uhay. Kung ang pangunahing tauhan sa kuwento ay matandang babaeng palamura at magaspang ang ugali, ipakita ang kaniyang hitsura at kilos, ipaamoy ang kaniyang hininga, at iparinig ang bulgar niyang pananalita. Kung ang tauhan naman sa dula ay binatang nag-aaral sa isang eksklusibong kolehiyo at may kaartehan ang pagsasalita, ipakita sa diyalogo na nag-aaral siya sa eksklusibong kolehiyo at maarte kung magsalita.
May mga nagsasabing iyon lamang mga biniyayaan ang maaaring maging malikhaing manunulat. Huwag itong paniwalaan. Ang totoo, natural sa bawat tao ang pagkakaroon ng imahinasyon. Ang kailangan lamang gawin upang maging mahusay na manunulat ay patuloy na gamitin ang imahinasyon. Kapag nahasa ito, mas magiging madali ang pagsulat.
Ang Malikhaing Pagsulat Bilang Gawaing Politikal
Batay sa mga naunang modyul sa aklat na ito, masasabing ang malikhaing pagsulat ay gawaing politikal. Ibig sabihin, may nais baguhin o makamit ang isinulat na mga tula, maikling kuwento, o dula. Maaaring nais nitong baguhin ang pananaw ng mga mambabasa tungkol sa isang partikular na usapin. Halimbawa nito ang mga nobeleta ni Lualhati Bautista na tumatalakay sa aborsiyon, kontrasepsiyon, at iba pang isyung hinaharap ng mga Pilipina.
Ang modernistang panulaang Tagalog ay tumaliwas sa “pino” at “marikit” na tula na ibinabandera ng sinundang tradisyon sa tula. Ang mga akda sa Agos sa Disverto ay naglayong palitawin ang tinig ng mga naisasantabing pangkat sa lipunan katulad ng mga magsasaka at manggagawa. Ang mga dula noong rehimeng Marcos ay nanawagan para sa malawakang pagbabago sa lipunan. Ang proletaryong panitikan ay naglayong imulat ang masa sa kabuktutan ng estado at pakilusin sila upang makamit ang tunay na kalayaan. Ang mga eksperimental na tula, maikling kuwento, o dula ay humahamon sa namamayaning kaayusan sa panitikan ng Pilipinas sa kasalukuyan.
Maraming manunulat na ang layunin ay ilarawan o idambana sa kanilang akda ang magaganda sa kanilang kapaligiran. Ayon kay Salvador P. Lopez (1940, 181), ito ang madalas na isagot ng mga manunulat kung bakit tahasan nilang iniiwas sa kanilang mga akda ang mga ”kapangitan” ng lipunan: ”The world is too much with us; we will have nothing to do with the struggle. We conceive of art as an escape from the ugliness we see around us… therefore, we propose to make it more beautiful with the products of our imagination… The pen was made for purposes utterly different from the sword; we refuse to be artists in uniform.”
Nang tanungin ni Lopez si Jose Garcia Villa kung bakit hindi siya kumakatha ng mga akdang may kahalagahang panlipunan, ito ang sagot ng huli (Lopez, 1940, pp. 162,163): ”I am an artist, and in the kind of art I believe in and to which I have given my whole allegiance, there is no place for anything that has to do with social, economic or political problems. The whole function of the poet is to arouse pleasure in the beautiful. Propaganda does something else.”
Nagsusulat ang mga manunulat na ito na para bang ang lahat ng tao ay nagigising at natutulog nang may ngiting abot-tainga. Ngunit hindi ito ang realidad ng ating lipunan. Magigising si Juan na kumakalam ang sikmura dahil hindi nakakain kagabi (nakatulog sa labis na pagod), maglalakad na lamang papunta sa pinagtatrabahuang konstruksiyon (kulang ang pamasahe), at isang galunggong at tatlong takal na kanin na nagtatampisaw sa libreng sabaw ang kakainin sa pananghalian (para mas matipid). Magpapatuloy na ganito sa araw-araw, habang ang mga naghahari-harian ay sitting pretty sa kanilang trono.
May dalawang pagpipilian ang manunulat. Ipepreserba ba niya ang ganitong kaayusan na para bang burong mangga, o gagawa siya ng paraan na makatutulong sa pagbubuwag nito? Ang pagdedesisyong ito, kahit ang hindi pagdedesisyon, ay politikal na gawain. Ayon kay Rolando Tolentino (2009, p. 85), sa simula pa lamang:
…ang pagsusulat ay isa nang politikal na aktibidad. Marami namang maaaring gawin tumuklas ng sandaan pang variety ng hibiscus o gumamela at bougainvillea, butingtingin ang sirang kotse at alarm clock, gumawa ng compost pit, magsegregate ng basura, o mag-“Final Fantasy.” But no, pinili ng tao na magsulat. Sumasagka na ito sa daloy ng kalakaran sa lipunan.