Isang isyung malimit pag-usapan sa mga seminar pangwika ay ang i tungkol sa mga patakarang pangwika sa bansa. Bagama’t mayroon nang batayan hinggil dito mula sa ating Saligang Batas, marami pa rin ang mga isyu o usapin hinggil sa mga patakarang pangwika.
Babasahin mo ngayon ang isang pag-aaral naman na isinagawa ng isang opisyal sa Komisyon sa Wikang Filipino hinggil sa isyung ito.
ANG PATAKARANG PANGWIKA SA PILIPINAS AT MGA PAG-AARAL KAUGNAY NITO
ni Sheilee Boras-Vega, PhD
Ang patuloy na pagkilos tungo sa tinatawag na globalisasyon, at habang umuunlad ang isang global language, ay lalong pinahahalagahan ng bawat bansa ang kani-kanilang ethnicity o sariling pagkakakilanlan partikular na ang language and cultural identity. Lalo din namang pinahahalagahan at kinikilala ng mga ahensiyang pang-internasyonal tuiad ng UNESCO, ang tinatawag na cultural and linguistic diversity, kasunod ang pagkilala sa karapatan sa wika at kultura ng bawat pangkat o bansa.
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang mayroong napakaraming wika. Sa listahan ni Grimes at Grimes (2000), mayroong nakatalang 168 buhay na wika sa bansa, samantalang sa sensus ng NSO noong 2000, mayroon tayong 144 na buhay na wika. Gayunpaman, ayon kay Sibayan (1974), humigit-kumulang 90% ng populasyon sa bansa ay nagsasalita ng isa sa waiong pangunahing wika. Sa kabila ng pagiging linguistically diverse na bansa natin, mula pa 1974 ang ating edukasyon ay nakatutok sa patakarang bilingguwal, paggamit ng Filipino at English bilang midyum ng pagtuturo sa mga tiyak na asignatura.
Sa sektor ng pamahalaan, noon pang 1969 sa panahon ng Pangulong Marcos, hinikayat na ang paggamit ng wikang pambansa sa mga opisyal na komunikasyon at korespondensiya, sa katunayan, noon pa man ay nagkaroon na ng mga pagsasanay para dito sa pamumuno ng dating Surian sa Wikang Pambansa na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino. Sinundan ito ng E.O. 335 noong 1988, na nag-aatas sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na magsagawa ng mga hakbang upang magamit ang Filipino sa mga opisyal na komunikasyon at korespondensiya.
Subalit noong 2003, ang Panguiong Gloria Macapagal Arroyo ay nag-atas na ibalik ang English bilang pangunahing wikang panturo. Ito ay kaugnay pa rin sa pakikilahok ng ating bansa sa pandaigdigang pamilihan na sa ngayon ay English ang dominanteng wika ng pandaigdigang ekonomiya at komersiyo. Ayon pa sa Pangulo:
“Our English literacy, our aptitude and skills give us a competitive edge In ICT. We must continue our English literacy which we are losing fast.”
Kasunod ng pahayag ng pangulo na ibalik ang English bilang pangunahing wikang panturo, nagpalabas ang Malacahang ng Executive Order No. 210 noong Mayo, 2003 na may pamagat na “Establishing the Policy to Strengthen the Use of the English language as a Medium of Instruction in the Educational System.” Bilang patakaran, ayon sa kautusang ito, ituturo ang English simula sa unang baitang at gagamitin itong wikang panturo sa English. Matematika, at Agham. English ang magiging pangunahing wika ng pagtuturo sa lahat ng mga paaralang publiko at pribado sa mataas na paaralan at hindi bababa sa 70% ng kabuoang panahong inilaan sa pagtuturo ng lahat ng asignatura ang time allotment para sa paggamit nito. Sa mga institusyong pantersyarya man ay English ang gagamiting pangunahing wikang panturo, ayon sa kautusan. Bunga nito, nalimitahan ang gamit ng Filipino at itinakda na lamang ito bilang wikang panturo ng mga asignaturang Filipino at Araling Panlipunan. At nitong huli, pinagtibay ng Kongreso ang House Bill 4701 na may pamagat na “An Act Prescribing English as the Medium of Instruction in Philippine Schools.”
Kaugnay nito, nais kong ilahad ang ilang mga pag-aaral kaugnay ng patakarang pangwika sa ating bansa.
Noong 1974, nagsimulang ipatupad ang patakaran sa edukasyong bilingguwal bilang pagsuporta sa paglinang ng isang bilingguwal na bansa. Nang mapagtibay ang 1987 Konstitusyon, nirebisa ng Kagawaran ng Edukasyon ang patakarang ito at ipinalabas ang 1987 Patakaran sa Edukasyong Bilingguwal na halos katulad Iamang ng nakaraang patakaran maliban sa ilang dagdag na probisyon tulad ng pagbibigay sa antas tersyarya ng gampaning pangunahan ang intelektuwalisasyon ng Filipino. Nakasaad din na kailangan ang regular na pag-evaluate sa patakarang ito. Kung kaya’t noong 1986, isinagawa ng isang pangkat ng Liguistic Society of the Philippines (LSP) ang unang summative evaluation sa pagpapatupad ng patakaran ng edukasyong bilinguwal sa antas tersyarya na pinangunahan nina Sibayan at Gonzalez (1987).
Ayon sa resulta ng pag-aaral nina Sibayan, hindi seryosong ipinatupad ng mga paaralan ang programang edukasyong bilingguwal. Negatibo ang mga paaralan sa paggamit o paraan ng paggamit ng Filipino sa mga paaralan ngunit hindi sa Filipino bilang pambansang wika. Inilahad din ng resulta ng pag-aaral na ang mga mag-aaral sa buong bansa ay napakahina ng performance, sa mga paaralang pampubliko o pampribado, magagaling o mahihina mang paaralan. Ang dahilan ng malungkot na sitwasyong ito ay ang mga guro mismo na walang sapat na kaalaman sa asignaturang kanilang itinuturo.
Ipinakita sa kinalabasan ng ebalwasyon na ang Edukasyong Bilingguwal ay hindi priyoridad sa antas tersyarya. Sa karamihan ng mga institusyong pantersyarya, ang pagpapatupad ng Edukasyong bilingguwal ay walang masusing disenyo. Bilang pagbubuod, ang pag-aaral na ito ay nagkaroon ng kongklusyon na ang pagbaba ng achievement scores ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya ay hindi dapat isisi sa Patakaran ng Edukasyong Bilingguwal kundi sa kakulangan ng kakayahan ng mga guro, mahinang pamamahala ng mga paaralan, at kakulangan ng mga aklat at iba pang mga kagamitan sa pagkatuto—mga salik na iniuugnay sa mababang sosyo-ekonomikong antas at kakulangan ng suportang pinansyal.
Ang pag-aaral na ito ay sinundan ng pag-aaral ni Fuentes (2000) sa istatus ng pagpapatupad ng 1987 patakarang edukasyong bilingguwal ngunit naging limitado lamang sa mga institusyong pantersyarya sa Cebuano at Hiligaynon. Ayon sa pag-aaral na ito, bigo ang implementasiyon ng Patakarang Edukasyong Bilingguwal sa mga institusyong pantersyarya ng Cebuano at Hiligaynon. Ang pagpapaunlad ng kakayahan sa wikang English ang pangunahing layunin ng mga institusyong pantersyarya sa mga nabanggit na lugar at ang Edukasyong Bilingguwal ay itinuturing na hadlang sa di pagtamo ng layuning ito.
Ang pag-aaral ding ito ay nagpapatunay na ang wikang Filipino ay tanggap na bilang wika ng pagkakaisa at simbolo ng pambansang pagkakakilanlan maging sa mga Cebuano na noon pa ay nagpakita na ng matinding pagtutol. Gayunpaman, naniniwala ang karamihan na ang pagiging angkop, bilang wikang pambansa, ay hindi nangangahulugang angkop ding wikang panturo sa mga asignaturang Science at Math. Ipinaliwanag ni Fuentes na “Filipino is percieved to have more of symbolic than functional purpose in the lives of Filipinos.” Idinagdag pa na naniniwala ang karamihan na sila ay makabansa sa kabila ng kanilang kakulangan ng kakayahan sa wikang pambansa. Ayon pa rin kay Fuentes, ito ay nangangahulugan na sa isang multilingguwal na pamayanang tulad ng Pilipinas, ang damdaming makabansa ay nakakabit sa kanilang unang wika (mother tongue) kung kaya’t ang kahinaan sa pambansang wika ay hindi nangangahulugang nababawasan ang kanilang pagiging makabansa. Sa kabilang banda, ang kakayahan sa wikang English ay pangunahing kailangan sa pagtatamo ng ekonomikong tagumpay dahil nananatili itong wika ng mahahalagang larangan partikular ng pamahalaan, negosyo, at mataas na edukasyon. Mahalagang banggitin na ang pinakamadalas sabihing dahilan ng di pagpatupad ng patakaran ay ang kakulangan ng suporta ng pamahalaan.
Sa kabilang dako mahalagang banggitin dito ang naging resulta ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMMS) na ginawa noong 1999, ang Pilipinas ay pang-38 sa Math at pang-40 sa Science sa kabuoang 41 lumahok na bansa. Ito ay sa kabila ng pagtuturo ng Science at Math sa wikang English sa loob ng mahigit na isang daang taon. Nangangahulugan kaya ito na maaaring walang kinalaman sa wika o hindi lamang tungkol sa wika ang dahilan kung bakit mahina ang mga Pilipino sa Math at Science? Kung wika man ang dahilan, hindi kaya dahil sa wikang English na ginagamit na midyum ng pagtuturo sa mga asignaturang Science at Math? Ang karanasan ng Tsina, Hapon, at Rusya ay sapat na patunay na maaaring maging mahusay sa Science at Math kahit ito’y itinuturo hindi sa Ingles. Sa anong midyum nga ba mas madaling matuto ang ating mga
estudyante?
Sa pagsagot ng katanungang ito, mahalagang talakayin ang papel na “Language and Culture in the Pacific Region: Issues, Practices, and Alternatives” ni Dr. Ana Taufeulungaki, Direktor ng Institute of Education ng Unibersidad ng South Pacific (2004) na naglarawan sa konteksto ng wika sa Rehiyong Pasipiko.Tinalakay din ang mga karaniwang dahilan ng pagpili ng wika at nagbigay/nagmungkahi ng mga hakbang na maaaring isaalang-alang ng mga tagapaghanda ng patakaran at sistema ng edukasyon.
Ayon sa papel na ito, ang Pasipiko ay sinasabing “most linguistically complex region” sa mundo na mayroong mahigit sa isang libong natatanging wikang bernakular na sinasalita ng kulang sa 10 milyong naninirahan dito. Maliban pa ito sa mga wikang dayuhan na dala ng mga misyonero, negosyante, at mga mananakop na nanirahan sa Rehiyong Pasipiko tulad ng English, French, Spanish, Japanese, Chinese, Hindustani, Filipino, Korean, at German.
Sa layuning matulungan ang mga bansa sa Pasipiko na makabuo ng angkop na mga patakarang pangwika na magtataguyod ng pantay na edukasyon at mapabuti ang kalidad ng pagtuturo at pagkatuto, ang World Bank ay nagkomisyon ng isang papel noong 1994 upang suriin ang pandaigdigang karanasan sa “Paggamit ng Una at Pangalawang Wika sa Edukasyon”. Natuklasan ng pananaliksik na ito ang mga sumusunod:
- Ang mga bata ay nangangailar,gan ng pinakamababa nang 12 taon upang matutuhan ang kanilang unang wika. Ibig sabihin na ang unang 12 taon ng bata ay dapat nakalaan o bigyang-diin ang pagkatuto sa unang wika ng bata.
- Ang mga bata ay hindi natututo ng pangalawang wika nang mas mabilis at madali kaysa mga matatanda.
- Ang may edad na bata ay may higit na kasanayan sa pagkatuto ng pangalawang wika.
- Ang developmentng unang wika ng bata na may kaugnayan sa kognitibong development ay higit na mahalaga kaysa paghantad sa pangalawang wika. Kung gayon, pinabubulaanan ng pahayag na ito na hangga’t maaga ay turuan na ng pangalawang wika o bigyan ng mahabang oras ang pagkatuto ng L2 ng mga bata.
- Sa mga sitwasyon sa paaralan, ang mga bata ay dapat matuto ng akademikong kasanayan sa wika gayundin ng mga kasanayan sa sosyal na komunikasyon. Matatamo lamang ito sa pamamagitan ng paggamit ng wika ng bata.
- Ang mga bata ay natututo ng pangalawang wika sa ibalt ibang paraan, batay sa kanilang kultura, sa kanilang pangkat, at sa kanilang indibidwal na katauhan.
Sa rebyu ng literatura, na nabanggit na sa papel ay nagkaroon ng kongklusyon
na:
- Ang development ng unang wika ay kritikal sa kognitibong development at bilang batayan sa pagkatuto ng pangalawang wika.
- Ang mga guro ay dapat nakauunawa, nakapagsasalita, at nakagagamit ng wika ng pagtuturo. Ito man ay una o pangalawang wika.
- Ang suporta at pakikisangkot ng mga magulang at pamayanan ay mahalaga sa lahat ng matagumpay na mga programa.
Bagama’t kinikilala ng mga bansang Pasipiko ang kahalagahan ng unang wika bilang midyum ng pagtuturo, sa katotohanan, iba-ibang mga patakaran, at kaugalian ang matatagpuan. Sa halos lahat ng bansa dito, ang unang wika ay ginagamit bilang midyum ng pagtuturo sa unang anim na taon sa edukasyong primarya. Kung gayon, kailangang matutuhan ng mga mag-aaral sa Pasipiko ang pangalawang wika bilang midyum ng pagtuturo sa paaralan. Bunga ng ganitong sitwasyon, nagkakaroon ng ilang suliranin:
If the mother is not strong, students will have difficulty in acquiring the second language, which will have negative impacts on their learning and educational achievement. A language also is not learned in isolation. It comes with the cultural values, beliefs, rules, and conventions of its home culture.
Ipinaliwanag pa sa papel na ito na ang mga mag-aaral ay dapat matuto hindi lamang sa kanilang wika kundi maging sa kultura ng wikang iyon. Idinagdag pa na kadalasan, ang mga paaralan ay ginagaya sa anyong kanlurang edukasyon la nagmumula sa ibang mga sistema ng pagpapahalaga at mayroong ibang sistema ng komunikasyon at nagtataguyod ng ibang estratehiya sa pagtuturo at pagkatuto na naiiba sa kontekstong sosyokultural ng karamihan ng mga mag-aaral sa Pasipiko. Ang resulta nito ay ang mahinang mga wika at mga pamayanan sa Pasipiko na maaaring dumanas ng pagkalipol at pagbagsak ng edukasyon para sa mga mag-aaral sa Pasipiko.
Bilang kongklusyon, ayon kay Taufeulungaki, ang pagpili at mga desisyon ng mga bansang Pasipiko na magtatakda ng mga patakarang pangwika at mga ‹augaliang pang-edukasyon ay ayon sa kanilang sariling mga bisyon at mga developmental na mithiin—ang internal na pagkakaisa at eksternal na partisipasyon sa modernong global na pamayanan. Nagiging malinaw na ang dalawang ito ay diametrikal na magkasalungat.
Sinabi ni Taufeulungaki:
Language can be both the tool to strengthen Individual and group identity leading to high self-esteem and self-confidence, the prerequisites to effective learning, and the acquisition of additive education. By promoting and developing mother tongue education, cognitive development will be enhanced and a sound basis will be provided for the acquisition of a second language, the vehicle of modern development and participation in the world community.
Kaugnay ng isyu tungkol sa edukasyong multilingguwal dito sa Piiipinas noon pang 1948, nagsagawa na ng mga eksperimentong pagtuturo sa wikang bernakular. Simula noon, nagkaroon na ng mga pagtatangka at pagsisikap na isama ang wikang bernakular sa kurikulum ng edukasyong elementarya. Noong Abril 2000, ang rekomendasyon ng Presidential Commission on Educational Reform (PCER) ay nagsasaad ng paggamit ng lingua franca at mga bernakurar. Sa paunang salita ng mga tiyak na mungkahing pagbabago ay mababasa ang ganito:
While reaffirming the Bilingual Education Policy and the improvement in the teaching of English and Filipino, this proposal aims to introduce the use of the regional lingua franca or vernacular as the medium of instruction in Grade One. Studies have shown that this change will make students stay in rather than drop out of school, learn better, quicker. and more permanently and will in fact, be able to use the first language as a bridge to more effective learning in English and Filipino as well as facilitate the development of their cognitive maturity. (PCER, 2000.)
Noong 1999 sa panahon ng panunungkulan ng dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon na si Bro. Andrew Gonzalez, nagkaroon ng proyektong Lingua Franca Education. Sa 16 na rehiyon sa bansa, nagkaroon ng experimental class sa grade one na gumarnit ng lingua franca bilang midyum ng pagtuturo sa lahat ng asignatura, at ang control ciass ay ang bilingual education.
Kaugnay pa rin ng isyu sa edukasyong multilingguwal, mababanggit dito ang resulta ng 2006 NAT Grade 3 reading test sa dibisyon ng Kalinga. Sa sampling ng distritong ito, tanging ang Lubuagan lamang ang may First Language Component, ibig sabihin, ang unang wika ang ginamit na midyum ng pagtuturo sa lahat ng asignatura maging sa Science at Math. Ang natitirang siyam na distrito ay sumailalim sa regular ng edukasyong bilingguwal. Ipinakita sa resulta ng reading test na ang distrito ng Lubuagan ang nakapagtala ng pinakamataas na marka sa English (76.5%) at Filipino (76.44%). Ang pumangalawa na distrito ay ang Tinglayan na nakaiskor ng 64.5% sa English at 61.4% sa Filipino. Ang pumangatio naman ay ang Pasil, na nakaiskor ng 51.9% sa English at 47.7% sa Filipino.
Ang mga programang katulad ng Lubuagan First Language Component ay nagpapahiwatig na ang mga pagbabagong ibinatay sa pamayanan gamit ang unang wika ng mga mag-aaral ay matagumpay na maisasakatuparan. Mahalaga sa ganitong programa ay ang pagkakaroon ng konsultasyon sa pamayanan na maaaring pasimulan ng pakikiisa ng mga miyembro ng pamayanan sa pagpaplano, pagbuo, pagpapatupad, at pagtaya ng programa.
Sa Pilipinas, ang isyu sa pagbuo at pagpapatupad ng mga patakarang pangwika sa bansa ay patuloy na nababahiran ng politika. Kayang-kayang dalhin ng nakapangyayari
ng uri ang wika sa direksiyong naaayon sa kanilang preperensiya at paniniwalang pangwika. Naaayon din ito sa kanilang adyendang nais isulong para sa bansa. Sa sitwasyong waring higit na pinapaboran ang English dahil sa tinatawag na globalisasyon. higit din namang lumalakas ang tawag sa lokalisasyon para sa lokal na paniasa at kapakinabangan. Batay sa inilahad na mga pag-aarai, ang globalisasyon at lokalisasyon ay maaaring magkatuwang na maisakatuparan sa pamamagitan ng maaayos, tama, at angkop na patakarang pangwika sa bansa.
Sanggunian: Castillo, Emma S. (2000) “Language-Related Recommendations from the Presidential Commission on Educational Reform.” Philippine Journal of Linguistics, Volume 31, Number 2, December, 2000. LSP.