Noong dekada 70, nagpahiwatig ang mga pananaliksik na ang pag-aaral ng Ingles ay may “instrumental” na motibasyon. Ang mga pangunahing layunin noon ng mga Pilipino sa pag-aaral ng Ingles aypara mas maiging maihayag ang kanilang nais sabihin, maipakita na sila ay edukado, at makamtam ang panlipunan at pangkabuhayang tagumpay. Isa sa mga bagay na binigyang-pansin ay ang pag-identify ng mga Pilipino hindi sa mga Amerikano kung hindi sa mga edukadong kapwa Pilipino (Pascasio 2005; Llamzon 1984, na nabanggit sa Viado 2007).
Sa kabilang banda, integratibo ang layunin para sa pag-aaral ng Filipino (Otanes at Sabayan 1996, na nabanggit sa Pascasio 2005). Ang ibig sabihin nito, kung ang pagkatuto ng Ingles ay para sa potensyal na pagkamit ng mga benepisyo katulad ng magandang trabaho, ang pagkatuto naman ng Filipino ay may kinamalan sa interes sa mga tao at kulturang kinakatawan ng wikang ito (Lambert 1974).
Pagkatapos isakatuparan ang polisiyang bilingguwal, napagtantong nagkaroon ng pagkakaiba sa motibasyon ng pag-aaral ng Filipino at Ingles. Nakita na ang mga estudyante (Tagalog man o hindi) sa mga unibersidad ay nagkaroon ng “instrumental” na motibasyon para sa dalawang lengguwahe (Pascasio 2005). Maaaring dahil ang Filipino ay nakitang midyum ng pakikipagtalastasan sa loob ng klasrum, nakitang kailangang maging magaling sa lengguwaheng ito.
Sa isang pag-aaral naman ni Emy Pascasio, natuklasan na bukod sa simboliko at sentimental na kahalagahan ng Filipino sa pagpapatuloy ng mga kultural na tradisyon at pagiging mahusay na pinuno, may mga instrumental ding attachment o pagkakaugnay rito ang mga kalahok bilang paraan para magkaisa ang bayan, wikang panturo, at komunikasyon para magawa ang mga bagay-bagay. Ang mga kalahok ay mayroon ding parehong sentimental at instrumental na pagkakaugnay sa Ingles; ang abilidad na pahangain ang iba, magpahiwatig ng reputasyon, at magpataw ng kontrol ay mga sentimental na pagkakaugnay, habang ang pagpapabilis ng pinansyal na tagumpay, modernisasyon, at pagiging kawing nito sa.ibang parte ng mundo naman ang instrumental (Pascasio 1990).
Sa mga mas bagong pananaliksik nina Gloria Fuentes at Leonisa Mojica at Yoshihiro Kobari (1999, na nabanggit sa Pascasio 2005), nakitang positibo ang pagtingin ng mga kalahok sa Filipino—sa paggamit at pag-aarai nito. Mukhang naimpluwensiyahan ng pagkakaroon ng kamalayang makabayan at kagustuhang mapangalagaan ang pagkakakilanlang Pilipino ang kanilang kagustuhang matuto ng Filipino.
Dapat sigurong bigyang-diing bagamait positibo ang pagtingin sa Filipino ng mga kalahok sa pag-aaral nina Fuentes at Mojica (1999, na nabanggit sa Pascasio 2005), mas positibo ang pagtingin sa ingles.
Mahigit isang dekada na rin ang dumaan nang malathala ang mga pag-aaral na ito. Ano na kaya ang profile ng Pilipinong bilingguwal pagdating sa kanyang motibasyon at saloobing pangwika? Sa kabila ng polisiyang papalit-palit pagdating sa wikang panturo at pagkiling sa ingles ng maraming larangan, paano niya tinitingnan ang Filipino? Ang Ingles? Ano ang kanyang relasyon sa dalawang wikang ito? Ano ang kanyang opinyon at damdamin sa kanyang pagiging bilingguwal?
(Mula sa artikulong “Kapamiiya ko si Filipino, Kaibigan ko si Ingles: Metapora at Tema ng Pakikitungo sa Filipino at Ingles at Pagtingin sa Bilinggwalismo ng Kabataang Filipino” ni Krupskaya M. Añonuevo)