Basahin ang artikulong naka link sa ibaba bago intindihin ang konsepto ng register bilang varayti ng wika.
Ang Kaakuhang Pilipino at Mistipikasyon sa Advertisement
Ilang taon na ang nakararaan, dalawang malaking kompanya ng cell phone ang naglabas ng kanilang…
Sa artikulong iyong binasa, tiyak na napansin mo ang mga terminong ginamit ng may-akda na may kaugnayan sa paggamit natin ng cell phone. Tiyak din na ang mga terminong ito ay madalas mong sinasambit lalo na kapag hawak mo o ginagamit mo ang iyong cell phone.
Gaya ng paggamit ng cell phone, napakarami pang gawain ng tao na ginagamitan ng mga espesyalisadong termino. Madalas, ang mga terminong ito ay hiram na mga salita o mula sa mga banyagang kultura. Kasabay ng pagtanggap at panghihiram ng banyagang kultura ang patuloy na pagdami ng mga espesyalisadong terminong ginagamit ng mga tao gaya natin dito sa Pilipinas. Halimbawa, nang hiramin natin ang kultura ng paggamit ng washing machine, ang mayamang salita natin sa paglalaba gaya ng kuskos, kusot, piga, kula, babad, banlaw, palo-palo, palanggana, batya, at iba pa ay nadagdagan ng mga salitang wash, rinse, spin, reserve, soak, speed, hyper speedy, normal, mini, delicate, tub, tub hygiene, at iba pa.
Sa larangan halimbawa ng komunikasyon gamit ang cell phone, bukod sa mga terminong iyong nabasa sa artikulo, marami pang espesyalisadong terminong ginagamit gaya ng text, call, outbox, unlimited text, unlimited call, message, camera, bluetooth, post paid, ringtone, earphone, send, inbox, at iba pa.
Register bilang Espesyalisadong Termino
Mapapansin na ang ilang terminong pang-washing machine at pang-cell phone ay ginagamit din sa ibang larangan. Mapapansin din na kapag ginamit sa ibanglarangan ang mga terminong ito, naiiba na ang taglay na kahulugan ng mga ito. Halimbawa, ang spin sa washing machine ay nangangahulugan ng mabilis na pag-ikot ng makina upang mapiga o matanggal ang tubig sa mga damit. Samantala, sa paggawa ng sinulid, nangangahulugan ang spin ng paghahabi ng hibla o fiber upang maging sinulid. Ang text sa cell phone ay tumutukoy sa ipinadalang mensahe patungo sa isa o iba pang cell phone. Samantala, sa literatura, ang text ay tumutukoy sa anomang nakasulat na akda gaya ng tula, sanaysay, at kuwento. Ang isang salita o termino ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang kahulugan ayon sa larangan o disiplinang pinaggamitan nito. Register ang tawag sa ganitong uri ng mga termino.
Tinatawag na register ang mga espesyalisadong termino gaya ng mga salitang siyen-tipiko o teknikal na nagtataglay ng iba’t ibang kahulugan sa iba’t ibang larangan o disiplina. Isa pang halimbawa ng register ang salitang “kapital” na may kahulugang “puhunan” sa larangan ng pagnenegosyo at may kahulugan namang “punong lungsod” o “kabisera” sa larangan ng heograpiya.
Bawat propesyon ay may register o mga espesyalisadong salitang ginagamit. lba ang register ng wika ng guro sa abogado. lba rin ang sa inhinyero, computer programmer, game designer, negosyante, at iba pa. Samantala, ang doktor at nars ay pareho ang register ng wika sapagkat iisa ang kanilang propesyon o larangan—ang medisina.
Hindi lamang ginagamit ang register sa isang partikular o tiyak na larangan kundi sa iba’t ibang larangan o disiplina rin. Espesyal na katangian ng mga register ang pagbabago ng kahulugang taglay kapag ginamit na sa ibang disiplina o larangan. Dahil iba-iba ang register ng wika ng bawat propesyon at nababago ang kahulugang taglay ng register kapag naiba ang larangang pinaggagamitan nito, itinuturing ang register bilang isang salik sa varayti ng wika.
Isang tiyak na halimbawa ng register ng wika ang magkakaibang tawag sa binibigyan ng serbisyo ng bawat propesyon o larangan.
Propesyon o Larangan | Tawag sa Binibigyan ng Serbisyo |
---|---|
guro | estudyante |
doktor at nars | pasyente |
abogado | kliyente |
pari | parokyano |
tindero/tindera | suki |
drayber/konduktor | pasahero |
artista | tagahanga |
politiko | nasasakupan/mamamayan |
Pag-aralan ang iba pang halimbawa ng register para sa iba’t ibang propesyon o larangan:
Ekonomiks | Politika | Edukasyon | Literatura |
---|---|---|---|
kita konsumo kalakal puhunan pamilihan pananalapi produkto | pamahalaan batas kongreso senado korte eleksiyon korapsyon | pagsusulit enrollment klase class record kurikulum kampus akademiks | akda prosa awit mitolohiya awtor salaysay tauhan |
Mapapansin na ang ilan sa mga terminong nakatala sa itaas ay ginagamit din sa iba pang larangan. Matutukoy mo ba kung ano-ano ito at kung saan-saang larangan pa sila nabibilang? Matutukoy mo rin ba kung ano ang kahulugan ng mga terminong ito sa iba pang larangan?