Sa unang apat na taon mo sa high school ay tiyak na napakarami nang iba’t ibang uri ng sulatin ang naituro at naipabuo sa iyo ng iyong mga guro. Nariyan ang iba’t ibang uri ng ulat o report, mga sanaysay, sulating pormal, at iba’t ibang uri ng teksto. Ang lahat ng mga sulating iyong binuo sa mga nagdaang taon ay. humasa sa iyong husay at galing sa pagsusulat. Ngayon ay magagamit mo ang mga kasanayang ito sa pagsulat ng isa pang higit na mapanghamong uri ng gawaing pasulat, ang sulating pananaliksik.
Ang sulating pananaliksik ay malalimang pagtalakay sa isang tiyak at naiibang paksa. Hindi lang ito basta pagsasama-sama ng mga datos na nasaliksik mula sa iba’t ibang primarya at sekundaryang mapagkukunan ng impormasyon kundi taglay nito ang obhetibong interpretasyon ng manunulat sa mga impormasyong kanyang nakalap. Ang interpretasyong ito ang pinakamahalagang elemento ng isang tunay na sulating pananaliksik (Spalding, 2005).
Ayon kina Constantino at Zafra (2010), ang pananaliksik ay isang masusing pagsisiyasat at pagsusuri sa mga ideya, konsepto, bagay, tao, isyu, at iba pang ibig bigyang-linaw, patunayan, o pasubalian.
Ayon naman kay Galero-Tejero (2011), ang pananaliksik ay may tatlong mahahalagang layunin: una, isinasagawa ito upang makahanap ng isang teorya; pangalawa, mula sa pananaliksik ay malalaman’o mababatid ang katotohanan sa teoryang ito; pangatlo, isinasagawa ang pananaliksik upang makuha ang kasagutan sa mga makaagham na problema o suliranin.
Ang pananaliksik ay isang sistematikong proseso ng pangangalap, pag-aanalisa, at pagbibigay-kahulugan sa mga datos mula sa mga mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng impormasyon upang masagot ang isang tanong, upang makadagdag sa umiiral na kaalaman, o pareho. Ang resulta ng isang pananaliksik ay maaaring maghatid sa atin sa isang bagong teorya o konsepto, tumaliwas o sumuporta sa isang teorya o konsepto, rekomendasyon, o isa pang tanong na nangangailangan nang mas malalim na pananaliksik.
Isang magandang pagkakataon ang pagbuo ng sulating pananaliksik upang mapatunayan ang katotohanan sa isang teorya at nang mapabulaanan ang mga haka-haka kaugnay nito. Kaya naman, dito papasok ang pangangalap ng mga impormasyon, pagsusuri, at pagbibigay-interpretasyon sa mga nakalap na impormasyon at datos upang makita o mabatid ang katotohanang taglay ng mga ito.
Pagkakaiba ng Sulating Pananaliksik sa Ordinaryong Ulat
Ang pagbuo ng sulating pananaliksik ay hindi basta katulad lang ng pagbuo ng isang ulat kung saan ang manunulat ay mangangalap din ng impormasyon patungkol sa paksang isusulat at saka ilalahad ang tungkol sa mga nakalap na impormasyon. Higit na malawak ang pokus ng ulat at iba pang pangkaraniwang teksto samantalang ang pokus naman ng sulating pananaliksik ay mas limitado. Inaasahan kasing susuriin, hihimayin, palalalimin, at bibigyang-interpretasyon ng mananaliksik ang pagsasagawa ng kaalamang ilalahad patungkol sa paksa. Mahalaga ang mga prosesong ito upang ang maibabahagi niya ay hindi lang sarili niyang opinyon kundi pagpapatunay na dumaan ang kanyang sulatin sa masusing pag-aaral at may maka-agham na basehan.
Ang isa pang malaking pagkakaiba ng dalawang uri ng sulating nabanggit ay ang dami o lawak ng gagamiting kagamitan o sanggunian. Ngayon pa lang, bago pa man ang unang hakbang para sa gagawin mong pananaliksik ay nararapat mo nang ihanda ang sarili mo dahil ang iyong magiging sanggunian ay hindi lamang limitado sa mga nasa aklatan ng iyong paaralan o kaya’y sa Internet. Ito kasi ang mga nakasanayan mong takbuhan sa pagbuo ng mga nagdaang ulat at mga tekstong ipinagawa ng iyong guro, hindi ba? Sa sulating pananaliksik ay maaaring kailanganin mong lumabas, magsagawa ng obserbasyon, makipanayam o mag-sarbey at pumunta sa palengke, sa mga paradahan ng traysikel, mga museo, makasaysayang pook. Sa mga lugar kasing ito maaari mong matagpuan ang mga tao, bagay, o mapagkukunan ng impormasyong tutugon sa mga katanungan o suliraning gusto mong ihanap ng kasagutan. Ang mga kabatiran, datos, o impormasyong makakalap mo mula sa mga tao, kagamitan, o lugar na ito ay iyong pag-aaralan, hihimayin, at uunawain para sa mahusay at angkop na kongklusyon ng iyong susulatin.