Ang Tekstong Deskriptibo

698

Ang tekstong deskriptibo ay maihahalintulad sa isang larawang ipininta o iginuhit kung saan kapag nakita ito ng iba ay parang nakita na rin nila ang orihinal na pinagmulan ng larawan. Subalit, sa halip na pintura o pangkulay, mga salita ang ginagamit ng manunulat upang mabuo sa isipan ng mambabasa ang paglalarawan sa tekstong deskriptibo. Mga pang-uri at pang-abay ang karaniwang ginagamit ng manunulat upang mailarawan ang bawat tauhan, tagpuan, mga kilos o galaw, o anumang bagay na nais niyang mabigyang-buhay sa imahinasyon ng mambabasa.

Mula sa epektibong paglalarawan ay halos makikita, maaamoy, maririnig, malalasahan, o mahahawakan na ng mambabasa ang mga bagay na inilalarawan kahit pa sa isipan Umang niya nabubuo ang mga imaheng ito.

Bagama’t mga pang-uri at pang-abay ang karaniwang ginagamit na mga salita sa pagbuo ng tekstong deskriptibo, madalas ding ginagamit ang iba pang paraan ng paglalarawan tulad ng paggamit ng mga pangngalan at pandiwang ginagawa ng mga ito gayundin ng mga tayutay tulad ng pagtutulad, pagwawangis, pagsasatao, at iba pa.

Karaniwang Bahagi lang ng Ibang Teksto ang Tekstong Deskriptibo

Isang bagay na dapat tandaan sa pagbuo ng tekstong deskriptibo ay ang relasyon nito sa iba pang uri ng teksto. Ang paglalaraWan kasing ginagawa sa tekstong deskriptibo ay laging kabahagi ng iba pang uri ng teksto partikular ang tekstong naratibo kung saan kinakailangang ilarawan ang mga tauhan, ang tagpuan, ang damdamin, ang tono ng pagsasalaysay, at iba pa. Nagagamit din ito sa paglalarawan sa panig na pinaniniwalaan at ipinaglalaban para sa tekstong argumentatibo, gayundin sa mas epektibong pangungumbinsi para sa tekstong persuweysib, o paglalahad kung paano mas magagawa o mabubuo nang maayos ang isang bagay para sa tekstong prosidyural. Bibihirang magamit ang tekstong deskriptibo nang hindi kabahagi ng iba pang uri ng teksto.

Gamit ng Cohesive Devices o Kohesyong Gramatikal sa Pagsulat ng Tekstong Deskriptibo

Upang maging mas mahusay ang pagkakahabi ng tekstong deskriptibo bilang bahagi ng iba pang uri ng teksto o kaya’y maging mas malinaw ang anumang uri ng tekstong susulatin, kinakailangan ang paggamit ng mga cohesive device o kohesyong gramatikal. Ang mga ito kasi ay mahalaga sa pagbibigay ng mas malinaw at maayos na daloy ng mga kaisipan sa isang teksto. Ang mga teksto . ay hindi lang basta binubuo ng magkakahiwalay na pangungusap, parirala, o sugnay, bagkus ang mga ito ay binubuo ng magkakaugnay na mga kaisipan kaya’t kinakailangan ang mga salitang magbibigay ng kohesyon upang higit na lumitaw ang kabuluhan at kahulugan ng bawat bahagi nito.

Ang limang pangunahing. cohesive device o kohesyong gramatikal ay ang sumusunod: reperensiya (reference), substitusyon (substitution), ellipsis, pang-ugnay, at leksikal.

1. Reperensiya (Reference)

Ito ang paggamit ng mga salitang maaaring tumukoy o maging reperensiya ng paksang pinag-uusapan sa pangungusap. Maaari itong maging anapora (kung kailangang bumalik sa teksto upang malknan kung ano o sino ang tinutukoy) o kaya’y katapora (kung nauna ang panghalip at malalaman lang kung sino o ano ang tinutukoy kapag ipinagpatuloy ang pagbabasa sa teksto).

Halimbawa:

Anapora

Aso ang gusto kong alagaan. Ito kasi ay maaaring maging mabuting kaibigan.

(Ang ito sa ikalawang pangungusap ay tumutukoy .sa aso na nsa unang pangungusap. Kailangang balikan ang unang pangungusap upang maffinan ang tinutukoy ng panghalip na ito.)

Katapora

Siya ang nagbibigay sa akin ng inspirasyong bumangon sa umaga at masiglang umuwi sa gabi. Ang matatamis niyang ngiti at mainit na yakap sa aking pagdating ay sapat para makapawi sa kapaguran hindi lang ang aking katawan kundi ng aking puso at damdamin. Siya si Bella, ang bunso kong kapatid na mag-iisang taon pa lamang.

(Ang siya sa unang pangungusap ay tumutukoy kay Bella, ang bunsong kapatid. Malalaman ffillang kung sino ang tinutukoy ng siya o niya kapag ipinagpatuloy ang pagbabasa.)

2. Substitusyon (Substitution)

Paggamit ng ibang salitang ipapalit sa halip na muling ulitin ang salita.

Halimbawa:

Nawala ko ang aklat mo. Ibibili na lang kita ng bago.

(Ang salitang aklat sa unang pangungusap ay napalitan ng salitang bago sa ikalawang pangungusap. Ang dalawang salita’y parehong tumutukoy sa iisang bagay, ang aklat.)

3. Ellipsis

May binabawas na bahagi ng pangungusap subalit inaasahang maiintindihan o magiging malinaw pa rin sa mambabasa ang pangungusap dahil makatutulong ang naunang pahayag para matukoy ang nais ipahiwatig ng nawalang salita.

Halimbawa:

Bumili si Gina ng apat na aklat at si Rina nama’y tatlo.

(Nawala ang salitang bumili gayundin ang salitang aklat para sa bahagi ni Rina subalit naiintindihan pa rin ng mambabasa na tulad ni Gina, siya’y bumili rin ng tatlong aklat dahil nakalahad na ito sa unang bahagi.)

4. Pang-ugnay

Nagagamit ang mga pang-ugnay tulad ng at sa pag-uugnay ng sugnay sa sugnay, parirala sa parirala, at pangungusap sa pangungusap. Sa pamamagitan nito ay higit na nauunawaan ng mambabasa o tagapakinig ang relasyon sa pagitan ng mga pinag-ugnay.

Halimbawa:

Ang mabuting magulang ay nagsasakripisyo para sa mga anak at ang mga anak naman ay dapat magbalik ng pagmamahal sa kanilang mga magulang.

5. Kohesyong Leksikal

Mabibisang salitang ginagamit sa teksto upang magkaroon ito ng kohesyon. Maaari itong mauri sa dalawa: ang reiterasyon at ang kolokasyon.

    1. Reiterasyon—Kung ang ginagawa o sinasabi ay nauulit nang ilang beses. Maaari itong mauri sa tatlo: pag-uulit o repetisyon, pag-iisa-isa, at pagbibigay-kahulugan.
      • Pag-uulit o repetisyon—Maraming bata ang hindi nakapapasok sa paaralan. Ang mga batang ito ay nagtatrabaho na sa murang gulang pa lang.
      • Pag-iisa-isa – Nagtatanim sila ng mga gulay sa bakuran. Ang mga gulay na ito ay talong, sitaw, kalabasa, at ampalaya.
      • Pagbibigay-kahulugan—Marami sa mga batang manggagawa ay nagmula sa mga pamilyang dukha. Mahirap sila kay” ang pag-aaral ay naiisantabi kapalit ng ilang baryang naiaakyat nila para sa hapag-kainan.
    2. Kolokasyon—Mga salitang karaniwang nagagamit nang magkapareha o may kaugnayan sa isa’t isa kaya’t kapag nabanggit ang isa ay naiisip din ang isa. Maaaring magkapareha o maaari ding magkasalungat.

Halimbawa:

      • nanay – tatay, guro – mag-aaral, hilaga – timog, doktor – pasyente
      • puti – itim, maliit – malaki, mayaman – mahirap

Ilang Tekstong Deskriptibong Bahagi ng Iba Pang Teksto

Paglalarawan sa Tauhan

Sa paglalarawan ng tauhan, hindi lang sapat na mailarawan ang itsura at mga detalye patungkol sa tauhan kundi kailangang maging makatotohanan din ang pagkakalarawan dito. Hindi sapat na sabihing “Ang aking kaibigan ay maliit, maikli at unat ang buhok, at mahilig magsuot ng pantalong maong at puting kamiseta.”

Ang ganitong paglalarawan, bagama’t tama ang mga detalye ay hindi magmamarka sa isipan at pandama ng mambabasa. Katunayan, kung sakali’t isang suspek na pinaghahanap ng mga pulis ang inilalarawan ay mahihirapan silang maghanap siya gamit lang ang naunang paglalarawan. Kulang na kulang ito sa mga tiyak at magmamarkang katangian. Ang mga halimbawang salitang maliit, matangkad, bata, at iba pa ay pangkalahatang paglalarawan lamang at hindi nakapagdadala ng mabisang imahen sa isipan ng mambabasa. Samakatwid, mahalagang maging mabisa ang pagkakalarawan sa tauhan. Iyon bang halos nabubuo sa isipan ang mambabasa ang anyo, gayak, amoy, kulay, at iba pang katangian ng tauhan gamit ang pinakaangkop na mga pang-uri. Mahalaga ring pakilusin ang tauhan para mas magmarka ang mga katangiang taglay niya tulad halimbawa ng kung paano siya ngumiti, maglakad, humalakhak, magsalita, at iba pa.

Sinasabing ang pinakamahuhusay na tauhan ay yaong nabubuhay hindi lang sa pahina ng akda kundi sa puso at isipan ng mambabasa kaya naman kahit sila’y produkto lang ng mayamang imahinasyon ng manunulat, hindi sila basta nakalilimutan.

Mababasa sa ibaba ang mga halimbawa ng paglalarawan sa tauhan mula sa ilang mahuhusay na akdang pampanitikan.

Noo’y nasa katamtamang gulang na si Ineng na wika nga sa mga nayon ay “pinamimitakan na ng araw.” Ang gulang na iyan ay lalong kilala sa tawag na “dalaginding” ng ating matatanda. Bagama’t hindi gaanong kagandahan, si Ineng ay kinagigiliwan namang lubos, palibhasa’y nakatatawag ng loob sa lahat ang pungay ng kanyang mata, ang kulay na kayumangging kaligatan, ang magandang tabas ng mukha, na sa bilugang pisngi’y may biloy na sa kanyang pagngiti’y binubukalan mandin ng pag-ibig, ang malagong buhok na sa karaniwang pusod na pahulog sa batok, na sa kinis ay nakikipag-agawan sa nagmamanibalang na mangga, sak’a ang mga labi’t ngiping nagkakatugunan sa pag-aalay ng luwalhati’t pangarap.

Mula sa “Ang Dalaginding” ni Inigo Ed. Regalado

Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang damit niyang suot, may ga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na sUpot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid, ang kanyang kahangga na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumawata sa nagkakagulong tao.

Mula sa “Tata Selo” ni Rogetio R. Sicat

Namumutla, nangangatog ang buong katawan, at nanginginig ang boses, si Pak Idjo ay walang iniwan sa isang taong irraatake ng malaria. Ang totoo’y may sakit nga siyang talaga. Parang nakasabit na lang ang tagpi-tagpi at maruming damit sa napakanipis niyang katawan, at nakalubog sa humpak niyang mga pisngi ang kanyang namumula at nagluluhang mata.

Mula sa “Takipsilim sa Dyakarta” ni Mochtar Lubis
(salin ni Aurora E. Batnag)

Paglalarawan sa Damdamin o Emosyon

Ang paglalarawan sa damdamin ay bahagi pa rin ng paglalarawan sa tauhan subalit sa halip na sa kanyang panlabas na anyo o katangian ito nakapokus, ang binibigyang-diin dito’y angkanyang damdamin o emosyong taglay. Napakahalagang mailarawan nang mabisa ang damdamin ng tauhan sapagkat ito ang nagbibigay dahilan kung bakit nagagawa ng tauhan ang kanyang ginawa. Makatutulong maka-konekta ang mambabasa sa tauhan kung sa halip na ilarawan lang ng manunulat ang damdamin ng tauhan mula sa malayo ay mismong ang tauhan ang magsaad ng emosyong nararamdaman niya.

Mababasa sa ibaba ang ilang paraan ng paglalarawan sa damdamin o emosyon nang hindi na malayo at konektado pa rin sa tauhan: 

  • Pagsasaad sa aktuwal na nararanasan ng tauhan. Maaaninag ng mambabasa mula sa aktuwal na nararanasan ng tauhan ang damdamin o emosyong taglay nito.
    Halimbawa: Matindi ang pagkirot ng tiyan ni Mang Tonyo. Nagdidilim na ang kanyang paningin at nanlalambot na ang mga tuhod sa matinding gutom na nadarama. Dalawang araw na pala nang huling masayaran ng pagkain ang nanunuyo niyang mga labi.
  • Paggamit ng diyalogo o iniisip. Maipakikita sa sinasabi o iniisip ng tauhan ang emosyon o damdaming taglay niya.
    Halimbawa: sa halip na sabihing naiinis siya sa ginawang pagsingit sa pila ng babae ay maaari itong gamitan ng sumusunod na diyalogo: “Ale, sa likod po ang pila. Isang oras na kaniing nakapila rito kaya dapat lang na sa hulihan kayo pumila!”
  • Pagsasaad sa ginawa ng tauhan. Sa pamamagitan ng pagsasaad sa ginawa ng tauhan, minsa’y higit pang nauunawaan ng mambabasa ang damdamin o emosyong naghahari sa kanyang puso at isipan.
    Halimbawa: “Umalis ka na!” ang mariing sabi ni Aling Lena sa asawa habang tiim-bagang na nakatingin sa malayo upang mapigil ang luhang kanina pa nagpupumilit bumalong mula sa kanyang mga mata.
  • Paggamit ng tayutay o matatalinghagang pananalita. Ang mga tayutay at matatalinghagang pananalita ay hindi lang nagagagamit sa pagbibigay ng rikit at indayog sa tula kundi gayundin sa prosa.
    Halimbawa: Ita na marahil ang pinakamadilim na sandali sa kanyang buhay. Maging ang langit ay lumuha sa kalungkutang dulot ng pagyao ng pinakamamahal niyang si Berta.

Mababasa sa kabilang pahina ang ilang halimbawa ng paglalarawan sa damdamin o emosyon ng mga tauhan mula sa ilang kilalang akdang pampanitikan.

“And now, Miss Kinder ’83, ladies and gentlemen… because of her simplicity, her freshness, poise and total persona14…” pause. Birada ng tugtog. Mga nakabiting hininga. “Maria Natalia Gascon!” Napalundag si Ding. At sa kabila ng damdamin niya, napalundag din si Lea. Pati puso yata niya ay tumalon at nawala sa lugar. Pero siyempre, di dapat malimutan ang kamera laio na sa pagkakataong ito. Klik! Teka, ang likot ng kamera! Nanginginig ba ang kamay niya? Klik! Habang sa tabi niya’y hindi makontrol ni Ding ang buhos ng kaligayahan. Klik! Anak ko ‘yon! Hahahaha! Mga kaibigan, si Maya ko ‘yon! Klik! Narinig n’yo ba? Anak ko ‘yon!

Mula sa Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?
ni Lualhati Bautista

May kumurot sa aking laman. Pilit kong nilunok ang panunuyo ng aking bibig. Saka ako napabuntunghininga. Nararamdaman kong may nagpupumilit bumalong sa aking mata. Ngayon ko lamang nadamang kilala ko ang silid ng aking ama; dati-rati ko nang napapasok ang kapirasong pook na ito.

Mula sa “Dayuhan”
ni Buenaventura S. Medina

Kumikinig ang kanyang katawan sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang inuling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain niyang muli, ay tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon. Niyakap.. Kinagat. Mariin… Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. Nagyakap sila. Pagulong-gulong. Hindi siya bumibitiw. Nang siya’y mapaibabaw, sinunod-sunod niya—clagok, dagok, dagok, dagok. Pahalipaw. Papaluka. Papatay.

Mula sa “Impeng Negro”
ni Rogelio R. Sicat

Paglalarawan sa Tagpuan

Sa paglalarawan ng tagpuan ay mahalagang mailarawan nang tama ang lugar o panahon kung kailan at saan naganap ang akda sa paraang makagaganyak sa mga mambabasa. Sa pamamagitan ng mahusay na pagkakalarawan sa tagpuan madarama ng mambabasa ang diwa ng akda. Maaaring iiarawan ang tagpuan sa pamamagitan ng pagkilos ng tauhan sa kapaligirang ito. Kung ang tagpuan halimbawa ay isang munting barong-barong sa tambakan maaaring itanong ang sumusunod para sa isang mabisang paglalarawan:

  • Ano ang itsura ng barong-barong at kapaligiran nito? Marumi, luma, kinakalawang, gumigiray, nagkalat ang nakaririrnarim na basura, naglipana ang mga langaw, mga mangangalkal ng basurang nakasuot ng tagpi-tagping halos basahan na, may taglay ang nakapanlulumong kahirapan at kapangitan.
  • Ano-anong tunog ang maririnig sa paligid? Sigaw ng mga inang hindi magkamayaw sa mga gawain, iyakan ng mga bqtang gutom at di pa nakapag-almusal, ingay ng mga trak na nagdadala ng basura, hugos ng basurang ibinabagsak sa tambakan, busina ng.mga sasakyan sa di kalayuang kalsada, tawanan ng mga mirong nag-iinuman sa kalapit na tindahan.
  • Anong amoy ang namamayani? Masangsang na amoy ng nabubulok na basura, amoy ng usok na nagmumula sa bunton ng mga basura, amoy ng pawis ng mga basurerong bilad sa araw, maasim na amoy ng mga batang hindi pa napaliliguan nang ilang araw, amoy ng tuyong iniihaw sa kalan.
  • Ano ang pakiramdam sa lugar na ito? Mainit o maalinsangan, gutom, nakapanlalagkit na pawis at alikabok, hindi komportable, nakaririmarim o nakadidiring bagay sa paligid, kawalan ng pag-asa.
  • Ano ang lasa ng mga pagkain dito? Pagpag na manok na nagsisimula nang mapanis kaya’t maasim na, masebo at matabang na karne mula sa karinderyang nilalangaw.

Mula sa sagot sa mga tanong na ito ay maaari nang bumuo ang manunulat ng isang paglalarawan sa tagpuang makapagdadala sa mga mambabasa sa lugar, sitwasyon, o kalagayang ginagalawan ng mga tauhan para sa ganap na pag-unawa at pagpapahalaga sa akda.

Damhin ang sumusunod na tagpuan mula sa paglalarawan ng ilang batikang manunulat ng panitikang Pilipino.

At sa kanyang diwa ay naguhit ang larawang binubuo ng mga pagsasalaysay ng social worker. Walang dakong may lupang tuyo na maaaring maayos na malakaran. Walang madaraanan kundi ang andamyong kahoy. Ang tawirang bato. Walang makikita sa paligid kundi putik. Burak. Mamasa-masang lupang natatambakan ng basura. Ang karaniwang barung-barong, tulad ng tinitirhan ni Paz Cruz ay walang iniwan sa isang malaking kahon, na ang pintuan ay .siya ring bintana. Matigas na karton ang tabiki. O kahoy mula sa mga kahon ng mansanas at kahel. Yerong butas-butas na nabibili sa magbubulok. Ang sahig ay silat-silat na kahoy na halos nakadikit sa pusali. Sa kapirasong paligid niyon ay nagaganap ang lahat ng dula ng bahay, pati ang pasaglit-saglit na paglasap ng luwaihati ng pag-ibig.

Mula sa Canal dela Reina
ni Liwayway A. Arceo

Sa isang maliit na dampang nakatayo sa may tabi ng munting ilog na tinatakbuhan ng malinis at malinaw na tubig nakatira sina lrene. Ang maliit na dampang yaon ay nalilibiran ng isang bakurang sa loob ay may mga sari saring pananim na sa isang maayos na panulukan ay may malalagong sampaguita na dahil sa kagaanan di umano ng kamay ng nag-aalaga ay kinapipitasan ng masaganang bulaklak.

Mula sa “Ang Dalaginding”
ni Iñigo Ed. Regalado

Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal sa paghanap ng lunas sa mga suliranin sa araw-araw. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.

Mula sa “Mabangis na Lungsod”
ni Efren R. Abueg

Paglalarawan sa Isang Mahalagang Bagay

Sa maraming pagkakataon, sa isang mahalagang bagay umiikot ang mga pangyayari sa akda at ito rin ang nagbibigay nang mas malalim na kahulugan dito. Hindi sapat na maglagay lamang ng larawan ng nasabing bagay sa pahina ng akda upang mabigyang-diin ang kahalagahan nito. Dapat mailahad kung saan nagmula ang bagay na ito. Kailangan ding mailarawan itong mabuti upang halos madama na ng mambabasa ang itsura, amoy, bigat, lasa, tunog, at iba pang katangian nito. Mula rito’y ihayag na ang kuwento sa likod ng bagay at kung paano ito naging makabuluhan o mahalaga sa tauhan o manunulat at sa kabuoan ng akda. Mababasa sa ibaba ang ilang halimbawa ng paglalarawan sa mahahalagang bagay kung saan umikot ang mga pangyayari sa akda.

Sa tuwing itatayo ko ang krismas tri kapag nalalapit na ang kapaskuhan ay parang laging may kulang, pilit kong dinadagdagan ng mga palamuti. At hindi basta-basta palamuti, ‘ yung mamahalin. Pagkatapos ng mamahaling bola, nang sumunod na taon ay magagandang bulaklak naman ang binili ko. Maraming pulang poinsettia na nakapaligid sa krismas tri. “Ang ganda!” Ang may pagkamanghang sabi ng bawat nakakikita. Malalaki at makikintab na pulang bola, malalaki at magagandang pulang poinsettia… ah! Pero bakit ba tila may kulang pa rin?

Mula sa “Ang Aking Krismas Tri”
ni Mary Grace Del Rosario

Sapul nang pag-ukulan niya ng pansin ang unang lantsa ni Don Cesar ay nakadama siya ng kakaibang pintig sa kanyang dibdib: Ibig niyang magkaroon ng lantsa balang araw. Pag nagkaroon siya ng lantsa’y hindi na siya gagamit ng maliit na motor; hindi na siya sasagihan ng munti mang pangamba, magngitngit man ang habagat, magngalit man ang sigwa sa laot. Hindi na pansumandaling lalabas siya sa karagatan. Maaari na niyang marating ang inaabot ng mga lantsa ni Don Cesar. Makalalabas na siya nang lingguhan. At pagbabalik niya’y daan-daang tiklis ng isda ang kanyang iaahon. Hindi na rin mangangamba ang kanyang ina kapag hindi siya nakababayad ng gasol ina at langis. Matititigan na niya ang naniningkit na mga mata ni Fides. Makapagpapakarga na siya ng kung ilang litrong gasolina sa kanyang barko. Kung makakatabi ng kanyang barko ang kay Don Cesar ay magkakaabutan na lamang sila ng mga mangingisda ni Don Cesar. “Ilang araw kayo sa laot, ha?” Itatanong niya. Siya’y sasagutin ko. At, “ako’y tatlumpung araw,” sasabihin piya pagkatapos.

Mula sa “Ang Mangingisda”
ni Ponciano B.P. Pineda 

Nang matapos ang bahay-bahayan, ang ganda-gandang tingnan. May pitong talampakan ang taas, may disenyo ng alambre at makikitid na piraso ng kawayang tinakpan ng manipis na papel na puno ng iba’t ibang kulay. Nagmukhang may karnabal dahil sa mga bulaklak na pilak na nakakalat sa buong bahay. May papel na swimming pool (bilog, dahil hindi naiintindihan ng tao ang hugis kidney) na inilagay sa loob ng bahay; may apat na alila para makapagsilbi sa amo nila, na nakapuwesto sa pagitan ng dalawang kotse, isang malinaw na Chevrolet at isang Mercedes.

Nang oras na, dinala ang bahay na papel sa libingan ni Tay Soon at sinilaban doon. Nagliwanag nang mabuti, at pagkatapos ng tatlong minuto, naging bunton ng abo ang libingan.

Mula sa Maikling Kuwentong Singaporean na “Papel” ni Catherine Lim

Ang puno ng ginto ay dinumog. Hawak ang matatalim na bakal, tinaga, tinapyas, binali-bali. Pinagtutuklap ang puno. At sila’y nag-agawan, nagtutulakan, nagsasakitan na, nagsisipaan, nagkakabalian ng buto.

Patuloy sa pagtaas sa pagyabong ang puno; patuloy rin ang pagkaubos ng katawan ng puno. Bumibigat na ang yumayabong at patuloy na tumataas na puno.

Mula sa “Isang Matandang Kuba sa Gabi ng Cailao”
ni Simplicio P. Bisa

What do you think about this post?