Ang tekstong impormatibo ay isang uri ng babasahing di piksiyon. Ito ay naglalayong magbigay ng impormasyon o magpaliwanag nang malinaw at walang pagkiling tungkol sa iba’t ibang paksa tulad ng sa mga hayop, isports, agham o siyensiya, kasaysayan, gawain, paglalakbay, heograpiya, kalawakan, panahon, at iba pa.
Di tulad ng ibang uri ng teksto, ang mga impormasyon o kabatirang inilahad ng may-akda ay hindi nakabase sa kanyang sariling opinyon kundi sa katotohanan at mga datos kaya’t hindi nito masasalamin ang kanyang pagpabor o pagkontra sa paksa. Karaniwang may malawak na kaalaman tungkol sa paksa ang manunulat o kaya’y nagsasagawa siya ng pananaliksik at pag-aaral ukol dito. Ang mga tekstong impormatibo ay karaniwang makikita sa mga pahayagau o balita, sa mga magasin, textbook, sa mga pangkalahatang sanggunian tulad ng encyclopedia, gayundin sa iba’t ibang web site sa Internet.
Dahil sa mga katangiang ito ng tekstong impormatibo, laging may nadadagdag na bagong kaalaman o kaya’y napagyayaman ang dating kaalaman ng taong nagbabasa nito.