Ang Tekstong Naratibo: Kahulugan, Katangian, Elemento, at Halimbawa

56302

Sa bawat araw sa buhay ng isang tao ay laging may mga pangyayaring naibabahagi o naikukuwento niya sa iba. Maaaring mga simpleng pangyayaring nasaksihan sa kanyang pagpasok o kaya nama’y ang mga ipinagpapalagay niyang pinakamahahalaga o pinakamalalaking pangyayari sa kanyang maghapon. Ang pagsasalaysay o pagkukuwento ay karaniwang nangyayari kapag nagkita-kita o nagsalo na ang mag-anak o maging ang magkakaibigan subalit minsan, ang salaysay ay hindi lang basta naibabahagi nang pasalita. Sa halip, naitatala rin sa mga pahina ng isang talaarawan. Hindi halos nararamdarnan ng nagsusulat na siya’y bumubuo na pala ng isang kuwento, ang sariling kuwentong bahagi ng isang uri ng teksto, ang tekstong naratibo.

Ang tekstong naratibo ay pagsasalaysay o pagkukuwento ng mga pangyayari sa isang tao o mga tauhan, nangyari sa isang lugar at panahon o sa isang tagpuan nang may maayos na pagkakasunod-sunod mula simula hanggang katapusan. Pangunahing layunin ng ganitong uri ng teksto ang makapagsalaysay ng mga pangyayaring nakapanlilibang o nakapagbibigay-aliw o say. Gayundin naman, ang naratibo ay nakapagtuturo ng kabutihang-asal, mahahalagang aral, at mga pagpapahalagang pangkatauhan tulad ng kahalagahan ng pagiging mabuti at tapat, na ang kasamaan ay hindi nagtatagumpay laban sa kabutihan, ang kasipagan at pagtitiyaga ay nagdudulot ng tagumpay, at iba pa.

Ang mga mambabasa ay direktang isinasama ng manunulat ng isang tekstong naratibo at nagiging saksi sa mga pangyayaring kanyang isinasalaysay. May iba’t ibang uri ng naratibo tulad ng maikling kuwento, nobela, kuwentong-bayan, mitolohiya, alamat, tulang pasalaysay tulad ng epiko, dula, mga kuwento ng kababalaghan, anekdota, parabula, science fiction, at iba pa. Iba’t ibang uri subalit may iisang pagkakapareho: ang bawat isa’y nagkukuwento.

Mga Katangian ng Tekstong Naratibo

Ang bawat uri ng tekstong ito ay may kanya-kanyang taglay na katangian subalit ang mababasa mo sa ibaba ay pangkalahatang katangiang taglay ng bawat uri ng tekstong naratibo.

May Iba't Ibang Pananaw o Punto de Vista (Point of view) sa Tekstong Naratibo

Sa pagsasalaysay o pagkukuwento ay may mga matang tumutunghay sa mga pangyayari. Ito ang ginamit ng manunulat na paningin o pananaw sa pagsasalaysay. Ang pinakakaraniwang ginagamit para sa naratibo ay ang una at ikatlong panauhan. Bihirang-bihirang magamit ang ikalawang panauhan. Sa mas mahahabang naratibo tulad ng nobela ay maaaring hindi lang iisa kundi nagbabagobago ang ginagamit na pananaw.

  1. Unang Panauhan—Sa pananaw na ito, isa sa mga tauhan ang nagsasalaysay ng mga bagay na kanyang nararanasan, naaalala, o naririnig kaya gumagamit ng panghalip na ak(5.
  2. Ikalawang Panauhan—Dito mistulang kinakausap ng manunulat ang tauhang pinagagalaw niya sa kuwento kaya’t gumagamit siya ng mga panghalip na ka o ikaw subalit tulad ng unang nasabi, hindi ito gaanong ginagamit ng mga manunulat sa kanilang pagsasalaysay.
  3. Ikatlong Panauhan—Ang mga pangyayari sa pananaw na ito ay isinasalaysay ng isang taong walang relasyon sa tauhan kay’a ang panghalip na ginagamit niya sa pagsasalaysay ay siva. Ang tagapagsalaysay ay tagapag-obserba lang at sa labas siya ng mga pangyayari. May tatlong uri ang ganitong uri ng pananaw:
    • Maladiyos na panauhan—Nababatid niya ang galaw at iniisip ng lahat ng mga tauhan. Napapasok niya ang isipan ng bawat tauhan at naihahayag niya ang iniisip, damdamin, at paniniwala ng mga ito sa mga mambabasa.
    • Limitadong panauhan—Nababatid niya ang iniisip at ikinikilos ng isa sa mga tauhan subalit hindi ang sa iba pang tauhan.
    • Tagapag-obserbang panauhan—Hindi niya napapasok o nababatid ang nilalaman ng isip at damdamin ng mga tauhan. Tanging ang mga nakikita o naririnig niyang mga pangyayari, kilos, o sinasabi lang ang kanyang isinasalaysay.
  4. Kombinasyong Pananaw o Paningin—Dito ay hindi lang iisa ang tagapagsalaysay kaya’t iba’t ibang pananaw o paningin ang nagagamit sa pagsasalaysay. Karaniwan itong nangyayari sa isang nobela kung saan ang mga pangyayari ay sumasakop sa mas mahabang panahon at mas maraming tauhan ang naipakikilala sa bawat kabanata. 

May Paraan ng Pagpapahayag ng Diyalogo, Saloobin, o Damdamin sa Tekstong Naratibo

May dalawang paraan kung paano inilalahad o ipinahahayag ng mga tauhan ang kanilang diyalogo, saloobin, at damdamin:

1. Direkta o Tuwirang Pagpapahayag

Sa ganitong uri ng pagpapahayag, ang tauhan ay direkta o tuwirang nagsasaad o nagsasabi ng kanyang diyalogo, saloobin, o damdamin. Ito ay ginagamitan ng panipi. Sa ganitong paraan ng pagpapahayag ay nagiging natural at lalong lumulutang ang katangiang taglay ng mga tauhan. Higit din nitong naaakit ang mga mambabasa sapagkat nagiging mas malinaw sa kanya ang eksaktong mensahe o sinabi ng tauhan at ang paraan ng pagkakasabi’y naghuhudyat din sa uri ng damdaming taglay kaysa kung lalagumin o hindi direktang sasabihin ng tagapagsalaysay.

Halimbawa:

“Donato, kakain na, Anak,” tawag ni Aling Guada sa anak na noo’y abalang-abala sa ginagawa at hindi halos napansing nakalapit na pala ang ina sa kanyang kinalalagyan. “Aba’y kayganda naman nireng ginagawa mo, Anak! Ay ano ba talaga ang baIak mo, ha?” Natatawang inakbayan ni Donato ang ina at inakay papasok sa munti nilang kusina..

—Mula sa “Ang Kariton ni Donato” 

2. Di direkta o Di tuwirang Pagpapahayag

Ang tagapagsalaysay ang naglalahad sa sinasabi, iniisip, o nararamdaman ng tauhan sa ganitong uri ng pagpapahayag. Hindi na ito ginagamitan ng panipi.

Halimbawa:

Tinawag ni Aling Guada ang anak dahil kakain na habang ito’y abalang-abala sa ginagawa at hindi halos napansing nakalapit na paU ang ina sa kanyang kinalalagyan. Sinabi niyang kayganda ng ginagawa ng anak at tinanong din niya kung ano ba talaga ang balak niya.

Natatawang inakbayan ni Donato ang at inakay papasok sa munti nilang kusina.

Mga Elemento ng Tekstong Naratibo

Ang isang katangiang taglay ng lahat ng tekstong naratibo ay ang pagkukuwento kaya naman taglay ng mga ito ang mahahalagang elementong lalong magbibigay daan sa nakalilibang, nakaaaliw, at nakapagbibigay-aral na pagsasalaysay. Sa mga elementong ito rin makikita kung paano naihahabi o pumapasok ang mga tekstong deskriptibo.

1. Tauhan

Lahat ng tekstong naratibo ay nagtataglay ng mga tauhan. Ang dami o bilang ng tauhan ay dapat umayon sa pangangailangan. Mahirap itakda. ang bilang ng tauhang magpapagalaw sa tekstong naratibo ang pangangailangan lknang ang maaaring magtakda nito. May dalawang paraan sa pagpapakilala ng tauhan—ang expository at ang dramatiko. Expository kung ang tagapagsalaysay ang magpapakilala o maglalarawan sa pagkatao ng tauhan at dramatiko naman kung kusang mabubunyag ang karakter dahil sa kanyang pagkilos o pagpapahayag. Ang karaniwang tauhan sa mga akdang naratibo ay ang sumusunod:

a. Pangunahing Tauhan

Sa pangunahing tauhan o bida umiikot ang mga pangyayari sa kuwento mula simula hanggang sa katapusan. Karaniwang iisa lamang ang pangunahing tauhan. Ang kanyang mga katangian ay ibinabatay sa tungkulin o papel na kanyang gagampanan sa kabuoan ng akda.

b. Katunggaling

Tauhan Ang katunggaling tauhan o kontrabida ay siyang sumasalungat o kalaban ng pangunahing tauhan. Mahalaga ang papel ng tauhang ito sapagkat sa mga tunggaliang nangyayari sa pagitan nila, nabubuhay ang mga pangyayari sa kuwento at higit na napatitingkad ang mga katangian ng pangunahing tauhan.

c. Kasamang Tauhan

Gaya ng ipinahihiwatig ng katawagan, ang kasamang tauhan ay karaniwang kasftna o kasangga ng pangunahing tauhan. Ang pangunahing papel o tungkulin niya ay sumuporta, magsilbing hingahan, o kapalagayang-loob ng pangunahing tauhan.

d. Ang May-akda

Sinasabing ang pangunahing tauhan at ang may-akda ay lagi nang magkasama sa kabuoan ng akda. Bagama’t ang namamayani lamang ay ang kilos at tinig ng tauhan, sa likod ay laging nakasubaybay ang kamalayan ng makapangyarihang awtor.

Ayon kay E.M. Forster, isang Ingles na manunulat, may dalawang uri ng tauhan ang maaaring makita sa isang tekstong naratibo tulad ng:

  • Tauhang Bilog (Round Character)—Isang tauhang may multidimensiyonal o maraming saklaw ang personalidad. Tulad ng isang tunay na katauhan, nagbabago ang kanyang pananaw, katangian, at damdamin ayon sa pangangailangan. Ang isang tahimik at mapagtimping tauhan, halimbawa, ay maaaring magalit at sumambulat kapag hinihingi ng sitwasyon o pangyayari sa kuwento at pangangailangang magbago ang taglay niyang katangian at lumutang ang nararapat na emosyon o damdamin.
  • Tauhang Lapad (Flat Character)—Ito ang tauhang nagtataglay ng iisa o dadalawang katangiang madaling matukoy o predictable. Madaling mahulaan at maiugnay sa kanyang katauhan ang kanyang mga ikinikilos at maituturing na stereotype tulad ng mapang-aping madrasta, mapagmahal na ina, tin-edyer na hindi sumusunod sa magulang, at iba pa. Karaniwang hindi nagbabago o nag-iiba ang katangian ng tauhang lapad sa kabuoan ng kuwento.

    Sinasabi rin ni Forster na kinakailangang makita ang dalawang uring ito ng tauhan sa tekstong naratibo. Bagama’t madaling matukoy o predictable ang tauhang lapad ay hindi niya iminumungkahi ang pagtatanggal sa ganitong uri ng tauhan sa pagsulat ng akda upang masalamin pa rinnito ang tunay na kalakaran ng mga tauhan sa ating mundo.

2. Tagpuan at Panahon

Ang tagpuan ay tumutukoy hindi lang sa lugar kung saan naganap ang mga pangyayari sa akda kundi gayundin sa panahon (oras, petsa, taon) at maging sa damdaming umiiral sa kapaligiran nang maganap ang mga pangyayari tulad ng kasayahang daM. ng pagdiriwang sa isang kaarawan, tffl(ot na umiiral dahil sa malakas na hampas ng hangin at ulang 61a ng bagyo, romantikong paligid sanhi ng maliwanag na buwang nakatunghay sa magkasintahang naghahapunan sa isang hardin, matinding p4od ng magsasakang nag-aararo sa ilalim ng tirik na tirik na araw, kalungkutan ng pamilyang nakatunghay habang ibinababa sa kanyang huling hantungan ang isang minamahal, at iba pa.

3. Banghay

Ito ang tawag sa maayos na daloy o pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa mga tekstong naratibo upang mabigyang-linaw ang temang taglay ng akda.

Makikita sa ibaba ang karaniwang banghay o balangkas ng isang naratibo:

  • Pagkakaroon ng isang epektibong simula kung saan maipakikilala ang mga tauhan, tagpuan, at tema (orientation or introduction)
  • Pagpapakilala sa suliraning ihahanap ng kalutasan ng mga tauhan partikular ang pangunahing tauhan (problem)
  • Pagkakaroon ng saglit na kasiglahang hahantong sa pagpapakita ng aksiyong gagawin ng tauhan tungo sa paglutas sa suliranin (rising action)
  • Patuloy sa pagtaas ang pangyayaring humahantong sa isang kasukdulan (climax)
  • Pababang pangyayaring humahantong sa isang resolusyon o kakalasan (falling action)
  • Pagkakaroon ng isang makabuluhang wakas (ending)

Hindi lahat ng banghay ay sumusunod sa kumbensiyonal na simula-gitna-wakas. May mga akdang hindi sumusunod sa ganitong kalakaran at tinatawag na anachmny o mga pagsasalaysay na hindi nakaayos sa tamang pagkakasunod-sunod. Mauuri ito sa tatlo:

  • Analepsis (Flashback)—Dito ipinapasok ang mga pangyayaring naganap sa nakalipas.
  • Prolepsis (Flashforward)—Dito nama’y ipinapasok ang mga pangyayaring magaganap pa lang sa hinaharap.
  • Ellipsis—May mga puwang o patlang sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari na nagpapakitang may bahagi sa pagsasalaysay na tinanggal o hindi isinama.

4. Paksa o Tema

Ito ang sentral na ideya kung saan umiikot ang mga pangyayari sa tekstong naratibo. Mahalagang malinang ito nang husto sa kabuoan ng akda upang mapalutang ng may-akda ang pinakamahalagang mensaheng nais niyang maiparating sa kanyang mambabasa. Dito rin mahuhugot ang mga pagpapahalaga, mahahalagang aral, at iba pang pagpapahalagang pangkatauhang nagagamit sa mabuting pamumuhay at pakikisalamuha sa kapwa.

Halimbawa ng Isang Tekstong Naratibo (Maikling Kuwento)

Mabangis na Lungsod
ni Efren R. Abueg

Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong sa araw-araw ay may bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang gabi ay waring maninipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa Eupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.

Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawang taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroon, kundi dahil sa naroroon, katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi—at ang Quiapo.

Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y mailaw at maingay. Huwag lamang matitinag ang simbahan at huwag lamang mababawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit. Sapagkat ang simbahan ay bithay ni Adong.

Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket sa suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naaawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga nasa hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglaglag ng singko o diyes sa maruruming palad.

Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan. Nagsawa na ang kanyang mga bisig sa kalalahad ng kamay, ngunit ang mga sentimong kumakalansing sa kanyang bulsa ay wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kanyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad sa kanyang katawan.

“Mama. . .Ale, palimos na po.”

Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay ay hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay nagpapahalata ng pagmamadali ng pag-iwas. “Singko po lamang, Ale… hindi pa po ako nanananghali!”

Kung may pumapansin man sa panawagan ni Adong, ang nakikita naman niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay ‘yan ng mga magulang para maisugal,” madalas naririnig ni Adong. Nasaktan siya sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.

At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghingi sa kanya nito ng piso, sa lahat. Walang bawas.

“May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito’y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.

At ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa habang inilalagay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga sentimong matagal ding kumalansing sa kanyang bulsa, ngunit kailanman ay hindi nakarating sa kanyang bituka.

“Maawa na po kayo, Mama… Ale…gutom na gutom na ako!”

Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao’y bantad na sa pagpapalimos ng maraming pulubi. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ang karukhaan.

Ang kampana ay tumugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga tao, papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan.

“Malapit nang dumating si Bruno…” ani Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na maaaring makarinig.

Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at nagpatindig sa kanyang balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kanyang harap ang tao—malamig, walang awa, walang pakiramdam—nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kanyang gutom at pangamba. Kung Hang araw na niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa’t waring umuuntag sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.

Ilang singkong bagol ang nalaglag sa kanyang palad, hindi inilagay kundi inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga bagol sa kanyang bulsa. Lumikha iyon ng bahaw na tunog nang tumama sa iba pang sentimong nasa kanyang palad at sa kaabalahan niya’y hindi niya napansing kakaunti na ang taong lumalabas mula sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang-bahala, ang mga hakbang ng pagmamadaling pag-iwas.

“Adong. . .ayun na si Bruno,” narinig niyang wika ni Aling Ebeng.

Tinanaw ni Adong ang inginuso sa kanya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan. Ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang bulsa. Dinama niya ang mga bagol. Malamig. At ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamatay. Mahigpit niyang kinulong sa kanyang palad ang mga bagol.

“Diyan na kayo, Aling Ebeng. . .sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!” mabilis niyang sinabi sa matanda.

“Ano? Naloloko ka ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Makita ka ni Bruno!” Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglakad, sa simula’y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglakad. At akala niya’y nawala na siya sa boob rig sinuot niyang mumunting iskinita. Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos sa paghihimagsik, ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa nakatunghay na simbahan, na kabangisang sa mula’t mula pa’ y nakilala niya at kinasuklaman. At iyon ay matagal din niyang pinakalansing.

“Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag.

Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kanyang paglaya. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba, at sa kabangisan.

“Bitawan mo ako, Bruno! Bitawan mo ako!” naisigaw na lamang ni Adong.

Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya ang malulupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.