Ang Wikang Filipino sa Iba’t Ibang Larangan

Ang wika ay kasama sa pagsulong ng teknolohiya at komunikasyon. Ang lahat ng mga bagong imbensiyon na nalikha ng tao ay inililipat sa iba’t ibang parte ng mundo. Marami sa mga ito ay isinasaaklat, iniialagay sa mga dyornal at report (maging siyentipiko o teknikal) upang mabasa at maging bahagi ng tinatawag na technology transfer.

Wika ang kasangkapan para sa materyal na pag-unlad. Maging sa pagsulong ng kultura, edukasyon, agham, sining, at humanidades, kinakailangan ng isang wikang ginagamit at nauunawaan ng sambayanan.

Ano ang sitwasyon ng wika sa mahahalagang larangan tulad ng agham, politika, humanidades, batas, at iba pa?

Basahin ang sumusunod na mga teksto at suriin ang mga ito.

WIKANG FILIPINO SA AGHAM PANLIPUNAN (Batas at Politika)

Wika ang pangunahing kasangkapan sa pag-uugnayan sa pagitan ng namamahala (ang pamahalaan) at ng pinamamahalaan (ang mga mamamayan). Dahil dito, dapat gamitin ang wika sa komunikasyon ng bayan para magkaunawaan. Sa larangang ito, ang daloy o proseso ng komunikasyon ay dalawa: paghahatid ng mensahe o atas (ayon sa nasa batas) at ang tugon o sagot ng bayan.

Kung gayon, dapat gamitin ang wikang Filipino sa batas at politika. Dapat ding maging lengguwahe ng hukuman ang wikang ito. Tandaan nating habang mangmang ang bayan sa batas, hindi mangingimi ang mga tao sa paggawa ng kabuktutan at katiwalian—mga bagay na hadlang sa ninanais nating kaunlaran.

Samakatwid, susi ang wikang Filipino sa politika ng batas, sa pagpapalaganap ng katarungan, at pagsugpo sa krimen na lumalaganap sa administrasyon ng batas at politika. Ang layuning magkaisa ang ating lahi sa ilalim ng katarungan at karangalang mahango ang mga nabubuhay sa karalitaan, kawalang-muwang, at kawalan ng pagkakataon upang sila man ay maging sangkap ng isang pamayanang pampolitika ay magaganap lamang kung ang ating mga batas ay maisasalin sa wikang Filipino at ang wikang ito ay gagamiting wika sa mga hukuman at sa mga batasan kung saan ginagawa ang batas.

WIKANG FILIPINO SA HUMANIDADES

Ang humanidades ay tumutugon sa isang pangkat ng mga palagay at saloobin na nakatuon sa pagpapahalaga sa buhay.

Kung susuriing mabuti, wika ang may pinakamalakirrg papel na ginagampanan sa larangang ito—ang Humanidades. Sa ngayon, higit nang malawak ang saklaw nito sapagkat maaari nang talakayin ang kultura, pagpipinta, musika, estruktura, at iba pang makataong sining at ang mabuti at wastong pagtugon dito.

Sa tulong ng wika, higit nating mapalalawak ang larangang ito, pati na ang ating sarili at higit tayong nagiging maingat at magalang sa paniniwalang likha ito at gawi ng ibang tao.

WIKANG FILIPINO SA AGHAM AT TEKNOLOHIYA

Sa pagbabago ng panahon at lipunan, natural lamang na sumabay ang wika sa mga pagbabago’t modernisasyon ng lipunang gumagamit nito.

lto ang hamon ng pagpasok ng bagong siglo sa mga edukador at tagapagpalaganap ng wikang Filipino. Kailangang magamit ang Filipino sa pagtuturo at pagsusulat sa larangan ng Agham, Matematika, at Teknolohiya. Ayon sa kanila, ang paggamit ng ay nagdudulot ng mahusay, mabilis, at mabisang pag-unawa sa mga asignaturang siyentipiko at teknikal.

Kamakailan lamang, napatunayan sa Third International Math and Science Study o TIMSS na higit na epektibo ang pagtuturo ng Agham at Matematika sa wikang katutubo sa isang bansa.

Sa katunayan, sa limang nangungunang bansa sa Agham (Singapore, Czech Republic, Japan, South Korea, at Bulgaria) at Matematika, (Singapore, South Korea, Japan, Hong Kong, at Belgium) ang mga mag-aaral na sumailalim sa pagsusulit ay sa wikang katutubo kinuha ang TIMSS.

Samakatwid, dumating na nga ang panahon upang mapayabong ang wikang Filipino bilang wikang intelektuwalisado at maaari nang umabot sa pamantayan upang maging isa ring pandaigdig na wika.

WIKANG FILIPINO SA NEGOSYO AT INDUSTRIYA

Tayo ay pumapasok na sa bagong siglo. Ito ang daigdig ng cyberworld. Nasa paligid natin at kaniig ang mga web site, Internet, e-mail, fax machine, at iba pang kagamitan tungo sa mabilis na daluyan ng komunikasyon.

Ingles ang lengguwahe sa pandaigdigang ugnayan sa negosyo at industriya. Ito rin ang lengguwahe sa cyberspace. Ingles din ang wikang ginagamit ng mga mangangalakal sa pakikipag-ugnayan sa mga banyaga at malalaking negosyante.

Ngunit sa sinasabing daigdig ng cyberspace at sa darating na panahon, magkakaroon ng global language at isang wika ang gagamitin sa buong mundo. Ayon kay John Naisbitt sa aklat na Global Paradox, totoong magkakaroon ng isang wika tungo sa sinasabing global village.

Sa kabilang dako, sinasabi niya na habang umuunlad ang iisang global language ay lalong pahahalagahan ng bawat bansa ang kanilang ethnicity o sariling pagkakakilanlan. Higit na pag-uukulan ng kahalagahan ang national identity. Idinagdag pa niya na hindi magkakaroon ng isang global monetary currency dahil ang salaping ililimbag o gagawin ng bawat bansa ay maglalaman ng kanilang sariling wika, sariling bayani, sariling kasaysayan, at kultura. 

Sa ganitong konsepto, totoo ang sinabi ni Bro. Andrew Gonzales na mahalaga talaga ang wikang Filipino sa negosvo at industriya. Kahit na sa daigdig ng cyberspace, ng mga babasahin tungkol sa larangang pangkabuhayan, at mga iba pang may kinalaman sa negosyo at kalakal, Filipino pa rin ang iiral at mangungunang wika ngayon at sa darating pang panahon, aniya pa.

Sa pagdagsa ng mga itinatayong industriya sa ating bansa, kukuha’t kukuha ng mga manggagawang Pilipino. Karamihan dito ay iyong mga hindi nakaabot ng mataas na antas ng pag-aaral, ngunit nakauunawa naman ng kaunting Ingles. Ngunit upang higit na mapakinabangan sila sa mga itatayong industriya, kailangang turuan sila ng mga bagong kakayahan sa paglikha ng mga produkto.

Dito papasok ang mga ekspertong Pilipino na mamumuno at magtuturo ng mga kaalaman sa mga manggagawa. At dahil nga pinagtutuonan ng pansin sa kasalukuyan ng mga itinatayong industriya sa bansa ang pandaigdigang pamantayan ng anumang produktong lilikhain, hindi Ingles kundi Filipino ang gagamitin upang turuan ang kanilang mga manggagawa ng kakayahan at katalinuhan sa gawaing produkto.