Bentahe at Disbentahe ng Pagsasagawa ng Interbyu

Ang paggamit ng interbyu bilang paraan ng pangangalap ng datos ay may mga bentahe at disbentahe. Kung gayon, makabubuting pakasuriin ang paggamit nito batay sa kalikasan ng at kaangkupan sa sinasaliksik. Gayundin, mainam na hindi lamang magpokus sa interbyu bilang tanging paraan ng pangagangalap ng datos. Nararapat na langkapan pa ang pag-aaral ng mga datos na makukuha sa ibang paraan gaya ng pananaliksik sa aklatan, sarbey, eksperimento, at iba pa.

Bentahe

  • Lalim ng impormasyon – sa pamamagitan ng interbyu, nakakakuha ng mga datos na nagpapalalim at nagdedetalye sa isang partikular na paksa.
  • Bagong ideya – maaari ding makakuha ng bagong ideya ang mga mananaliksik mula sa mga impormasyong makukuha. Kagamitan – ang interbyu ay nangangailangan lamang ng simpleng kagamitan. Higit na nakasalalay ito sa kasanayan sa komunikasyon na dapat taglay ng mananaliksik.
  • Pokus sa iniinterbyu bilang tagapagbahagi ng impormasyon – isang mabisang paraan ang interbyu para sa pangangalap ng mga datos batay sa ideya at opinyon ng isang tao. Nabibigyan ng pagkakataon ang iniinterbyu na maipaliwanag ang kaniyang mga ideya at mabigyang-diin ang kaniyang mga pananaw.
  • Fleksibilidad – masasabing ang interbyu ang pinaka-flexible na pamamaraan sa pangangalap ng datos. Ang anomang pagbabago, gaya ng mga tanong, ay posibleng mangyari sa mismong oras ng interbyu. Sa ganitong paraan, nabibigyang-pansin na ang maaaring tinatahak na daloy ng mga ideya at impormasyong ibinibigay ng iniinterbyu.
  • Katumpakan (Validity) – dahil sa tuwirang ugnayan ng mananaliksik at ng taong pinagmumulan ng datos, kagyat na nalilinaw ang anomang kalituhan sa proseso ng interbyu.
  • Mataas na antas ng pagtugon – karaniwang naisasaayos ang panahon ng interbyu batay sa kaluwagan ng iinterbyuhin. Sinasalamin ng maginhawang lugar at oras ang mataas na antas ng pagtugon ng iinterbyuhin.
  • Nakalulunas – kumpara sa ibang pamamaraan ng pangangalap ng datos, karaniwang isang masayang karanasan ang interbyu para sa iniinterbyu dahil sa elemento nitong mas personal. Dagdag pa rito, malaya nilang naipapahayag ang kanilang saloobin at pananaw nang hindi hinuhusgahan ng nakikinig na mananaliksik. Kung kontekstong Pilipino, naisakatutubo na rin ang interbyu sa anyo ng pagtatanong-tanong at pakikipagkuwentuhan (Pe-Pua 2005) upang umayon sa mas komportableng karanasan ng kinakapanayam.

Disbentahe

  • Mahabang oras – bagaman maaaring maikli o mahaba ang isang interbyu, maaaring ang pagsusuri sa datos ay maging mahirap at mangailangan ng mahabang oras. Ang pagsulat ng transkripsiyon at koda sa interbyu ay isang metikulosong gawain matapos ang interbyu.
  • Pagkamaaasahan (Reliability) – ang makokolektang datos ay karaniwang natatangi sa partikular na konteksto at indibiduwal. Sa ganitong punto, nagiging mahirap na matamo ang kaisahan ng mga impormasyon.
  • Interviewer effect – ang ugnayan ng mananaliksik at kalahok ay may epekto sa kalidad ng datos na makukuha sa interbyu. Maaaring dahil hindi pa kampante ang iniinterbyu sa mananaliksik, ang mga impormasyon at ideyang kaniyang sasabihin ay batay sa paniniwala niyang sasang-ayunan ng mananaliksik at hindi batay sa kaniyang sariling pananaw. Muli, sa ganitong pagkakataon, mahalagang maisaalang-alang ang pakikipagkapuwa ng mananaliksik sa kalahok upang maging komportable ang huli sa kaniyang presensiya at matamo ang inaasahang datos.
  • Pagpipigil sa sarili – maaari ding makaapekto sa iniinterbyu ang presensiya ng recorder o kamera habang isinasagawa ang interbyu. Magdudulot ito ng hindi pagiging natural ng kaniyang pananalita at pagbibitaw ng mga ideya. Sa katutubong pamamaraan ng pagtatanong-tanong at pakikipag-kuwentuhan, hinihikayat na gawing natural ang proseso ng pakikipag-ugnayan ng mananaliksik sa kaniyang kalahok (Pe-Pua 2005). Isang paraan nito ay ang pagbibigay-puwang din sa mga tanong at kuwento ng iniinterbyu sa mananaliksik.
  • Halaga ng gugugulin – posibleng maging malaki ang gastusin ng mananaliksik kung pag-uusapan ang kaniyang ginugol na oras, pagtungo sa lugar ng mga iinterbyuhin, at pagsulat ng transkripsiyon.