Sa Pangulo ng Kolehiyo, sa Dekano, sa mga guro, sa mga magulang, at sa mga magsisipagtapos, isang masayang gabi at maligayang pagtatapos.
Isang dekada na pala ang nakalilipas, ako ay katulad n’yo rin na nakaupo diyan. Hindi ko alam kung bakit, ang isang simpleng tao na tulad ko ang napiling tagapagsalita ninyo ngayong gabi. Nalalaman ko na mayroon pang mga tao na nakahihigit sa akin para magsalita sa inyong harapan. Kung kaya’t ako ay lubos na nagpapasalamat sa tiwalang ipinagkaloob sa akin ng ating paaralan. Nawa ay maibigay ko nang tapat ang mensahe na magsisilbing inspirasyon sa inyong lahat.
Alam ko na nag-uumapaw sa inyong damdamin ang kasabikan ngayong gabi na matanggap ang katibayan ng inyong pagtatapos na pinagsumikapan nang apat na taon sa paaralang ito. Alam ko rin na higit na nag-uumapaw ang kagalakan ng inyong magulang dahil sa wakas, natupad na nila ang kanilang mga pangarap sa inyo—ang edukasyon na yamang hindi maaaring manakaw. Kaya’t sa pagkakataong ito, maaari bang tumayo ang mga magsisipagtapos at lapitan sila upang gawaran ng isang halik at yakap habang sinasambit ang mga salitang: Inay… Itay… Maraming Salamat Po!
Ngayon, nais ko na kayo ay makinig sa aking payak na talumpati.
Noon ay may isang bata na naulila sa edad na pitong taong gulang. Walang nanay, walang tatay. May mga kapatid man siya ay hindi sila nagkasama-sama sa iisang bubong sapagkat kinakailangan nilang maghiwa-hiwalay upang mabuhay sa piling ng kanilang mga nakaririwasang mga kamag-anak at ibang tao.
Dalawa sa kanyang mga kapatid na babae ay kinuha ng kanyang mga kamag-anak at siya ay napunta sa isang tao na hindi nila kamag-anak.
Isang Linggo pa lamang siyang namamalagi sa pamilyang nag-ampon sa kanya ay itinuro na sa kanya ang mga gawain na dapat niyang matutuhan upang maging katulong sa bahay. Pinagsabihan din siyang iba ang magiging pagtingin sa kanya at hindi rnagiging kapantay ng kanilang mga anak sapagkat kaya lamang daw siya kinupkop ay dahil para tulungan Iamang siya at dahil kailangan nila ng makatutulong sa bahay. Sa madaling salita, siya ay naging isang alilang-kanin.
Bagama’t siya ay nakapag-aaral pa rin sa pampublikong paaralang malapit sa bahay na kanyang tinutuluyan ay hindi naman siya madalas pumasok sa paaralan dahil kung minsan ay maraming iniuutos sa kanya na mga gawain na dapat ay agad matapos bago pumasok sa paaralan.
Matapos ang elementarya, hiniling niya sa kanyang tinutuluyan na makapaghanapubuhay siya para makapasok sa sekundarya sa pamamagitan ng pagtitinda sa harap ng bahay pero hindi niya pababayaan ang mga gawaing-bahay na nakaatang sa kanya.
Madaling araw pa lamang ay gising na siya upang magtungo sa palengke upang bumili ng mga gagamitin niya sa pagtitinda ng arozcaldo at goto. Habang iniluluto niya ang kanyang mga ititinda, siya ay naglilinis na ng bahay. Nagwawalis. Naglalampaso.
Sabay natatapos ang paglilinis ng loob ng bahay at ang pagluluto ng paninda. Ala-sais ng umaga hanggang alas nuwebe nauubos ang kanyang paninda. Matapos mairigpit ang kanyang mga pinaglutuan at pagtulong pa sa ilang gawain ay papasok naman siya sa sekundarya mula alas dose ng tanghali hanggang ala sais ng gabi. Pero, bago tuluyang umuwi ay dadaan na siya sa palengke.
Kung minsan, madalas pa siyang pinagagalitan at nasasaktan sa di niya malamang dahilan. Pero wala naman siyang magagawa kundi ang magtiis at magpaubaya sa kanyang tadhana.
May pagkakataong guSto na niyang sumuko sa pakikipagsapalaran sa buhay. Parang pakiramdam niya, wala siyang karapatan. Subalit, nag-aalab ang kanyang damdamin at naniniwala sa bisa ng kapangyarihan ng edukasyon.
Walong taon na ganoon nang ganoon ang kanyang ginagawa. Walong taong pagtitiis ng hirap, pagtitiyaga hanggang sa puntong magtatapos na paia siya ng kolehiyo sa kursong pagka-guro.
Tumutulo ang kanyang luha nang tanggapin niya ang kanyang medaiya at sertipiko ng pagtatapos. Luha ng kagalakan. Luha ng bagong buhay.
Nais ba ninyong makilala ang bata sa aking kuwento?
Ako ang batang inilahad ko sa kuwento.
Inilahad ko ito sa inyo upang ipaunawa na ang pagkakamit ng kaunlaran sa tulong ng bisa ng edukasyon ay hindi mahahadlangan ng kahirapan sa buhay. Hindi mahalaga ang estado o kalagayan mo sa buhay. Kung may determinasyon tayong makamit ang ating pangarap, magagawa natin itong mangyari, lalo na kung sasamahan ng matibay na pananalig sa Poong Maykapal upang ang Kanyang gabay ng pagpapala ay mapasaatin.
Ang diwa ng tagumpay ay nasa sa ating mga sarili. Naghuhumiyaw ang tinig ng tagumpay sa mga taong nag-aalab ang determinasyon na hindi sumusuko sa hamon ng buhay hanggang makamit ito.
Sa mga kabataan, huwag kayong malungkot kung hindi agad magtagumpay sa inyong pinapangarap dahil hindi minamadali ang tagumpay. Hindi ito nakakamit sa magdamag na puyatan. Ito ay nakakamit sa paghihintay ng panahon. Ang pagtatagumpay ay hinihinog ng karanasan at pinapanday ng panahon. Kapag ganap ka nang matatag, kahit anupang gawin mong paraan ang tagumpay ay parang sumusubang kanin na pumapailanlang. Ang usok ng kanin sa takip ng kaldero ay naghuhumiyaw na kiialanin ng ibang tao ang iyong tagumpay.
At higit sa lahat, madaling makamit ang tagumpay kung ikaw ay magpopokus sa kasanayang alam mong doon ka magaling. Pinaglalaanan ng panahon na mabuting mapaunlad pa para sa iyong sarili. At ang diwa ng tagumpay ay mararamdaman kung may kahulugan ka para sa mga taong kakilala mo, sa mga kaibigan mo, at higit sa lahat sa pamilya mo.
Maraming salamat po sa inyong lahat. Muli, isang magandang gabi.