Wika ang midyum na ginagamit natin sa komunikasyon. Wika ang instrumento sa paghahatiran ng mensahe at palitan ng reaksiyon ng mga nag-uusap. May mga gamit ang wika ayon sa intensiyon ng nagsasalita. Halimbawa, sa larawan sa itaas, ang intensiyon ng pahayag na “Bawal tumawid may namatay na dito” ay magbigay ng babala sa mga taong tumatawid sa kalsada sa pamamagitan ng pag-uutos na “bawal tumawid”at sa pagbibigay ng impormasyon na “may namatay na dito.”
May ganito pang uri ng babala na mababasa tayo sa kalsada:
WALANG TAWIRAN. NAKAMAMATAY.
Nagbibigay din ng impormasyon ang pahayag na “walang tawiran” at “nakamamatay.” Hindi lamang sa mga babala natin nakikita o nababasa ang mga pahayag na nag-uutos at nagbibigay ng impormasyon.
Conative
Kapag panahon ng eleksiyon, palagi nating naririnig o nababasa ang mga pahayag na conative sa mga politikong kandidato tulad ng, “Huwag po ninyong kalimutang isulat ang pangalan ko sa inyong balota!” Naririnig din natin ang mga pahayag na nag-uutos sa mga komersiyal sa telebisyon kapag pinabibili tayo ng mga produktong iniendorso tulad ng, “Ano pang hahanapin mo? Dito ka na! Bili na!” Sa mga talumpati ng pangulo, madalas nating marinig ang kaniyang pakiusap na, “Magtulungan po tayo para sa pag-unlad ng ating bayan.”
Ayon kay Roman Jacobson, kabilang sa mga gamit ng wika ang conative, informative, at labeling. Sa mga sitwasyong naiimpluwensyahan natin ang isang tao sa pamamagitan ng pakiusap at pag-uutos, conative ang gamit natin ng wika. Nakikita rin ang conative na gamit ng wika sa mga pagkakataong gusto nating humimok o manghikayat, may gusto tayong mangyari, o gusto nating pakilusin ang isang tao.
Narito ang halimbawa ng isang maikling sanaysay na naglalaman ng conative na gamit ng wika.
Tuwing Darating ang Eleksiyon
Isa ang panahon ng eleksiyon sa maituturing na mahalagang panahon sa ating bansa. Mahalaga ito sapagkat sa panahong ito tayo pumipili ng mga taong gusto nating maglingkod sa atin. Huwag nating ipagkatiwala ang kinabukasan ng ating bayan sa mga kandidatong hindi karapat-dapat na maglingkod sa atin. Dapat na maging matalino tayo sa pagpili ng mga kandidatong iboboto natin. Huwag tayong basta maniwala sa kanilang mga sinasabi at ipinapangako sa atin. Lagi nating isaisip ang tatlo hanggang anim na taong pag-upo nila sa puwesto. Kapag nagkamali tayo sa pagpili sa kanila, hindi natin sila kaagad mapapalitan.
Kung dati nang nanalo ang kandidato at tumatakbong muli, balikan natin ang kaniyang naging paglilingkod. Balikan natin ang kaniyang mga nagawa. Alamin natin ang mga naitulong niya sa pagsulong ng bayan at saka tayo magdesisyon kung muli ba natin siyang pagkakatiwalaan o hindi na. Kapag bagong tumatakbo ang kandidato, alamin natin ang mahahalagang impormasyon tungkol sa kaniyang propesyon, pamilya, at pagkatao. Huwag tayong magpadala sa tamis ng pananalita ng isang kandidato.
Tuwing darating ang eleksiyon, gamitin natin at huwag balewalain ang isang mahalagang pamana sa atin ng demokrasya—ang pagboto. Piliin natin ang mga kandidatong maglilingkod sa atin. Nasa matalino nating pagpapasiya nakasalalay ang kinabukasan ng ating bayan.
Matutukoy mo ba kung ano-anong pahayag sa talata ang nagpapakita ng conative na gamit ng wika? Salungguhitan mo ang mga ito.
Gayundin, madalas na nakaririnig at nakababasa tayo ng mga pahayag na nagbibigay ng impormasyon. Sa panonood natin ng balita sa telebisyon o sa pakikinig sa radyo, iba’t ibang impormasyon ang nakukuha natin tungkol sa mg.a pangyayari at mangyayari sa ating bansa. Maraming impormasyon din tayong nakukuha sa pagbabasa ng mga pahayagan, magasin, at iba pang babasahing nagbibigay sa atin ng mga karagadagang kaalaman. Kahit sa mga simpleng pakikipag-usap o pakikipagkuwentuhan natin sa ibang tao, maaari din tayong makakuha ng mga impormasyon. Tayo man ay nagbabahagi rin sa iba ng mga impormasyong alam natin.
Informative
Sa mga sitwasyong may gusto tayong ipaalam sa isang tao, nagbibigay ng mga datos at kaalaman, at nagbabahagi sa iba ng mga impormasyong nakuha o narinig natin, informative ang gamit natin ng wika.
Narito ang isang maikling talata na nagbibigay ng impormasyon.
Bagong Bayani
ni Dolores R. Taylan
Sa kabila ng hindi magandang mga balita tungkol sa mga OFW, patuloy pa rin ang maraming Pilipino sa pangingibayang-bayan upang magtrabaho. Bakit nga ba napipilitang umalis ang mga Pilipino sa Pilipinas? Ano ang nagtutulak sa kanila para lisanin ang sariling bayan at magpasyang sa ibang lupain na lamang magtrabaho at mag-alay ng kanyang lakas, galing, at talino? Sa tanong na ito, marami kaagad ang mga susulpot na kasagutan. Pinakakaraniwan nang maririnig ang sagot na para maghanap ng mas magandang kapalaran o”greener pasture.”Marami ang nagsasabi na para kumita ng dolyar, mapag-aral ang mga anak, makapagpatayo ng sariling bahay, makabili ng sasakyan, makaipon ng perang pangnegosyo, at iba pa. Kung susumahin ang mga pahayag na ito, halos lahat ay patungo sa iisang dahilan lamang—ang paghahanap ng mas mabuting oportunidad sa trahaho upang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya. Kahirapan ang pinakakaraniwang dahilan ng aksiyon ng mga Pilipino, lalo na ng kababaihan, na lisanin ang Pilipinas at iwan ang pamilya para maghanapbuhay sa ibang bansa.
Subalit, ano ang karaniwang kinahihinatnan ng mga Pilipino pagsapit nila sa bansang kanilang nakatakdang pagtrabahuhan? Lahat ba ng kanilang pangarap para sa kanilang pamilya ay nabibigyang-katuparan? Gumaganda nga ba ang buhay ng mga OFW pati na ng kanilang pamilya dahil sa kanilang pangingibang-bayan? Bagama’t hindi maikakailang may mga Pilipinong nagtatagumpay at nakakamit ang katuparan ng mga pangarap sa labas ng bansa, malungkot isiping mataas ang bilang ng mga Pilipinong ang kinauuwian ay ang kabaligtaran ng lahat ng kanilang pinapangarap at inasahan.
Gayunman, sinisikap naman ng ibalt ibang ahensiya ng pamahalaan na magkaroon ng hanapbuhaysa Pilipinas upang hindi na mangibang-bayan pa ang maraming Pilipino. Sa pagdalaw ng pangulo sa iba’t ibang bayan, iniimbita niya ang mga mangangalakal na magtayo ng negosyo sa Pilipinas upang makadagdag sa trabaho ng mga Pilipino sa bansa. Sinisikap din ng pamahalaan na matugunan ang pangangailangan ng mga OFW lalo na yaong hindi maganda ang sinapit na kapalaran. Hindi sila pinababayaan sapagkat sila ang mga bagong bayani ng ating bayan.
Ano ang paksa ng sanaysay? Ano-anong impormasyon ang mahahango mula sa sanaysay? Itala mo ang mga ito sa iyong kuwaderno. Ngayon naman, basahin mo ang mga nakasulat na salita.

Pamilyar ka ba sa mga salitang nabasa mo? Ano ang mga salitang ito? Tama! Ang mga ito ay mga panawag o bansag sa mga tao o grupo ng tao. Lahat ng tao ay maaaring bigyan ng panawag o bansag, kilala man sila o hindi.
Saan kaya ibinabatay ang pagbibigay ng mga ganitong bansag? Ikaw, nakapagbansag ka na rin ba o nakapagbigay ka na rin ba ng ibang tawag sa iyong kakilala? Saan mo ibinatay ang tawag na ibinigay mo sa kaniya?
Madalas, nagbibigay tayo ng bagong pangalan, tawag, o bansag sa mga tao, batay sa pagkakakilala o pagsusuri natin sa kanila. Sinusuri natin ang mga taong nakakasalamuha natin—ang kanilang ugali, pisikal na anyo, trabaho, hilig, gawi, at iba pa. Ang pagsusuri natin sa kanila ang nagbibigay-daan para bansagan o bigyan natin sila ng label o ng katawagan. Halimbawa, sa pisikal na anyo, kapag mas matangkad sa karaniwan ang isang tao, binabansagan siya ng “Jojong tangkad” (kung Jojo ang pangalan). Kung minsan naman, batay sa trabaho ang pagbibigay ng bansag sa isang tao.
Halimbawa, “Tonyong magtataho” kung ang trabaho ay paglalako ng taho. Sa paaralan, may tinatawag ang mga estudyante na “Kuya Guard,”Ate Xerox,” “Manong Jani,””Manang Jani,” at iba pa. Nakabatay ang tawag na ito sa trabaho nila sa paaralan bilang guwardiya, nagseseroks, o tagapanatili ng kalinisan.
Labeling
Labeling ang gamit ng wika kapag nagbibigay tayo ng bagong tawag o pangalan sa isang tao o bagay.
Sa literaturang Pilipino, may mga manunulat na gumamit ng bansag olabelsa kanilang mga tauhan. Marahil ay naaalala mo pa si “Impeng Negro” (Rogelio R. Sikat), ang gurong si “Mabuti” (Genoveva Edroza Matute), si”Vicenteng Bingi”(Jose Villa Panganiban), si”Pilosopo Tasyo” (Jose Rizal), si “Sisang Baliw” (Jose Rizal), at marami pang iba.
Sa totoong buhay, marami rin tayong binibigyan ng bansag sa ating mga kaibigan, kapamilya, guro, politiko, artista, mga nasa larangan ng media, isports, militar, at iba pa. Binibigyan natin sila ng bansag kung ano ang pagkakilala natin sa kanila at kung paano natin sila sinusuri.
Malaya nating nagagamit ang wika sa iba’t ibang sitwasyon at intensiyon. Gayunman, hindi natin dapat abusuhin ang paggamit natin ng wika. Huwag kalimutan na dapat gamitin ang wika sa mabuti at maayos na paraan.
Maging magalang tayo sa gamit na conative kung nag-uutos tayo. Tiyakin nating tama at totoo ang gamit natin ng informative kung nagbibigay tayo ng mga kaalaman at impormasyon. Higit sa lahat, iwasan natin ang pagbibigay ng negatibong bansag o label sa ating kapuwa na maaaring makasakit ng damdamin.