Bawat nilalang ay hindi isang pulo sa kanyang sarili. Nararapat lamang na makilala niya ang kanyang pananagutan sa kapwa.
Waring nakalulunos na mga daing sa pandinig ni Mando ang malakas at hindi magkamayaw na hugong ng mga makina sa pabrikang iyon ng tela. May ibinubulong ang mga iyon, may ibinabadya, katulad ng sunud-sunod at nagmamadaling tibok ng kanyang puso, ng butil-butil na pawis na nagsisimulang maglandas sa malapad niyang noo, ng init na unti-unting sumasangkap sa daloy ng kanyang dugo. At maging ang malaking orasan, na waring madilat na mata na nakamasid sa bawa’t bahagi ng bilangguang iyon ng mga makina, ay may kakaibang kislap na ipinahihiwatig sa kanya.
“Mga ‘Adre. . . malapit na!” saglit na nangingibabaw sa hugong ng mga makina ang tinig na iyon.
“Nakahanda na kami!” maraming sumigaw.
“Walang kakabila?” makapangyarihang tanong ng isa.
“Wala!” waring iisang tinig ang nakipagpaligsahan sa hugong ng mga makina.
Iginala ni Mando ang kanyang tingin. Matitigas at may ipinahahayag ang mukha ng kanyang mga kasamahan. Nasisinag niya ang damdaming naghahari sa mga ito – nag-aalab, nagpupumiglas, naghihimagsik. At sa mga mata nila, naroroon ang kapasiyahang mahirap mabali, ang paninindigang mahirap igupo. Ngunit sa kanya, ang paghihimagsik na nadarama niya ay hindi kawangis ng paghihimagsik na ipinahahayag ng matitigas na mukha ng kanyang mga kasamahan.
Patuloy ang nagpapaligsahang hugong ng mga makina sa walang humpay na paghabi ng tela. Patuloy ang banayad na paggapang ng minutero ng orasan, ang paglalandas ng butil-butil na pawis sa malapad na noo ni Mando, at ang pagpupumiglas ng isang kapasyahang kangina pa ay hindi niya maitatwa. At ang lahat ng iyon ay sangkap ng pangamba at alinlangan na sumusuno sa kanyang diwa, na lalong pinatitingkad ng makahulugang mga sulyap ng kanyang mga kasama at ng init na ngayon ay naghahari sa buo niyang katauhan.
Maya-maya ay unti-unting humina ang hugong ng mga makina, na tila ngayon ay paos at namamaalam na daing ng isang nagdurusa, hanggang tuluyang mapawi ang alingawngaw ng mga iyon, maliban sa isang makina na numanakaw sa katahimikang dulot ng mga nagsihintong makina – ang makina ni Mando.
Batid niya kung bakit huminto ang mga iyon, kung bakit ang makina niya lamang ang nagpapatuloy sa paghugong. Alam din niya kung ano nang oras, kahit hindi niya tinitingnan ang malaking orasan. Ikadalawa’t kalahati na ng hapon. Sapagka’t ang oras na yaon ang paghinto ng mga makina, ang patuloy na paghugong ng makina niya, ay bahaging lahat ng paghihimagsik na nadarama niya, ng magugulong patlig ng alaala, ng nagpupumiglas na kapasiyahang kangina pa ay hindi niya maitatwa.
Muling iginala ni Mando ang kanyang tingin. Isa-isang nagsitindig ang kanyang mga kasamahan sa harap ng kani-kanilang makina gayong hindi pa oras. Bawat isa, bago lumabas sa bilangguang iyon ng mga makina, ay nag-iiwan sa kanya ng sulyap na may lakip na pagbabanta.
“Adre, matigas ang ulo mo!” si Kadyo ang sumisigaw na siyang puno ng aklasang iyon na matagal na nilang binalak isagawa. “Ikaw ang bahala, ‘Adre. . . ayaw mong makisama!”
Saglit na tila nawala sa sarili si Mando. Ngunit batid niya, nadarama niya, natitiyak niya na ang kapasiyahang matagal niyang nililimi ay mahirap ding mabali, katulad ng kapasyahan nila na ipinamamarali ng mga mata, inihahantad ng matitigas na mukha.
Naudlot si Mando nang may tumapik sa kanyang balikat. Nakatayo sa tabi niya ang tagapamahala ng pabrika ng tela. Pinahinto ni Mando ang kanyang makina.
“Hindi ka sumama sa kanila?” sabi ng tagapamahala.
“Gugutumin ko ho lamang ang aking pamilya.”
“Magtatrabaho ka pa?”
“Di ho ako p’wedeng di magtrabaho,” tumikhim si Mando. “Ako ho lamang ang inaasahan ng aking pamilya.”
Tumango-tango ang tagapamahala. Batid ni Mando ang kahalagahan niya ngayon sa pabrikang iyon. Kung walang makinang magpapatuloy sa pag-andar sa paghabi ng tela, mahihinto ang gawain sa buong pabrika. Marami ang mawawalan ng gawain sa buong pabrika. Marami ang mawawalan ng gawain, katulad ng mga tagatabas ng tela, tagapagbalumbon, tagahakot sa bodega, at maging ang mga kimiko. At sa loob lamang ng iilang buwan, malaking salapi ang mawawala sa kompanya.
“Basta magpatuloy ka lang sa pagtatrabaho, daragdagan ko ng limampung piso ang sahod mo,” sabi ng tagapamahala. “At kahit matapos ang welga, mananatiling gayon ang iyong sahod.”
“Pilitin mo lang na makalimampung yarda ka araw-araw,” patuloy ng tagapamahala. “marami pa tayong nakatinggal na tela sa bodega. Marahil, kahit tumagal ng dalawang buwan ang welga, di pa tayo maaagad ng mga pumipido at hindi pa rin maaano ang kompanya.”
Katahimikan.
Muling humugong ang makina ni mando, na siya na lamang pumupuno ngayon sa kabuuan ng bulwagang iyon, na waring humahalakhak sapagka’t wala nang kalaban sa paghugong, na waring ipinagsusumigaw ang karapatang magpatuloy sa pag-andar, kawangis ng tibok ng puso ni Mando – ibinubulong ang karapatang mabuhay at bumuhay!
At ang buong kamalayan ni Mando ay inalipin ng buo at malakas na hugong niyon. Ngunit tuwing mapapatingin siya sa malaking orasan na tila madilat na matang nakatitig sa kanya, hindi niya maiwasan ang pangamba.
Natatakot siya sa larawang iyon: nanlilisik na mga mata na nakapako sa kanya, mga malalamang bisig na handing ipadama sa katawan niya ang kinukulob na ngitngit. At humiwa sa diwa niya ang talim ng dila ni kadyo.
“Agrab’yado tayo,” sabi ni kadyo isang hapong lumalabas silang mga trabahod ng pabrikang iyon ng tela. “Basta maraming pumipido kahit Linggo, pinagtratrabaho tayo. Kalimitan, lampas na sa oras, ayaw pa tayong pauwiin… kakarampot naman ang inuumento sa sahod natin.”
“Ano’ng magagawa natin?” sabad ng isang trabahador. “Alam mo naming mahirap humanap ng trabaho… aba!”
Dumahak si Kadyo.
“Aba… e, habang panahon ba naming paloloko tayo? Sobra-sobra na nga ang tinutubo nila,” muling dumahak si Kadyo. “Tayo n’ng bumubuhay sa kanila… pero, ano’ng buhay natin… kumain-dili!”
Walang umimik sa kanila. Waring ang hindi pag-imik na iyon ay nangangahulugang nauunawaan nila si Kadyo. At kay Mando, may katwiran si Kadyo.
Nadarama rin niya ang ipinaghihimagsik ni Kadyo. Matagal na nilang pinagtitiisan ang hindi makatwirang pagpapasunod ng may-ari ng pabrika. Ilang taon na silang nagtratrabaho sa pabrikang iyon, nguni’t gayon pa rin ang kanilang buhay: kumain-dili, sabi nga ni Kadyo.
Bahagya nang makasapat sa kanilang pangangailangan ang sinasahod nila. Parang ang may karapatan lamang umunlad ay ang may-ari ng pabrika. Lalo itong yumayaman, at lalo rin naman silang naghihirap na mga trabahador.
“Tingnan n’yo ang Chuang, yan,” si Kadyo rin ang nagsabi isang araw, “dahil sa pawis natin, tatlo na ang Cadillac… pero tayo, kahit dalawampung taon pa tayong magtrabaho rito, mahirap pa rin tayo sa daga!”
Nguni’t kahit may katwiran si Kadyo, ipinasya ni Mandong hindi siya sasama, magwelga man sina Kadyo. Natatakot siyang mawalan ng gawain. Siya lamang ang inaaasahan ng kanyang asawa at tatlong anak.
Kanginang umaga, bago sila pumasok sa pabrika, tiniyak niya sa sarili na talagang hindi siya sasama kina Kadyo. Nasa katwiran sina kadyo, alam niya. At alam din niyang makatarungan para kina Kadyo ang hindi pagsanib sa aklasan.
May pamilya si Kadyo. Bihira ang walang pamilya sa mga trabahador na sumama kay Kadyo upang mag-aklas. At gaya niya, ang mga iyon ang inaasahan ng kani-kanilang pamilya. E, ano sa kanya? Bakit niya iintindihin si Kadyo at ang mga trabahador na iyon?
Sarili niya ang dapat niyang intindihin!
Kailangan niyang mabuhay, makatwiran man o hindi!
NAMAYANING muli sa pandinig ni Mando ang hugong ng makina niya. Patuloy ang paglabas ng nahabing tela. Nang ihudyat ng orasan ang ikaapat at kalahati ng hapon, pinahinto ni Mando ang makina.
Saglit siyang namalagi sa loob ng pabrika hanggang sa mapawi ang huling alingawngaw ng hugong niyon. Nagmistulang libingan ang bilangguang iyon ng mga makina sa humaliling katahimikan. Nakumutan ng lungkot ang bawa’t bahagi niyon.
Lumabas si Mando. Malayo pa siya sa pinto ng pabrika natanaw na niya ang mga nagsipag-aklas. May mga tangan nang karatula ang mga ito, nakapako ang mga tingin sa kanya, at waring siya ang inaabangan.
Higit na ganap ngayon ang nakatatakot na larawang iyon. Naroroon. Hindi Malabo, hindi hungkag: mga nanlilisik na mata, mga malamang bisig na handing ipadama sa katawan niya ang kinukulob na ngitngit. Ngunit ngayon, hindi sapat iyon upang baliin ang kanyang kapasiyahan, upang igupo ang kanyang paninindigan.
Ngayon pa lang ibinigay na sa kanya ang hinihingi nina Kadyo, isang iglap lamang?
Tinahak niya ang bakuran ng pabrika. Malapit na siya sa pintuan ng pabrika. Matatag siya, at ang kanyang paninindigan.
“Mando… saglit lang!” Si Kadyo ang sumigaw. Ibinadha ng mukha nito ang tinitimping galit. Ang kalamnan ng bisig nito ay nag-aalpas sa pagkakabilanggo sa maitim na balat.
Lumapit siya sa kinaroroonan nina Kadyo. Pinalibutan siya ng mga ito.
“Adre, pinaalalahanan na kita kangina,” sabi ni Kadyo, “nagtigas-tigasan ka pa rin! Sipsip kang talaga kay Chua… ibig mo’y ikaw na lang ang mapabuti!”
Tinitigan ni Mandi si Kadyo.
“Karapatan n’yo ang magwelga… karapatan ko naman na ‘wag sumama sa inyo!” Matapang ang tinig ni Mando.
“A, gayon!” nang-uuyam na sabi ni Kadyo. “Matigas ka, ha!”
Hindi pa napapawi ang alingawngaw ng tinig ni Kadyo, tila hayok na mga asong dinaluhong ng mga trabahador si Mando. At naramdaman niya ang matinding palo, suntok, dagok, kadyot.