Elemento ng Teksong Impormatibo

Kung ang tekstong naratibo ay may mga elementong kinabibilangan ng tauhan, tagpuan, suliranin, at mahahalagang pangyayaring tulad ng simula, kasukdulan, kakalasan, at wakas, ang tekstong impormatibo ay mayroon ding mga elemento. Ang mga ito’y ang sumusunod:

  • Layunin ng may-akda—Maaaring magkaiba-iba ang layunin ng may-akda sa pagsulat niya ng isang tekstong impormatibo. Maaaring layunin niyang mapalawak pa ang kaalaman ukol sa isang paksa; maunawaan ang mga pangyayaring mahirap ipaliwanag; matuto ng maraming bagay ukol sa ating mundo; magsaliksik; at mailahad ang mga yugto sa buhay ng iba’t ibang uri ng insekto, hayop, at iba pang nabubuhay; at iba pa. Gayumpaman, anuman ang layunin ay mapapansing kaugnay ito lagi ng pagbibigay o paglalahad ng impormasyon.
  • Pangunahing Ideya—Di tulad ng tekstong naratibo na hindi agad inihahayag ng manunulat ang mga mangyayari upang mapaabot ang interes ng mambabasa sa kasukdulan ng akda, sa tekstong impormatibo naman ay dagliang inilalahad ang mga pangunahing ideya sa mambabasa. Nagagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng pamagat sa bawat bahagi—tinatawag din itong organizational markers na nakatutulong upang agad makita at malaman ng mambabasa ang pangunahing ideya ng babasahin.
  • Pantulong na Kaisipan—Mahalaga rin ang paglalagay ng angkop na mga pantulong na kaisipan o mga detalye upang makatulong mabuo sa isipan ng mambabasa ang pangunahing ideyang nais niyang matanim o maiwan sa kanila.
  • Mga estilo sa pagsulat, kagamitan/sangguniang magtatampok sa mga bagay na binibigyang-diin—Makatutulong sa mga mag-aaral na magkaroon ng mas malawak na pag-unawa sa binabasang tekstong impormatibo ang paggamit ng mga estilo o kagamitan/sangguniang magbibigay-diin sa mahahalagang bahagi tulad ng sumusunod:
    • Paggamit ng mga nakalarawang representasyon—makatutulong ang paggamit ng mga larawan, guhit, dayagram, tsart, talahanayan, time line, at iba pa upang higit na mapalalim ang pag-unawa ng mga mambabasa sa mga tekstong impormatibo.
    • Pagbibigay-diin sa mahahalagang salita sa teksto—nagagamit dito ang mga estilong tulad ng pagsulat nang nakadiin, nakahilis, nakasalungguhit, o nalagyan ng panipi upang higit na madaling makita o mapansin ang mga salitang binibigyang-diin sa babasahin.
    • Pagsulat ng mga talasanggunian—karaniwang inilalagay ng mga manunulat ng tekstong impormatibo ang mga aklat, kagamitan, at iba pang sangguniang ginamit. upang higit na mabigyang-diin ang katotohanang naging basehan sa mga impormasyong taglay nito.