Estado ng Wikang Filipino sa Panahon ng Pananakop ng mga Hapon

Nang lumunsad sa dalampasigan ng Pilipinas ang mga Hapon noong 1942, nabuo ang isang grupong tinatawag na “purista.” Sila ang mga nagnanais na gawing Tagalog na mismo ang wikang pambansa at hindi na batayan lamang. Malaking tulong ang nagawa ng pananakop ng mga Hapon sa kilusang nabanggit. Ayon kay Prof. Leopoldo Yabes, ang Pangasiwaang Hapon ang nag-utos na baguhin ang probisyon sa Konstitusyon at gawing Tagalog ang Pambansang Wika. Sa layunin ng mga Hapon na burahin sa mga Pilipino ang anomang kaisipang pang-Amerikano at mawala ang impluwensiya ng mga ito, Tagalog ang kanilang itinaguyod. Nang panahong iyon, Niponggo atTagalog ang naging opisyal na mga wika.

Pinasigla ng pamahalaang Hapon ang panitikang nakasulat sa Tagalog. Maraming manunulat sa wikang Ingles ang gumamit ng Tagalog sa kanilang mga tula, maikling kuwento, nobela, at iba pa. Nagbuo rin ng isang komisyon na naghanda ng Saligang Batas na nagtadhana sa Tagalog bilang wikang pambansa. Sa Artikulo IX, Seksiyon 2 ng Konstitusyon ng 1943, nakasaad na, “ang Pamahalaan ay magsasagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Tagalog bilang pambansang wika.”

Noong Hunyo 4, 1946, nang matapos na ang digmaan, ganap nang ipinatupad ang Batas Komonwelt Big. 570 na nagtatakdang wikang opisyal na ang pambansang wika. Sinimulan na ring ituro ang Wikang Pambansa sa mga paaralan. 

Ilang taon ding hindi napagtuunan ng panahon ang pagpapalaganap sa Wikang Pambansa hanggang sa mailuklok bilang pangulo ng bansa si Ramon Magsaysay. Noong Marso 6, 1954, nilagdaan ni Pangulong Ramon Magsaysay ang Proklamasyon Blg. 12 para sa pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa mula Marso 29 hanggang Abril 4 taon-taon. Alinsunod ito sa pagbibigay-puri sa kaarawan ni Francisco Balagtas bilang makata ng lahi.

Noong Setyembre 1955 naman sinusugan ng Proklamasyon Big. 186 ang paglilipat sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika sa Agosto 13 hanggang 19 taon-taon bilang paggunita sa kaarawan ni Pangulong Manuel Quezon na kinikilala bilang “Ama ng Wikang Pambansa.” 

Noong 1959, inilabas ni Kallhim Jose F. Romero ng Kagawaran ng Pagtuturo ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 na nagtatakdang “kailanmal tutukuyin ang Wikang Pam-bansa, ito ay tatawaging Pilipino.” 

Noong Oktubre 24, 1967, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 96 na nag-uutos na ang lahat ng gusali, edipisyo, at tanggapan ng pamahalaan ay dapat na nakasulat sa Pilipino. Noong Marso 27, 1968 inilabas ng Kalihim Tagapagpaganap na si Rafael Salas ang Memorandum Sirkular Blg. 96 na nag-aatas na lahat ng letterhead ng mga tanggapan, kagawaran, at sangay ng pamahalaan ay dapat na nakasulat sa Pilipino at may katumbas na Ingles sa ilalim nito. Iniuutos din ng sirkular na gawin sa Pilipino ang pormularyo ng panunumpa sa tungkulin ng mga pinuno at kawani ng pamahalaan.

Noong 1970, naging wikang panturo ang Pilipino sa antas ng elementarya sa bisa ng Resolusyon Blg. 70. 

Sa bisa ng Resolusyon Blg. 73-7 ng Pambansang Lupon ng Edukasyon, isinama ang Ingies at Pilipino (Pilipino pa ang tawag noon) sa kurikulum mula elementarya hanggang kolehiyo, publiko man o pribado. Ang resolusyong ito ang nagbunsod sa Patakarang Edukasyong Bilingguwal sa bansa na nagpapagamit ng Pilipino at Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga tiyak na aralin at bilang hiwalay na asignatura sa kurikulum mula elementarya hanggang kolehiyo. Noong 1974, sinimulang ipatupad ang patakarang edukasyong bilingguwal sa bansa. 

Noon namang 1978, iniatas ng Kautusan Pangministri ng Kagawaran ng Edukasyon ang pagkakaroon ng anim na yunit ng Filipino sa lahat ng kurso sa kolehiyo, maliban sa kursong pang-edukasyon na dapat kumuha naman ng 12 yunit. 

Samantala noong Marso 12, 1987, sa isang Order Pangkagawaran BIg. 22 s. 1987, sinasabing gagamitin ang Filipino sa pagtukoy sa Wikang Pambansa ng Pilipinas. Kasunod ito ng pagpapatibay sa Konstitusyon ng 1987 na nagsasaad na ang pambansang wika ng Pilipinas ay Filipino.