Cyberbullying
Sa makabagong panahon kung saan laganap ang paggamit ng teknolohiya, isang uri ng pambu-bully ang nabigyang-daan nito: ang cyberbullying o ang pambu-bully sa kapwa gamit ang makabagong teknolohiya. Ang ilang halimbawa nito ay ang pagpapadala ng mensahe ng pananakot, pagbabanta, o pagtataglay ng masasamang salita maging sa text o e-mail; pagpapalaganap ng mga nakasisirang usap-usapan, larawan, video, at iba pa sa e-mail at sa social media; pag-bash o pagpo-post ng mga nakasisira at walang basehang komento; paggawa ng mga pekeng account na may layuning mapasama ang isang tao; pag-hack sa account ng iba upang magamit ang personal account ng isang tao nang walang pagsang-ayon niya o sa paninira sa may-ari nito; at iba pang uri ng harassment sa pamamagitan ng teknolohiya. Ang mga ito’y karaniwang nagbubunga ng pagkapahiya, pagkatakot, o pagkawala ng kapayapaan sa nagiging biktima nito.
Paano Naiiba ang Cyberbullying sa Harapang Pambu-bully?
Napakalaking tulong ang naibibigay ng cell phone, tablet, computer, at Internet sa tao. Ang social media ay isa ring malaking biyaya lalo na kung pakikipag-ugnayan sa napapalayong kapamilya o kaibigan ang pag-uusapan. Ang Internet ay isa sa pinakamahalagang kagamitan sa ikadalawampu’t isang siglo sapagkat sa pamamagitan nito’y “lumiiiit” ang mundo. Napaglalapit nito, ang magkakalayong magkakapamilya, napupunan nito ang kasabikang makita at makausap ang isang minamahal, at nakatutulong ito upang magawa ang maraming bagay tulad ng pagbili ng mga bagay-bagay, pag-a-apply sa trabaho, paggawa ng transaksiyon sa bangko, at iba pa kahit ika’y nasa bahay lamang at hindi na kailangang lumabas. Nakatutulong din ito nang malaki na paghahanap sa anumang impormasyong mahalaga sa tao.
Subalit sa kabilang banda, napadadali rin ng Internet ang paggawa ng iba’t ibang krimen, panloloko sa kapwa, at paggawa ng maraming hindi mabubuting bagay tulad ng cyberbullying. Para sa isang biktima, mas mahirap at mas matindi ang cyberbullying kaysa sa harapang pambu-bully. Ang harapang pambu-bully ay nangyayari sa isang lugar at isang panahon. Kapag hindi na magkaharap ang bully at ang biktima ay ‘walang pambu-bully na nagaganap. Samantala, ang cyberbullying ay maaaring mangyari nang 24/7. Ibig sabihin, kahit hindi magkaharap ang biktima at ang bully, o kahit natutulog ang biktima, .o nasa loob ng kanyang tahanan, ang cyberbullying ay patuloy na nangyayari. Maaari ding magtago ng kanyang tunay na pagkatao ang nambu-bully upang hindi makilala kung sino siya habang ipinakakalat niya ang anumang bagay na makasisira sa kanyang biktima. Minsa’y mahirap malaman o ma-trace kung sino ang nagpasimula ng pagpapakalat nito. Kapag nai-post o naipadala na sa iba ang mga bagay na ito, napakahirap nang mawala o maihinto ang pagkalat ng mga nakasisirang bagay sapagkat wala nang kontrol ang nag-post sa puwedeng gawin ng bawat makatatanggap o makakikita sa kanyang post. Ang reaksiyon kasi ng makatatanggap ay maaaring huwag pansinin o hayaan na lang, i-delete at huwag patulan, o maaaring i-share rin sa iba na lalong magdudulot ng pagkasira ng biktima dahil sa napakabilis na pagkalat ng mga bagay na naka-upload na sa Internet.
Ano-ano ang Epekto ng Cyberbullying?
Sa cyberbullying ay walang pisikal na pananakit na nangyayari di tulad ng harapang pambu-bully na kung minsa’y humahantong sa pananakit subalit mas matindi ang sakit at pagkasugat ng emosyon o emotional at psychological trauma na maaaring maranasan ng isang biktima ng cyberbullying. May pangmatagalang epekto ito sa tao lalo na kung hindi maaagapan o matutulungang ma-proseso ang damdamin ng isang naging biktima nito. Maaari siyang magkaroon ng mga isyung sikolohikal hindi lang sa kasalukuyan kundi sa mga dar.ating pang panahon.
Naririto ang ilan pa sa mga epekto ng cyber bullying:
- Mga senyales ng depresyon—Ang sugat sa emosyon ay mas matindi pa kaysa pisikal na sugat. Kapag matindi ang emosyonal na trauma dahil sa mga nakasisirang post sa Internet, ang biktima ay nakararanas ng mga sintomas ng depresyon tulad ng hindi maipaliwanag na kalungkutan, hindi makatulog, kawalan ng ganang kurnain, o minsa’y humahantong sa pananakit sa sarili, o pag-iisip na wakasan na ang sariling buhay.
- Pag-inom ng alak o paggamit ng ipinagbabawal na gamot – Ito ay nagiging paraan ng biktima upang makalimot o magkaroon ng tapang o lakas ng loob na harapin ang bully at ang mundo. Madalas, dahil dito’y hindi niya namamalayang nagiging bully na rin siya. Ayon sa mga pag-aaral, ang mga taong nagiging bully sa senior high o sa kolehiyo ay ang mga taong nakaranas ma-bully noong sila ay nasa middle school o high school.
- Pagliban o pag-iwas sa pagpasok sa paaralan—Ito’y isang paraan upang makaiwas sa taong nambu-bully.
- Pagkakaroon ng mabababang marka sa paaralan—Ang madalas na pagliban at kawalan ng konsentrasyon sa pag-aaral dahil sa kakaisip sa nangyayaring pambu-bully ay nagreresulta sa mabababang marka sa paaralan.
- Pagkawala ng tiwala sa sarili o pagkakaroon ng mababang self-esteem—Ang mga a.laala ng panunukso o pananakit ay nagdudulot ng kawalan ng tiwala sa sarili o mababang pagpapahalaga sa sarili.
- Pagkakaroon ng problema sa kalusugan—Karaniwang ang mga bik-tima ng bullying ay nakararanas o nagsasabing sila ay may sakit tulad ng karaniwang ubo, sipon, sakit ng ulo, sakit ng tiyan, at iba pa.
- Pagiging biktima rin ng harapang bullying—Minsan bago pa mangyari o kapag nangyari na ang cyberbullying, ang biktima ay karaniwan ding nagiging biktima ng harapang bullying dahil nawawala ang tiwala niya sa sarili at ang kakayahang gawin ang nararapat upang maipagtanggol ang kanyang karapatan.
Ano na ba.ang Sitwasyon ng Cyberbullying sa Pilipinas?
Ayon sa ulat ng Google Trends, ang ikaapat sa mga bansa sa buong mundo kung saan may pinakamaraming naghanap ng impormasyon ukol sa cyberbullying noong 2013 ay ang Pilipinas. Isa itong indikasyon na ang isyu ng cyberbullying ay isa nang realidad sa ating bansa. Bagama’t sa kasalukuyan ay wala pang opisyal na estadistika ang Pilipinas patungkol sa cyberbullying, sa bansang Amerika ay lumalabas na nasa 9% ng mga mag-aaral sa Grades 6 hangpng 12 ang nakaranas ng cyberbullying noong 2010 at 2011 at noong 2013, tumaas sa 15% ang mga mag-aaral sa Grades 9 hanggang 12 na nakaranas ng cyberbullying.
Sa sarbey na isinagawa ng www.stopcyberbullying.org, ang sumusunod ang isinasagawa ng mga nagiging biktima ng cyberbullying:
- 36% ang nagsabi sa bully na huminto sa pambu-bully niya
- 34% ang gumawa ng paraan upang mahadlangan ang komunikasyon sa bully 34% ang nagsabi sa mga kaibigan ukol sa pambu-bully
- 29% ang walang ginawang anuman ukol sa pambu-bully
- 28% ang nag-sign-ofiline 11% lang ang nagsabi sa magulang ukol sa nangyayaring cyberbullying
Ano ang Maaaring Gawin ng Isang Taong Nabiktima ng Cyberbullying?
Ang cyberbullying, tulad din ng iba pang uri ng bullying ay nagkakaroon ng matitinding epekto sa buhay at pagkatao ng biktima kaya ipinapayo ng mga ekspertong hindi dapat basta manahimik lang ang sinumang nakararanas ng ganitong pangyayari sa buhay. Ipinapayo ni Sonnie Santos, isang eksperto sa cyberbullying ang pagsasagawa ng alinman sa sumusunod, depende sa sitwasyon o pangangailangan.
- Laging kunan ng screenshot ang mga nakasisirang mensahe at i-save ito para magamit bilang ebidensiya o katibayan sa ginawang pambu-bully.
- Ipaalam sa mga kapamilya ang mga pangyayari o pag-atake.
- I-report sa awtoridad tulad ng guro o guidance counselor kung sa paaralan ito nangyayari o sa Human Resources kung ang pambubu-bully ay nangyayari sa trabaho.
- I-report sa pamunuan ng social media (tulad ng Facebook o Twitter) ang nangyayari upang magawan nila ng karampatang hakbang.
- Magpalit ng numero ng telepono kung cell phone ang ginagamit sa pag-atake o pambu-bully.
- I-deactivate ang lahat ng social media account at huwag munang mag-online pansamantala. Gayumpaman, magtalaga ng kapamilya o kaibigang magmo-monitor sa mga pangyayari sa online.
- Sumangguni sa propesyonal na tagapayo kung kinakailangan.
- Suportahan ang mga grupong nagla-lobby para sa isang batas patungkol sa cyberbullying o harassment para sa lahat at hindi lang para sa kabataang wala pa sa tarnang gulang. Kaugnay nito, isang batas ang ipinasa sa mababang kapulungan ukol sa pagpaparusa sa mga taong nasasangkot sa cyberbullying gamit ang social media. lto ang Social Media Regulation Act of 2014 na ipinasa ni Leyte Rep. Sergio Apostol upang matulungan ang mga biktima ng pambu-bully gamit ang social media. Sa nasabing batas, ang tao o mga taong mapatutunayang nagkasala ng cyberbullying ay mapapatawan ng mula anim hanggang labindalawang taong pagkabilanggo. Maaari din silang magmulta ng mula PHP30,000 hanggang PHP50,000.
Kung sakaling mabiktima ng cyberbullying, gumawa ng mga hakbang upang mahinto ito. Huwag basta manahimik at sa halip ay magsuplong sa kinauukulan. Maaaring makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation sa ccd@nbi.gov.ph o tumawag sa telepono bilang 521-9208 local 3429 (para sa kaniIang hepe) o sa 3497 (para sa mga kawani).
May Pag-asa pa bang Makabangon mula sa Cyberbullying?
Ang pagiging biktima ng cyberbullying ay hindi katapusan ng mundo. Maraming biktima ang nagtagumpay na malampasan ang ganitong kalagayan sa sarili nilang pagsisikap, matibay na pananalig sa Diyos, at sa tulong ng mga taong nagmalasakit upang sila’y muling makabangon mula sa masakit na karanasan. Isa sa mga ito si Paula Jamie Salvosa, ang babaeng binansagang “Amalayer girl” nang makunan ng video ang pasigaw niyang pakikipagtalo sa babaeng guwardiya ng LRT habang paulit-ulit niyang sinasabi ang “Do you think I’m a liar.” Nang mai-post ang videong ito ay naging viral ito sa Internet at umani ng napakaraming bashing ang “Amalayer girl.” Halos hindi niya nakayanan ang mga pangungutya, gaIit, at pagbabantang natanggap mula sa mga netizen na nakapanood ng video. Nahusgahan ang -kanyang pagkatao nang dahil sa video at ang pangyayaring ito ay bumago sa takbo ng kanyang bhay. Masakit ang pinagdaanan niya subalit napatunayan niyang ang panahon nga ang pinakamabisang lunas. Sa paglipas ng panahon ay unti-unting nalimot ng tao ang pangyayari at kasabay nito’y unti-unti rin siyang nakabangon sa mapait na karanasan. Ngayon siya’y aktibo sa kanilang simbahan at nangangaral ng salita ng Diyos. Marami pang ibang tulad ni Salvosa na nabiktima rin ng cyberbullying ang nakabangon at nabigyang-pagkakataong ipagpatuloy ang kanilang buhay.