Ibinagsak ni Jose sa sofa ang kaniyang katawan nang makauwi sa kanilang bahay. Pumikit siya at ipinagpag ang kunsomisyong dulot ng trapik. Ito nga at nagpapapansin sa kaniya ang patong-patong na mga aklat na kailangan niyang basahin para sa nalalapit na pagsusulit. Nang matanggal ang mga “kanegahang” tumataklob sa kaniya, dumiretso sa banyo si Jose at naligo. Habang sinasabon at hinihilod niya ang mga singit-singit ng kaniyang katawan upang tunawin ang mga kumapit na alikabok at mga namuong libag, iniisip niya ang mga imaheng nakita niya pauwi. Malinaw na malinaw pa rin sa kaniya ang hitsura ng nanggagalaiting katabi, ang amoy ng kaniyang nanlilimahid nang panyo, ang makapunit-ear drum na tili ng dalawang bata, ang tamis ng nginangatang kendi, at ang namamanhid nang hita at binti sa tagal na pagkakaupo. Paano mo itutula o ikukuwento ang karanasang ito ni Jose? Ano ang kailangan mo? Sa pagsulat ng malikhaing akda, ikaw ang may hawak at kontrol sa salita. Nakasalalay ang kahusayan ng akda sa kung paano ginagamit ang salita. Kaya kailangang magsanay sa paggamit ng lengguwahe: pagbuo ng imahen, paggamit ng tayutay, at diksiyon.
Pagbuo ng Imahen
Ang epektibong pagbuo at paggamit ng imahen ay isa sa mga paksang karaniwang inaaral ng mga bagong manunulat. Ano ba ang imahen? Ang imahen ay salita at pahayag na nag-iiwan ng kongkreto at malinaw na larawan sa isipan ng mga mambabasa. Hindi lamang ito tungkol sa simpleng paglalarawan ng isang tao, bagay, o pangyayari. Ito ay paglalarawang nagbibigay-kulay sa inilalarawan at bumubuhay sa naratibo.
Idinisenyo ang imahen upang paigtingin ang paningin, pang-amoy, pandinig, panlasa, at pandama ng mambabasa. Masasabing mahusay ang pagbuo at paggamit ng imahen kapag nadadala ang mambabasa sa mundo ng tula o kuwentong binabasa.
Paano ito matatamo?
1. Gawing kongkreto ang abstrak.
lsa sa mga gabay para sa mga manunulat ang kasabihan sa malikhaing pagsulat na “show, don’t tell.” Huwag mong sabihin, ipakita mo. Sa malikhaing pagsulat, sinasabing mas may kapangyarihan ng unibersalidad ang kongkretong imahen kaysa abstraktong imahen (Thiel, 2005).
Halimbawa, mas epektibo kung gagamitan ng deskriptibong lengguwahe ang ligayang naramdaman ng tauhan nang malamang putnasa siya sa bar exam. Walang dating sa mambabasa ang pahayag na, “Masaya siya nang malamang pumasa siya sa pagsusulit.” Mas mainam kung isusulat ito nang, “Muntik nang gumuho ang gusali nang tumili si Rica nang makita niya ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga pumasa sa bar exam.”
2. Paigtingin ang pandama.
Lahat ng mahusay na malikhaing akda ay nakabatay sakaranasang nakabatay sa pandama. Kapag sinabing imahen, tumutukoy ito hindi lamang sa kung ano ang nakikita, kundi sa kung ano ang naririnig, nalalasahan, naaamoy, at nararamdaman. Masasabing mahusay ang pagbuo ng imahen kung nagpapakita ito ng pamilyar, ngunit bagong karanasan.
Sa paglalarawan ng malakas na ulan, halimbawa, masasabing wala nang dating ang pahayag na ito: “Nakabibingi ang patak ng ulan sa mga bubong ng bahay.” Hindi ito nakabibingi. May sariling ideya ang mga mambabasa sa tunog at hitsura ng patak ng ulan sa mga bubong, ngunit gusto nilang marinig at makita ang naririnig at nakikita ng tagapagsalaysay. Mas may dating ang mga pangungusap na ito mula sa nobelang Unang Ulan ng Mayo ni Ellen Sicat:
Magandang halimbawa rin ng pagbuo at paggamit ng imahen ang saknong na ito mula sa tulang “Ale-aleng Namamayong” ni Julian Cruz Balmaseda. Malinaw na malinaw ang paglalarawan sa isang modernong Pilipina noong dekada 1920:
Ale-aleng namamayong! Kung ikaw po ay mabas
Ay tutulas pati pulbos na pahid sa iyong mukha;
Ang baro mong bagong pinsa’y sapilitang manlalata’t
Ang puntas ng kamison mo ay sa putik magsasawa . . .
At pati ang butitos mo, ang kintab ay mawawala
Pag naglunoy na sa agos ng tubig na parang baha.
Isa rin sa mga pinakagamiting halimbawa ang Imagist na tulang “In a Station of the Metro” ni Ezra Pound:
The apparition of these faces in the crowd;
Petals on a wet, black bough.
Ang tulang ito ay binubuo ng 30 Iinya noong una itong isulat ni Pound. Ngunit binakias niya ito at ang natira na lamang ay ang sinematikong imahen ng dalawang linyang binubuo ng 14 na salita. Ipinakikita dito na hindi kailangang gumamit ng maraming salita sa paghuli, pagbuo, at paggamit ng imahen. Ito ang sinasabing ekonomiya ng salita sa pagsulat.
3. Gumamit ng simbolo.
Gamit ang isang imahen, nagagawa ng manunulat na magpahayag ng higit sa isang diwa. Ang baha, sunog, kagubatan, karagatan, at takipsilim ay ilan lamang sa mga unibersal na simbolo. Ang baha ay parehong sumisimbolo ng pagkasira at paglikha; ang sunog ay nagbibigay ng init at buhay ngunit may kapangyarihan din itong manira at kumitil ng buhay; ang kagubatan at karagatan ay nagpapakita ng kagandahan at karahasan ng kalikasan; at ang takipsilim ay simbolo ng halalapit na pagyao.
Sa paggamit ng simbolo, umiwas sa mga cliche sa mga gasgas o pinagsawaan nang simbolo, katulad ng mga halimbawang ibinigay (takipsilim at iba pa). Mainam kung makagagamit ng mga hindi pa masyadong ginagamit tulad ng mga sumusunod:
- Ang namamawis na pitsel dahil sa laman nitong nagyeyelong tubig ay hindi lamang inuming pamatid ng uhaw, kundi simbolo ng nasisirang relasyon.
- Ang biyak sa dingding ng bahay kung saan labas-pasok ang mga itim na langgam ay senyales ng isang dysfunctional na pamilya.
- Ang palakang luwa ang bituka matapos masagasaan ng rumaragasang traysikel ay maaaring simbolo ng coming-of-age ng isang nagbibinata nagdadalaga.
Paggamit ng Tayutay
Iba ang sinasabi sa paraan ng pagkakasabi, at sanalikhaing pagsulat, malaki ang halagang ibinibigay sa huli. Masasabing maaaring mawalan ng epekto ang mensaheng nais ipahayag kung hindi masining ang paraan ng pagpapahayag nito.
Gumagamit ang mga manunulat ng tayutay upang mapanatili o mapaigting ang bisa nito. Bukod dito, ginagamit din ang tayutay upang maging mas marikit at makulay ang tula o kuwento. Ang mga sumusunod ay ilang uri ng tayutay at mga halimbawa nito:
Apostrope
Dito, kausap ng isang tao ang mga bagay na hindi naman karaniwang kinakausap.
Halimbawa:
- Ulan, ulan, huwag ka munang magparamdam.
- Walang kaparis ang sarap mo. (kausap ang iniinom na kape na mula sa Benguet)
- Huwag mo akong ipahihiya sa mga estudyante ko, ha. (kausap ang USB)
- Kaya ilipad mo, Gabing walang maliw / Ang ilaw at hamog ng aking paggiliw (mula sa “Gabi” ni Ildefonso Santos)
Personipikasyon
Binibigyan dito ng katangian ng tao ang mga bagay na walang buhay, kasama na ang mga halaman.
Halimbawa:
- Namaos sa kabubusina ang dyip ni Armando.
- Sumisipol na ang takure.
- Nagtampo sa kaniya ang mga tanim na orkidyas.
- Lulusong ang kalabasa sa pusali / Gagapang ang apoy kahit di utusan (mula sa “Iginuhit” ni Rio Alma)
Pagtutulad/pagwawangis o simile
Inihahambing dito ang magkakaibang bagay, tao, hayop, o pangyayari gamit ang mga katagang parang, katulad ng, tila, at iba pa.
Halimbawa:
- Parang kahoy si Keanu kung umarte sa pelikula.
- Parang manok kung kumain si Lena.
- Singganda ni Venus si Andrea.
- Para ng halamang lumaki sa tubig / daho’y malalanta munting ‘di madilig (mula sa “Florante at Laura” ni Francisco Balagtas)
Metapora
Tiyak ang paghahambing dito at hindi na gumagamit ng parang, katulad ng, tila, at iba pa.
Halimbawa:
- Si Angelo ang kanser sa kanilang magkakaibigan.
- Siya ang haligi ng kanilang tahanan.
- Si Robert ang tinik sa lalamunan ni Julio.
- Bahaghari’y hagdan sa lupang-pangako (mula sa “Ang Daan” ni Amado V. Hernandez)
Pagmamalabis
Ginagawa nitong eksaherado ang mga paglalarawan.
Halimbawa:
- Umabot hanggang highway ang kaniyang buhok dahil sa dami ng nanliligaw sa kaniya.
- Tinubuan na ng mga ugat at sanga (namumulaklak pa nga!) ang mga binti ko sa kahihintay sa kaniya.
- Pumalakpak ang tainga niyang sinlaki ng sa elepante nang makasagap ng mainit-init pang tsismis.
- Sumisid sa dagat ng katas at pawis (mula sa “Sa bath house” ni Romulo P. Baquiran, Jr.)
Pagpapalit-tawag
Ito ang pagbibigay ng ngalan sa isang bagay gamit ang ngalan ng bagay na kaugnay nito.
Halimbawa:
- Simbahan (relihiyon)
- Korona (kaharian)
- Hollywood (pelikulang Amerikano)
- Tulog ang panlaban sa bitukang naghahamon. Panaginip ang tugon sa bungangang walang malamon. (mula sa Mondomanila ni Norman Wilwayco)
Pagpapalit-saklaw
Ito ay isang uri ng pagpapalit-tawag na ang bahagi ay tumutukoy sa kabuuan.
Halimbawa:
- Coke (softdrinks)
- Puting buhok (matanda)
- Wheels (sasakyan)
- At ang balang bibig na binubukalan /Ng sabing magaling at katotohanan (mula sa “Florante at Laura” ni Francisco Balagtas)
Balintuna
Ang balintuna ay nagsasalungatang pahayag na maaaring may katotohanan.
Halimbawa:
- Sa pagbuo, kailangan ang pagbaklas.
- Ang digmaan ang solusyon upang makamit ang kapayapaan.
- Kailangan mong mamatay upang muling mabuhay.
- “Malayo man, malapit din / Nagbibigay sigla sa damdamin” (mula sa “Malayo Man, Malapit Din” ni Bayang Barrios)
Pagtatambis
Ito ay pariralang binubuo ng dalawang magkasalungat na salita.
Halimbawa:
- Orihinal na kopya
- Magulong organisasyon
- Detalyadong balangkas
Diksiyon
Ang diksiyon ay isa sa mga isinasaalang-alang ng mga makata at kuwentista sa kanilang paglikha. Sa simpleng pakahulugan, ang diksiyon ay ang mga salita, parirala, o pahayag na pinipiling gamitin ng manunulat. Isa ang diksiyon sa mahahalagang elemento ng panitikan dahil ginagamit ito sa pagpapahayag ng aksiyon, paglalarawan ng lunan, pagpapakilala ng tauhan, pagtukoy ng tema, paghuhudyat ng atityud, at iba pa. Ginagamit din ito bilang pantulong sa pagbuo ng tono ng kabuuang akda.
Halimbawa, sa unang tingin, pareho lamang ang ibig sabihin ng mga salitang bahay, tahanan, tirahan, at tinutuluyan. Ngunit maaaring mag-iba ang kahulugan ng mga ito depende sa konteksto. Kung ang persona o pangunahing tauhan ay may mapagmahal at mapagkalingang pamilya, maaaring “Sa tahanan kung saan ako lumaki” ang isusulat ng awtor. Kung siya naman ay hindi ganoon kalapit sa kaniyang pamilya, maaaring “Sa bahay kung saan ako lumaki” ang pipiliin ng manunulat. Ang “tirahan” ay lugar lamang kung saan nananatili ang tao, samantalang ang “tuluyan” ay kung saan pansamantalang nananatili ang tao. Iba pang halimbawa:
- payat, seksi, patpatin, slim, tingting na nagkatawang tao, simpayat ni Kim Chiu
- mataba, malusog, mabilog, mapintog, chubby, obese, lumba-lumba, elepante
- kumain, tumikim, lumamon
- matakaw, masiba, patay-gutom
- ama, tatay, tatang, itay, papa, papang, dad, daddy
- mahirap; dahop; dukha; isang kahig, isang tuka; poor; Purita Kalaw-Ledesma
May ilang nagsusulat sa Ingles (partikular sa mga akdang historikal o pantastiko) na gumagamit ng mga lumang salita tulad ng thee, thy, at wherefore upang patingkarin ang Shakesperean na tono ng kanilang akda. Sa kaniyang serye ng mga nobela, nag-imbento si George R. R. Martin ng mga salitang tulad ng Maester at Ser para sa nilikha niyang mundo sa A Song of Ice and Fire. Ang diksiyon naman sa seryeng Harry Potter ni J. K. Rowling ay inangkop sa mga batang mambabasa, samantalang ang target na mambabasa ng erotikang Fifty Shades of Grey ni E. L. James ay nakatatanda kaya ang mga salitang ginamit ay angkop sa kanilang edad at karanasan.
Sa humor writing nina Bob Ong, Marcelo Santos, Eros Atalia, Beverly Siy, at Joselito delos Reyes, mapapansing pang-araw-araw na lenggLiwahe ang kanilang ginagamit—impormal, kolokyal, balbal, at minsan ay bulgar. Magaan at karaniwan ang mga salita at pahayag dahil ang layunin ay magpatawa. Hindi magtatagurnpay ang mga akda sa kanilang layunin kung napakaseryoso ng mga pahayag. Tiyak na hindi papansinin ang mga ito.
Ihambing ang diksiyon sa mga akdang ito sa mga akdang ang namamayaning tono ay lungkot, pagdurusa, at pighati. Karaniwang mabigat, pormal, at seryoso ang lengguwaheng ginagamit ng mga awtor upang pukawin ang damdamin ng mga mambabasa. Kailangang maging maingat ang manunulat sa diksiyon. May mga mambabasang patulo na ang luha sa binabasa ngunit biglang magbabago ang diksiyon. Ano ang nangyari? Bakit biglang gumaan ang eksena? Bakit biglang nagpatawa ang persona sa isang linya ng tula? Sa mga pagkakataong tulad nito, maaaring mapakamot lamang ng ulo ang mambabasa, o kaya naman ay itigil na ang pagbabasa ng akda dahil sa inis.