Ano ang iba’t ibang tungkulin ng wika na tumutugon sa pangangailangan ng tao? Bakit mahalaga ang panlipunang konteksto sa makabuluhang paggamit ng wika? Paano makatutulong sa akademiko at praktikal na larang ng pang-araw-araw na paggamit ng wika ang pag-unawa sa mga tungkulin nito? Tatalakayin sa bahaging ito ang mahahalagang katanungang ito kaugnay sa instrumental, regulatori, at heuristikong tungkulin ng wika.
Anomang wika ay may tungkuling tumugon sa pangangailangan ng tao at lipunang kinabibilangan nito. Halimbawa, hindi lubos na mauunawaan ang baryasyon ng wika kung ang pag-aaralan lamang ay ang mga lingguwistikong estrukturang bumubuo rito, at isasantabi ang mga di-lingguwistikong pangyayari o pagkakataon na nagbunsod sa pagsulpot nito bilang panlipunang gamit at produkto ng isang layunin sa komunikasyon. Sa ganitong diwa, mailalapat ang prinsipyo ng dulog-sa-gamit (functional approach) na pag-aaral sa wika na ipinanukala ni Halliday (1973), mula sa pagpapalawak at pagpapaunlad ng mga naunang teorya nina Malinowski (1923), Firth (1957), at iba pa.
Ipinapalagay ni Malowski na ang wika ay repleksiyon ng panlipunang pangangailangan at konteksto (sa Hasiett 2008). ibig sabihin, ang silbi at tungkulin ng wika ay nalilikha alinsunod sa papel na ginagampanan nito sa isang partikular na kultura. Halimbawa, may mga salita sa Filipino na sensitibong ginagamit bilang konsiderasyon sa kultural na aspekto ng pakikipag-ugnayan. Gaya na lamang ng pag-uutos, gumagamit tayo ng “paki” bilang pagpapakita ng paggaiang at mabuting pakikitungo. Ang paggamit ng “po” at “opo” ay mga katagang nakabatay sa kultural na aspekto ng ating wika at walang kinalaman sa estruktura. Kultural din ang lohika sa paggamit ng “kayo” at “sila” na estruktural na tumutukoy sa maramihan ngunit sa ilang pagkakataon ay ginagamit bilang pananda sa pagpapakita ng paggalang. Maihahambing ito sa kultura ng mga Espanyol sa paggamit ng tu (pamilyar na ikaw) at usted (magalang na pagtukoy sa ikaw).
Makikita naman sa prinsipyo ng sitwasyonal na konteksto ni Firth (1957) ang paglalara-wan sa kahulugan na nakabatay sa paggamit ng wika sa tiyak na konteksto. Inilahad niya ang proseso ng pormal na paglalapat nito:
- pagsusuri sa mga kalahok (kabilang ang kanilang mga makabuluhang berbal at di-berbal na pahayag);
- makabuluhang bagay at di-berbal na pangyayari o pagkakataon sa isang tiyak na konteksto; at
- epekto ng mismong mga pahayag.
Masusuri sa panukalang proseso sa paglalapat ng teorya ni Firth ang halaga ng obserbasyon na nakabatay sa mga natural at karaniwang sitwasyong komunikatibo upang maunawaan ang makabuluhang gamit ng wika at epektibong proseso sa pag-aaral nito.
Ganito rin ang naging batayan ni Halliday (1978) sa sariling eksplorasyon ng dulog-sa-gamit na paraan ng pag-aarai ng wika at pagpapanukala ng teorya ukol sa panlipunang tungkulin ng wika na natuklasan niya sa simpleng obserbasyon sa mga yugto ng pagtatamo ng wika ng isang bata. Sa obserbasyon ni Halliday, nabuo niya ang pitong tungkulin ng wika bataysa iba’t ibang yugto ng pagkakagamit ng isang bata.
Napansin niya na ang isang bata ay may hakbang-hakbang na yugto ng kakayahan sa paggamit ng wika samantalang ang nakatatanda ay may kakayahan nang ilapat ang maraming tungkulin na ito. Nagsisimula ang isang bata sa yugto na ginagamit niya ang wika upang magpahayag ng kaniyang pangangailangan, na tutungo sa pag-uutos at pagkontrol sa mga tao sa kaniyang paligid, hanggang sa may sapat siyang kakayahan para magtanong-tanong upang tumuklas.
Naniniwala si Halliday na may gampanin ang wika sa pagbubuo ng panlipunang realidad at mahalaga ang panlipunang gamit nito sa pagbibigay-interpretasyon sa wika bilang isang sistema. Ibig sabihin, ang wika bilang potensiyal sa pagpapakahulugan ay naisasagawa sa pamamagitan ng pagsusuri sa partikular na panlipunang seting ng komunikasyon.
Instrumental
May instrumental na tungkulin ang wika kung layunin nitong makipagtalastasan para tumugon sa pangangailangan ng tagapagsalita. Ginagamit ang wika para tukuyin ang mga preperensiya, kagustuhan, at pagpapasiya ng tagapagsalita. Sa aktuwal na karanasan, karaniwang instrumental ang amit ng wika para sa paglutas ng problema, pangangalap ng materyales, pagsasadula, at panghihikayat. Kailangang gamiting mabisa ang instrumental na gamit ng wika sa pamamagitan ng paglilinaw at pagtitiyak ng pangangailangan, naiisip, o nararamdaman. Halimbawa, alin sa dalawang pahayag ang naglilinaw ng mensahe ng ninanais na pakikipaghiwalay?
- Sa palagay ko, kailangan na nating magpahinga muna.
- Sa akin, gusto ko munang makipaghiwalay.
Sa unang pahayag, hindi mabisang nailapat ang instrumental na tungkulin ng wika sapagkat hindi ito naglilinaw ng tiyak na kagustuhan at pangangailangan ng tagapagsalita, hindi gaya ng ikalawa na may tiyak na paggamit ng pahayag na”gusto ko…” upang sapat an makatugon sa hinihingi ng tagapagsalita. Sa kabilang banda, maaari ding ituring na mabisa ang pahayag kung ginamit ito sa angkop na sitwasyon at layunin sa pakikipagkapuwa.
Regulatori
May regulatori na tungkulin ang wika na may kakayahang makaimpluwensiya at magkontrol sa pag-uugali ng iba. Magagamit ng tagapagsalita ang kapangyarihan ng wika upang makapanghikayat, mag-utos, at humiling sa kaniyang kausap o sinoman sa kaniyang paligid. Madalas, may negatibong konotasyon ang ideya ng pagkontrol, ngunit maaari namang isagawa ito sa positibong paraan ng angkop na paggamit ng wika. Kailangang maging malinaw na ang anomang uri ng komunikasyon ay makapangyarihan; maaaring positibo ngunit maaari ding maging negatibo ang implikasyon sa kapuwa tagapagsalita at tagapakinig. Halimbawa, sa berbal na komunikasyon, maaaring gamitin ang regulatori na tungkulin ng wika upang positibong hikayatin ang isang tao kung unang babanggitin ang kaniyang mga kalakasan; maaari din namang makasakit kung iinsultuhin ang isang tao dahil sa kaniyang mga limitasyon. Bagaman, maaari din naman talaga nating tulungang umunlad ang isang tao kung ipapaabot natin sa kaniya ang mga kahinaan niya para mabigyan ng pagkakataong mapagpabago at umunlad.
Maaaring gamitin ang regulatori na tungkulin ng wika sa mga aktuwal na karanasan ng pagbibigay ng panuto, batas, at pagtuturo. Halimbawa sa ideolohiya ng mga negosyante at kapitalista, ginagamit nila ang wika sa mga patalastas upang makapanghikayat at impiuwensiyahan ang mga konsyumer na bilhin ang produkto dahil nililikha nila sa isip ng kausap ang pangangailangan nila sa produkto (kailangan mo ito…) at nag-uutos na gayahin o gamitin ang kanilang produkto (gawin mo ito…) para sa interes ng kapital. Suriin ang mga tag line ng patalastas ng produktong inumin kung paano inilalapat ang regulatori na tungkulin ng wika sa kanilang tag line. Ano ang epekto sa iyo ng mga patalastas na ito? Paano ka kinokontrol ng mga ginagamit na tag line nito?
Buksan mo ang Sorpresa!
Pinoy Soda: Mauhaw ka sa Inggit!
Heuristiko
Kapag ginagamit ang wika sa pag-aaral at pagtuklas upang makapagtamo ng kaa-laman ukol sa kapaligiran, nagiging heuristiko ang tungkulin ng wika. Sumusulpot ang ganitong heuristikong tungkulin ng wika sa mga pagkakataong nagtatanong, sumasagot, o dumadaloy ang isang pamumuna bilang pagkilos ng isang bata o indibidwal. Maaari din na sumulpot sa paraan ng pag-alam sa mga bagay-bagay, pagdududa, o palagay. Sa aktuwal na karanasan, maaaring makita ang tungkulin ng wikang heuristiko sa mga gawain ng imbestigasyon, pagtatanong, at pananaliksik. Halimbawa ng mga pahayag na nagpapakita ng heuristikong tungkulin ng wika ang, “Anong nangyari?””Para saan?” “Bakit mo ginawa iyon?” “Sabihin mo sa akin kung bakit?” at “Ano ang ginagawa ng mga taong gobyerno?”
Sa pang-araw-araw mong pamumuhay, paano mo nga ba nagagamit ang mga nabanggit na tungkulin ng wika?