Interaksiyonal, Personal, at Imahinatibong Tungkulin ng Wika

Ayon kay Halliday (1973), ang pagkatuto ng wika ay pagkatuto kung paano bumuo ng kahulugan. Sa ganitong prinsipyo, mahalaga ang potensiyal sa pagpapakahulugan batay sa konteksto at gamit. Sa pananaw ng sistematikong lingguwistika, nasa pundasyon ng wika ang kultural at panlipunang anyo bunga ng kultural at panlipunang proseso na lumilikha ng kahulugan sa isang umiiral na kultura.

Ang konsepto ng “potensiyal sa pagpapakahulugan” ni Halliday ay naniniwalang ang wika ay isang set ng tiyak at magkakaugnay na sistema ng mga semantikong pagpipilian na mauunawaan sa pamamagitan ng pananalita o leksikogramatikal na estruktura ng bokabularyo at sintaks. Kung gayon, hindi maihihiwalay ang kultura at lipunan sa pagpa-pakahulugan ng mga pahayag.

Maraming pang-araw-araw na gawain ang tao na nagpapakita ng iba’t ibang sitwasyon at gawain na may limitadong gamit ang wika sa tiyak na panlipunang konteksto. May tinatawag na transaksiyonal na kahulugan at funsiyonal (tungkulin) na konteksto. Transaksiyonal ang pagpapakahulugan ng dalawang taong nag-uusap sa magkabilang linya ng telepono ngunit ang panlipunang estruktura na nagtatakda ng wastong pagsisimula at pagtatapos ng isang pag-uusap ay malinaw na nagkokonsidera sa kontekstwal na tungkulin ng wika. 

Sa madaling salita, ang wika ay isang moda ng pag-uugali at hindi isang purong elementong panggramatika. May paniipunang papel na ginagampanan ang wika upang maglinaw ng kahulugan batay sa mga aktuwal na sitwasyon at natural na tungkulin nito upang tuniugon sa mga tiyak na layunin at panlipunang konteksto. 

Kapag nagbubukas ng interaksiyon o humuhubog ng panlipunang ugnayan, ang wika ay may interaksiyonal na tungkulin. Ang wika ay may panlipunang gampanin na pag-ugnayin ang isang tao at ang kaniyang kapuwa sa paligid. Ang “ako” at “ikaw” na tungkulin ng wika ay lumilikha ng mga panlipunang ekspresyon at pagbati upang bumuo ng interaksiyon at palakasin ang layuning makipagkapuwa gaya ng, “Mahal Kita,” “Kamusta?” “Nanay,” at “Mabuhay!” 

Mabisang matatamo ang mahusay na interaksiyon sa pamamagitan ng estratehiyang interaksiyonal gaya ng paggamit ng mga katangiang di gumagamit ng salita, tulad ng kilos, tuon ng mata, at pagwiwika ng katawan (mga muwestra o galaw ng kamay, pagkiling-kiling ng ulo, at iba pang mga kilos). Gayundin, nagpapatuloy ang epektibong interaksiyon kung paiba-iba ang eskpresyon, tono, at intonasyon na nagpapahiwatig ng interes sa pakikipag-usap.

Pinalalakas ng interaksiyonal na tungkulin ng wika ang pagbubuo ng ugnayan sa isang lipunan. Nagsisilbing gampanin naman ng personal na tungkulin ng wika ang palakasin ang personalidad at pagkakakilanlan ng isang indibidwal. Ginagamit ng isang tao ang wikang personal upang ipahayag ang kaniyang mga personal na preperensiya, saloobin, at pagkakakilanlan. Mahalaga naman ang imahinatibong tungkulin ng wika upang ipahayag ang imahinasyon at haraya, maging mapaglaro sa amit ng mga salita, lumikha ng bagong kapaligiran o bagong daigdig. Sa pagsulat ng mga malikhaing komposisyon, gumagamit ng tayutay at iba pang estratehiya upang matupad ang layon ng mapang-akit na komunikasyon. Ang paglikha ng mga popular na pick-up lines halimbawa ay nagpapakita ng malikhaing gamit ng wika upang magpatalas ng isang ipinahihiwatig na kahulugan at damdamin. Halimbawa: “Password ka ba? – ‘Di kasi kita makaiimutan.” “Papupulis kita! – Ninakaw mo kasi ang puso ko.”