Hindi mapasusubalian na malaki ang papel na ginagampanan ng wikang Filipino sa pagbuo ng isang pambansang identidad 0 kaakuhan ng Pilipinas, lalo na sa napapanahong konsepto ng globalisasyon at integrasyon ng ASEAN. Mahalagang mabuo muna ang identidad ng isang bansa bago ito lumahok sa proseso ng globalisasyon at intergrasyon. Kung hindi, malamang mapailalim ito sa mga higit na makapangyarihang wika at kulturang nananaig ngayon sa pandaigdigang lipunan.
Sinasabing sa kalagayang pangwika, pangkultura, at pang-ekonomiya ng Pilipinas sa kasalukuyan, mahihirapan pa tayong makapantay sa ibang malalaking bansa. Upang higit nating maunawaan ang papel na gagampanan at pati na rin ang mga Suliraning kinahaharap ng wikang Filipino sa pagbubuo ng pambansang kamalayan, talakayin natin ang mga piling sitwasyong pangwika sa ating bansa.
Sa modyul na ito, mababasa mo ang dalawang pag-aaral hinggil sa wika. Suriin at pag-aralang mabuti ang nais ipamulat sa mga Pilipino ng dalawang artikulong ito.
Basahin ang teksto sa ibaba na binigkas ni Epifanio San Juan Jr. sa isang panayam sa Ateneo de Manila University noong 2008. Suriin ang nilalaman nito at tingnan kung paano ginamit ang wikang Filipino upang lubusang maunawaan ang mensahe niya hinggil sa paksang nauukol sa wika.
INTERBENSIYON SA USAPIN NG PAMBANSANG WIKA SA PILIPINAS
Epifanio San Juan, Jr.
(Panayam sa Ateneo de Manila University, Marso 12, 2008)
Sa kasalukuyang matinding sigalot sa bansa, anumang talakayan hinggil sa wika ay tiyak na magbubunsod sa isang away o maingay na pagtatalo. Kahawig nito ang usapin ng kababaihan. Laging matinik ang isyu ng pambansang wika, isang sintomas ng pinaglikom na mga sakit ng body politics. Tila ito’y isang mitsang magpapasabog sa pinakabuod na mga kontradiksiyong bumubuo sa istruktura ng lipunang siyang nakatanghal na larangan ng digmaan ng mga uri at iba’t ibang sektor.
Lalong masahol siguro kung sabihin kong nasa panig ako ng mga nagsususog sa isang pambansang wikang tinaguriang “Filipino.” Tiyak na tututol ang mga Sebuano, llokano, llonggo, mga alagad ng Taglish o Ingles, o Filipino-Ingles. Ngunit hindi ito maiiwasan, kaya tuloy na tayong makipagbuno sa usaping ito upang mailinaw ang linya ng paghahatit paglilinaw, at sa gayo’y makarating sa antas ng pagtutuos.
Saan mang lugar, ang usapin ng pambansang wika ay kumakatawan sa pagtatalo tungkol sa mahahalagang usapin sa politika at ekonomiya. Buti naman, hindi pa tayo nagpapatayan sa ngalan ng wika, tulad ng nangyayari sa India at iba pang bansa. Marahil, napapahinahon ang bawat isa kung Ingles, ang wika ng dating kolonisador, ang wika ng globalisasyon ngayon, ang ating gagamitin. Di ko lang tiyak kung maiging magkakaunawaan ang lahat sapagkat ang pagsasalin o translation, kalimitan, ang siyang nagbubunga ng karagdagang gulo. Ngunit ang pagbaling sa Ingles ay pagsuko lamang sa dominasyon ng kapangyarihang global sa ilalim ng kasalukuyang hegemon, ang Estados Unidos. Ang makalulutas ng krisis, sa tingin ko, ay isang pakikisangkot sa nangyayaring labanang pampulitika at pang-ideolohiya, lalo na ang pakikibaka tungo sa tunay na kasarinlan at demokrasyang popular, sa gitna ng dominasyon ng mga mayayama’t makapangyarihang bansa sa Europa, Norte Amerika, Hapon, at iba pa.
Bagamat mula pa noong panahon ni Quezon hanggang sa ngayon, ang isyu ng “pambansang wika” ay naipaloob na sa Konstitusyon, bumangon ito muli na tila mga kaluluwang uhaw sa dugo. Maireresolba lang ang isyung ito kung may tunay na soberenya na tayo, at namamayani ang kapangyarihan ng nakararami, mga pesante’t manggagawa, at nabuwag na ang poder ng mga may-aring kakutsaba ng imperyalismo. Sa ngayon, walang kalutasan ito, sintomas ng bayang naghihirap, hanggang ang relasyong sosyal ay kontrolado ng naghaharing uri, lalo na ng mga komprador at maylupang pabor sa Ingles, wikang may prestihiyo at kinagawiang wika sa pakikipag-ugnay sa kanilang mga patrong Amerikano, Hapon, Intsik, at iba pa.
Sa halip na sipatin ang isyung ito sa kinagawiang empirical na ilapit, tulad ng ginagamit ng mga postmodem mustang iskolar, dapat ipataw ang isang materyalismo-historikal na pananaw at ang diyalektikong paraan upang makalikha ng praktikang agenda na tutugon sa tanong kung ano ba ang wikang pambansang magsisilbing mabisang sandata sa mapagpalayang pakikipagsapalaran ng sambayanan.
Ang wika ay hindi isang bagay na may sariling halaga kundi bahagi ito ng kategorya ng kamalayang sosyal, isang kamalayang praktikal—”practical consciousness.” Ayon kay Marx—na gumaganap sa buhay bilang lakas ng produksiyon. Matutukoy lamang ito sa gitna ng isang partikular na mode of production sa isang determinadong pormasyonang sosyal. Hindi ito bukod sa pagtatagisang pang-ideolohiya. Kalahok ito sa pagbubuo ng integral state (konseptong galing kay Gramsci), tambalan ng lipunang sibil at lipunang pampulitika. Ang usapin ng wika ay di maihihiwalay sa yugto ng kasaysayan ng bayan na laging komplikado at di pantay ang pagsulong ng iba’t ibang bahagi—uneven and combined development. Samakatwid, sa ating sitwasyon, ang suliraning pang-wika ay di mahihiwalay sa programa tungo sa tunay na kasarinian at kasaganaan, mula sa kasalukuyang neocolonial at naghihikahos na bayan.
Sa Pilipinas, ang lagay at papel na ginagampanan ng wika ay maipaliliwanag lamang sa pagsingit nito sa ugnayang panlipunan, sa kontradiksiyon ng sumusulong na puwersa ng produksiyon at namamayaning balangkas na pumipigil sa pagsulong ng buong lipunan. Ang katayuan ng wika ay nakabatay sa kasaysayan ng bansa, sa kolonyal at neokolonyal na dominasyon ng Kastila, Amerika, at Hapon, at sa himagsik ng sambayanan laban sa pang-aapi. Ang mga katagang “nasyonal-popular” o pambansa-makamasa—na iminungkahi ni Gramsci—ang dapat ilapat sa nakararami na nag-aadhikang makapagpahayag ng kanilang pagkatao sa ibang paraan, tigib ng kontradiksiyon na bunga ng di pantay at pinagtambal na pagsulong ng iba’t ibang sangkap ng kabuoang istruktura ng lipunan. Ang wika ay nakalubog sa daloy ng mga kontradiksiyon sa lipunan.
Kailangang idiin ang prinsipyo ng nasyonal-popular, pambansa-makamasa. ang bansa na binubuo’t pinapatnubayan ng masang walang pag-aari—mga manggagawa, magsasaka, at gitnang sangay (mga propesyonal, petiburgesyang uri, mga minorya). Kung hindi, ang bansa ay mabibigyang-kahulugan ng naghaharing uri, ang iilan na nagmamay-ari, ang oligarkong tuta ng imperyalismo, mga ahente ng global finance-capital.
Ang bansang Pilipinas na may kasarinlan at matipunong industriya ay isang proyektong di pa tapos, nagpapatuloy, laging iniimbento ngunit hindi sa anumang kondisyon. Ang pagiging Pilipino ay isang proseso ng dekolonisasyon at demokratisasyong radika:, isang kaganapan na likha ng kolektibong pagpapasiya, hindi indibidwal na kagustuhan. Ang proyektong ito ay hinuhubog at niyayari ng maraming lakas, ng minanang ugali, at sari-saring ideya at institusyong katutubo o hiram. Hindi ito nakatutok sa pagtatamo ng isang esensiya, kundi makikilatis ito bilang isang masalimuot na pagbubuklod ng dinamikong pakikisamang pampolitika at mga komitment. Ito’y isa ring estetikong kalakaran sa kontra-gahum na paglikhang makasining.
Ang pagbuo’t pagpapayaman ng isang pambansang wika. Ang Filipino, ay hindi nangangahulugan ng pagsasa-isantabi o pagbabalewala sa ibang mga wikang ginagamit ng maraming komunidad. Ang pagpapalawig at pagsuporta sa mga wikang ito ay matutupad kung may basehan lamang: ang kasarinlan ng bansa batay sa pagpapalaya sa masa. Sa harap ng higanteng lakas ng kapitalismong global, maisusulong lamang ang proyektong nabanggit ko kung makikibaka tayo sa programa ng pagbabago tungo sa pamamayani, gahum ng masang gumagawa. Ang wika ay maaaring maging mapagpalayang sandata kung ito’y binubuhay ng masa sa pang-araw-araw na kilos at gawa.
Ang wika ay isang larangan o arena ng tunggalian ng mga uri ayon kay Mikhail Bakhtin. Naniniwala ako na ang usaping ito, kung ano talaga ang wikang pambansa, ay masasagot lamang sa loob ng proyektong pampolitika—tinimbang at sinipat sa isang materyalistiko-historikal na pananaw. Ang wika ay praktikang panlipunan, isang produktibong lakas ng sambayanan. Napapanahon ngang maintindihan natin ito ngayon kung matagumpay na madalumat at mapahalagahan ang kolektibong saloobin ng sambayanan, na ngayon ay naisasatinig sa anagramatikong islogan: SOBRA NA, TAMA NA, EXIT NA.
Sa loob lamang ng pangitaing ito, sa proyekto ng pagsisikap makakamit ang tunay na pambansang kasarinlan at demokrasyang radikal, makatuturang mahihimay ang problema ng pangangailangan ng wikang pambansa, isang wikang mabisang makapag-iisa sa masa at mga komunidad sa teritoryo ng Pilipinas, at makapagdudulot ng mabisang partisipasyon sa pagbuo ng isang gahum o lideratong moral-intelektuwal ng masang manggagawa. Paano mayayari ang mapagpalayang gahum kung walang pagkakaisang kinakatawan ng/kumakatawan sa sariling wika ng komunikasyon at pag-iisip?
Ang layon natin ay hindi lamang kultural na identidad, o kaisipang pang-kalinangan. Sa gitna ng komodipikasyon ng lahat, sa gitna ng laganap na konsumerismo at paghahari ng halagang-pamalit (exchange-value), ang reipikasyon at alyenasyon ng ugnayan ng mga tao ay siyang nagpapalabo sa usapin ng wika. Hindi malulutas ang mga tanong tungkol sa wika hanggang hindi nahaharap ang mistipikasyon ng pakikipagkapwa, na ngayo’y natatabingan at nalalambungan ng mga komoditi, bilihin, salapi, na tila siyang umuugit, nagpapagalaw, namamahala’t gumagabay sa lahat ng bagay. Ang mistipikasyong ito ay mawawala lamang kung mapapanaw ang paghahari ng global na kapital. Ang patakaran na tubo/yaman muna bago kapakanan ng tao—na, sa ngayon, ay nagsasalita sa Ingles, ang wika ng kongkistador na pumalit sa mga Kastila.