Ano ang malikhain o makathaing pagsulat? Ano-ano ang mga kaibahan nito sa iba pang anyo ng pagsulat tulad ng teknikal o akademikong pagsulat?”
Pagkakaiba ng Malikhaing Pagsulat at Teknikal o Akademikong Pagsulat
Ang malikhaing akda ay isinusulat upang magbigay-aliw sa mambabasa at bigyan sila ng pag-unawa sa kanilang buhay at sa lipunang kanilang ginagalawan. Ang mga sumusunod ay ilang anyo ng malikhaing sulatin:
- memoir
- awtobiyograpiya
- nobela
- nobeleta (mahabang maikling kuwento o maikling nobela)
- maikling kuwento
- dagli o flash fiction (napakaikling kuwento na binubuo lamang ng ilang daang salita)
- tula
- personal na sanaysay
- epiko
- komiks o graphic novel
- dula (panteatro, pampelikula, pantelebisyon)
- kanta o awit
Kasiya-siya ang pagbasa ng mga malikhaing akda. Isa itong sining na pumupukaw sa ating damdamin at isipan habang binibigyan tayo ng iba’t ibang anggulo upang sipatin ang ating sarili at ang ating kapaligiran. Nagbabasa tayo ng tula at kuwento dahil may nakukuha tayong kakaiba sa pagbabasa sa mga ito, ang kasiyahan na hindi karaniwang nakukuha mula sa ibang uri ng sulatin.
Iba ang malikhaing pagsulat sa teknikal o akademikong pagsulat. Karaniwang layunin ng mga teknikal na sulatin ay magtalakay ng paksa, magpakita ng datos, at magbigay-kaalaman. Ang mga sumusunod ay ilang anyo ng teknikal na sulatin:
- akademikong sanaysay
- artikulo sa diyomal
- akademikong rebyu (ng aklat, pelikula, atbp.)
- tesis o disertasyon
- pamanahong papel
- manwal o aklat na naglalaman ng mga gabay o tuntunin
- report
- korespondensiya opisyal
- konseptong papel
- posisyong papel
- memorandum
- mungkahing saliksik
Magkaiba ang malikhaing pagsulat at teknikal na pagsulat sa paggamit ng wika. Maoobserbahang sa malikhaing pagsulat, lalo na sa mga akda ng kabataan o bagong henerasyon ng manunulat sa Filipino, karaniwang hindi pormal ang wikang ginagamit. Maaaring gumamit dito ng mga salitang balbal, impormal na salitang ginagamit sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan (kolokyal), at maging iyong ipinapalagay na bastos (bulgar). Minsan pa nga ay naghahalo ang Filipino at Ingles. Sa kuwentong “Dilang Anghel” ni U.Z. Eliserio, sabi ng tagapagsalaysay, “Miss na kita, kung alam mo lang. Siguro nga alam mo. Ba’t di ka sumasagot sa text, e, noong Pasko di ba nagbati na tayo?” Mapapansin ang ganitong gamit ng mga salita sa mga akda nina Jun Cruz Reyes, Eros Atalia, Mayette Bayuga, Bebang Siy, Norman Wilwayco, Mes de Guzman, at iba pa.
Gumagamit sa malikhaing pagsulat ng mga talinghaga, tayutay, at iba pang malikhaing salita. Sa teknikal na pagsulat, pormal ang wikang ginagamit at iniiwasan ang paggamit ng mga balbal, bulgar, at kolokyal. Sa halip, gumagamit sa mga ito ng mga jargon o espesyal na bokabularyo ng isang propesyon o grupo.
Isa rin sa mga kahingian sa isang teknikal na akda ang pagkakaroon ng mas estriktong estruktura sa pag-aayos ng mga ideya. Kailangang mayroon itong simula, gitna, at wakas. Prosidyural ang ganitong uri ng pagsulat. Organisado ito at may sinusundang pormula. Hindi din maligoy ang paglalahad sa teknikal na sulatin; kailangang tukuyin agad ng awtor ang nais niyang sabihin. Nasa antas na literal ang pagbasa sa mga ganitong akda.
Sa malikhaing pagsulat, mas malaya ang manunulat sa pag-aayos ng mga ideya. Halimbawa, maaaring simulan ng manunulat ang kuwento sa wakas at magwakas sa simula, o magsimula sa gitna, o maaaring walang simula at walang wakas. Samantala, sa tula, hindi hayagang ipinahahayag ang mensahe bagkus kailangang isaalang-alang ang mga imahen, tono, tunog, at iba pang elemento upang maunawaan ito. Karaniwang wala sa antas ng literal ang pagbasa sa mga ganitong akda.