Sa panahon ng patuloy na paglaki ng bata, patuloy niyang natututuhan ang wikang ginagamit sa lipunang kanyang ginagalawan. Mahalagang aspekto ito sa pagtuklas niya ng iba pa niyang pangangailangan upang maayos na makisalamuha sa lipunang kinabibilangan niya. Ginagamit niya ang wika upang maipakita niya ang mga kakayahang mayroon siya upang magampanan ang mga tungkulin niya bilang isang indibidwal na bahagi ng higit pang mas malaking lipunan.
Pag-aralan at suriin ang tatlo pang gamit ng wika at mga halimbawa nito.
Mga Gamit ng Wika
Lason Mula sa Lupa at Halaman
Maraming bakas ng metal pollutants ang nakita sa lupa at halaman sa maraming bahagi ng Luzon.
Sa Pilipinas, lalo na sa Maynila at mga karatig na lugar, nagiging malaking banta sa kalusugan ng mga tao ang gayong pollutants ayon sa Bureau of Soils and Water Management (BSWM).
Ang heavy metals na ito ay nakuha mula sa mga ugat at dahon ng mga halaman. Ang mga elementong ito ay nakalalason sa ibang halaman at kapag nasalin sa tao o hayop, kahit sa mababang konsentrasyon lamang ay maaaring makapagdulot ng masamang epekto. Ito ay batay sa ilang soil samples na nakuha mula sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan.
Bukod sa pinag-aralan ang gulay at halamang damo mula sa mga nabanggit na lugar, sinuri din ang ilang water samples na nakuha sa katabing ilog at irigasyon.
Patunay rin sa ilang presensya ng metal pollutants ang mga nakuha tulad ng lead, cadmium, nickel, at copper. Ang mga halamang madalas makunan ng bakas ng heavy metals ay ang spinach (lead at nickel), pechay, mustasa, at bayabas (lead), pakwan, cadmium), kamatis (cadmium at copper), sambong (copper) at ang sitaw (nickel).
Ang heavy metals ay maaaring manggaling sa hangin, agricultural chemicals tulad ng pestisidyo at abono, at dumi mula sa mga industriya at pabrika.
Ayon pa rin sa pananaliksik, ang zinc, isa pang uri ng metal na natatagpuan sa lupa ay karaniwang mas mataas sa normal value nito na 50 part per million (ppm) ngunit mababa sa hanggang 300 ppm.
Basahin at suriin ang ulat sa ibaba.
Pula, Puti, Bughaw: Sagisag ng Kalayaan
Kapag nakikita mo ang ating watawat habang ito ay itinataas, ano ang iyong nararamdaman? Ano ang iyong naiisip? Kilala mo ba ang iyong watawat? Alam mo ba ang kahulugan ng iba’t ibang bahagi nito?
Ang watawat o bandila na marahil ang pinakamahalagang simbolo ng pagpupunyagi at pag-unlad ng isang grupo, organisasyon, o bansa. Noon, ang bandila ay ginagamit lamang bilang pagpapatunay na ang isang lugar o kaharian ay nalipol at naangkin ng kalaban. Iyan ang nangyari sa Pilipinas noong ang kaharian ng Jolo ay nangibabaw sa kalakhan ng Borneo, Malaysia, at Indonesia.
Ngunit sa paglipas ng panahon at sa gitna ng pagbabago, nagkaroon na rin ng bagong pananaw ang watawat. Ginamit na rin itong simbolo ng pagsulong ng isang paniniwala o ideolohiya. Isang pulang bandila (na may KKK sa gitna) ang tanging simbolo ng katapangan ng mga Katipunero at kagitingan ni Gat. Andres Bonifacio.
Ang unang bandila ng Pilipinas ay nabuo sa isip ni Hen. Emilio Aguinaldo noong siya ay nadistiyero (exiled) sa Hong Kong noong 1897. Una itong iwinagayway bilang tanda ng pagiging isang malayang bansa ng Pilipinas sa balkonahe ng kanyang lumang bahay sa Kawit, Cavite, noong ika-12 ng Hunyo 1898. Mahigit isang daang taon na ang nakararaan, ang watawat na yaon ang naging tanging saksi sa kasiyahan ng mga Pilipino pagkatapos ng ilang taong paghihirap at pakikibaka. Habang sumasayaw sa hangin ang bandilang ito, itinaas naman ng mga Pilipino ang kanilang mga itak at gulok bilang pagpupugay sa kanilang lakas at pag-ibig sa bayan na kanilang ipinaglaban.
Ang bandilang nakikita natin ngayon sa ating paaralan, pagawaan, sasakyan, at iba pang mga lugar ay ibang-iba sa bandila ng mga Katipunero maliban sa ”araw” na makikita pa rin sa watawat natin ngayon. Ang tatlong kulay nito pula, puti, bughaw-_ay isinunod pa rin sa disenyong nilikha ni Hen. Gregorio del Pilar. Ang tatlong letrang ”K” ay pinalitan ng tatlong bituin na kumakatawan sa ”Luzon, Visayas, at Mindanao.” Ang walong sinag ng araw ay sumasagisag sa walong lugar na nagpasimuno ng paghihimagsik laban sa mga Espanyol: Manila, Nueva Ecija, Pampanga, Batangas, Laguna, Cavite, Tarlac, at Bulacan.
Ngayong nauunawaan mo na ang pinakamahalagang sagisag ng ating pagbangon mula sa kinalugmukang kahirapan ng ating pinakamamahal na bayan, tanungin mo ang iyong sarili: kailan ka ba huling nagbigay-pugay rito? Kailan ka ba huling tumayo, huminto sa paglalakad, at nagpatong ng iyong kanang kamay sa iyong dibdib habang umaawit ng ating pambansang awit? Kailan mo ba ito huling tiningala? Kailan mo ba ito huling pinahalagahan?
. .. ang watawat na iyon ang naging
tanging saksi sa kasiyahan ng
mga Pilipino pagkatapos ng ilang
taong paghihirap at pakikibaka
Basahin at suriin ang ulat sa ibaba.
Ako Ba ay Filipino?
ni Dr. Servillano T. Marquez Jr.
Pilipino nga ba ako? (Filipino o Pilipino, pasensya na, hindi ako sigurado).
Ako si Jean Claude Vincent Pacacac (pero bakit ba ganito
ang pangalang ibinigay sa akin ng nanay at tatay ko? – tunog Amerikano).
Nagsimula akong uminom ng gatas. Imported pa nga eh! (Pero bakit hindi gatas ni Nanay?)
Siyempre, para daw pumuti ang balat kong kayumanggi.
At maging blonde ang itim kong buhok.
Limang taon ako nang mag-enjoy sa istorya ni Superman
At talagang bumilib kay Captain Amerika, Batman, at Robin.
Kinagiliwan si Harry Potter. *
Hindi man lamang napansin ang kuwento ni Malakas at ni Maganda.
Lumaki ako, nagkaisip, at nag-aral
Natuto akong bumasa at sumulat
Subalit sa English,
Naku! Kay hirap!
Tinuruan din akong tumula at umawit
Ganito yata iyon:
A is for eypol
B is for boy
C is for ket
(Oops. ..oops,, . wala namang eypol sa Pilipinas)
Red, white, and blue
Stars over you (teka, US flag iyon ah)
Mama said, Papa said (dapat nanay at tatay)
I love you!
Teka mayroon pa
Naaalala ko si Gng. Mayumi Smith
Yung guro ko sa HEKASI
Tama siya nga.
Siya yung tanong nang tanong sa amin:
Saan matatagpuan ang pinakamaliit na isda?
Saan makikita ang maliit na usa?
Saan matatagpuan ang maliit na bulkan?
Sabay-sabay pa kaming sasagot sa Pilipinas!
Paano ko naman maipagmamalaki na ako ay
Pilipino
Kung lagi na lamang itinatanim sa isip ko’y
Puro maliit,
Lahat ng mahihina.
Bakit pag si Uncle Sam ang pinag-uusapan
Laging makapangyarihan,
Bakit pag si Juan Dela Cruz,
Parating napapailalim?
Nakarating ako sa high school ,
Natuto akong maglakwatsa
Natuto akong magbulakbol.
Lagi kaming nanonood ng sine
Marami akong natutuhang English
Tulad ng:
Goddemit!
Son of a bitch!
Son of a gun! Marami pa ‘yan.
Hindi ko alam, minumura na pala ako.
Lumipas ang panahon, heto ako,
Malasadong (F) Pilipino
Ngunit namulat ako’t nagising
Nalaman ko na kung paano niloko (?)
Ng mga Amerikano
Ang mga Pilipino.
Subalit alam ko
Hindi pa huli ang lahat
Maaari pa akong magbago
Ngayon, magsisimula ang lahat…
Dito ako magbabago (o mababago).