Makalipunang Pagsulat at Pagbasa

Ayon kay Rolando B. Tolentino (2009), sa aklat niyang Pag-aklas, Pagbaklas, Pagbagtas: Politikal na Kritisismong Pampanitikan, malakas pa rin sa kasalukuyan ang impluwensiya ng pormalismo sa mga Pilipinong manunulat at kritiko. Sa kabila ng mga kaisipang isinulong nina Lopez at iba pang makalipunang manunulat at kritiko, ang tuon pa rin nila ay sa kariktan at kapinuhan ng paraan ng porma ng panitikan o ang pag-uugnay-ugnay ng mga elementong nakapaloob dito.

Pormalismo pa rin ang tuon ng ilang programa sa malikhaing pagsulat sa mga unibersidad at sa mga palihang inoorganisa nila. Maging ang mga guro sa panitikan ay nakapokus sa pagtuturo sa mga estudyante kung paano susuriin ang mga elemento sa mga binasa o pinanood na teksto. Ang hinahanap din ng mga patimpalak sa malikhaing pagsulat ay kagandahan ng porma. Maging ang mga publikasyon ay idinidiin ang pormalismo.

Ayon kay Bienvenido Lumbera (2005), ngayon na ang panahon upang gamitin, maipatanggap, at mapatibay ang mga pamantayang susukat sa kahusayan at kabuluhan ng mga akdang Filipino. Sa paglalatag na ito, kailangang kilalanin ang mga partikular na katangian ng mga naisantabing teksto o iyong mga binansagan ng mga ”kulturadong” kritiko na ”mababang panitikan” katulad ng komiks, pocket book. telenovela, oral na panitikan, at iba pa.

Sa kontemporaneong pagsulat, pagbasa, at pagtuturo ng panitikan ng Pilipinas, mahalagang mabigyan ng puwang ang mga akda ng mga pangkat-etniko at ng mga marhinalisado sa lipunan katulad ng mga magsasaka, manggagawa, at OFW. Kailangang isaalang-alang ang kasaysayan at lipunang pinag-iiralan ng mga ito at kulturang humubog sa mga likhang ito (Lumbera, 2005). Ang panunuring pampanitikan ay panunuring panlipunan at pangkasaysayan din (Tolentino, 2009).

Sa oryentasyong makalipunan, ipinapalagay na ang panitikan ay manipestasyon ng kamalayang panlipunan. Ibig sabihin, ayon kay Torres-Yu (2006, p. xvii):

…ang panitikan na isang anyo ng kamalayan ay bahagi ng isang tiyak na paraan ng pamumuhay na umiiral bunga ng mga panlipunang ugnayan at pang-ekonomiyang puwersa na nagpapaandar sa lipunang iyon. Para maintindihan ang panitikan, kailangang maintindihan ang kabuuang prosesong panlipunan na kinabibilangan nito. Gayundin, para maintindihan ang lipunan, maaaring tingnan at suriin ang panitikang nabuo at nabubuo rito.

Muli, makikita sa talata sa itaas ang mahigpit na ugnayan ng panitikan at lipunan. Sa oryentasyong makalipunan sa malikhaing pagsulat, hinahango ng manunulat at kritiko ang mga bagay na magpapaliwanag sa bisa at kabuluhan ng akda mula sa mga nakapaligid dito tulad ng kasaysayan, politika, ekonomiya, ideolohiya, panlipunang realidad, at iba pa (Torres-Yu, 2006). Sa ibang salita, ang panitikan ay hindi nagsasarili; ito ay may kasaysayan, sosyolohiya, ekonomiya, at politika.

Sa pagsulat o pagsusuri ng akdang may makalipunang oryentasyon, mahalagang matugunan ng manunulat at kritiko ang mga sumusunod na tanong:

  1. Ano ang mensahe ng akda?
  2. Paano ipinahayag sa akda ang mensaheng ito?
  3. Kailan isinulat ang akda?
  4. Sino ang nagsulat ng akda?
  5. Para kanino ang isinulat na akda?

Ang mga tanong tungkol sa mensahe at kung paano ito ipinahayag ay masasagot pagtingin sa mismong akda, katulad ng mga ginagawa ng mga pormalista. Ipinahihiwatig dito na ang silbi ng pormalismo ay sa pagtukoy sa karanasang pinapaksa ng tula, maikling kuwento, dula, at iba pang anyo ng panitikan.

Layunin ng pangatlong tanong na alamin kung anong panahon nilikha ang akda. Ito ay upang maunawaan ang inilalarawang karanasan. Kung ang tagpuan ng kuwento, halimbawa, ay sa nakaraan, anong klase ng lipunan ang umiiral dito? Paano nito naimpluwensiyahan ang pag-iisip at kilos ng tauhan?

Sa ikaapat na tanong, kinikilala ang manunulat. Ano ang pananaw niya sa buhay? Nagbabago-bago ba ang kaniyang pananaw sa mundo? Sino, ano, o ano-anong mga karanasan ang nakaimpluwensiya sa kaniya bilang tao at bilang manunulat? Ano ang kaniyang posisyong ideolohikal? Paano niya ipinoposisyon ang sarili sa lipunan?

Kaugnay ng ikaapat na tanong ang ikalimang tanong. Kanino nakadisenyo ang akda? Para ba ito sa mga naghahari sa lipunan? Para ba ito sa mga intelektuwal o akademiko? Para ba ito sa karaniwang tao? Nakalinya ba ang posisyon ng manunulat o makata o mandudula sa posisyon ng magbabasa ng kaniyang akda?