Mapanghamon na gawain ang pagsulat ng dula. Kahit ang mga beterano na sa pagsulat nito ay humaharap pa rin sa maraming hamon. Ang sumusunod ay pangkalahatang metodo o paraan ng pagsulat ng dula.
1. Brainstorming ng Naratibo
Pagpasiyahan kung anong kuwento ang nais ibahagi. Isipin ang pangunahing tauhan at kung paano tatakbo ang kaniyang kuwento. Ano ang gagawin niya
- Magsisiyasat ba siya ng misteryo?
- Sasailalim ba siya sa isang ritwal (coming-of- age story, halimbawa)?
- Maglalakbay ba siya?
- Magdaraan ba siya sa serye ng mahihirap na pangyayari upang makamit ang kaniyang hangad?
Magdadala ba siya ng kaguluhan?
Bumuo ng makatawag-pansing kuwento at siguruhing mabilis ang daloy ng aksiyon sa maikling dula upang hindi bumitiw ang mga manonood. Kailangan ding ipakita ang ugnayan sa isa’t isa ng mga aksiyon upang maging kapani-paniwala sa mga manonood ang nangyayari sa tanghalan. Repasuhin muna ang mga pangunahing elemento ng pagkukuwento bago magsimulang magsulat. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:
- Kailan at saan nangyayari ang kuwento?
- Sino ang pangunahing tauhan at sino-sino ang mahahalagang sekondaryang tauhan?
- Ano ang relasyon ng mga tauhan?
- Ano ang pangunahing tunggalian na kailangang harapin ng mga tauhan?
- Ano ang pangyayaring magpapasimula sa pagdaloy ng pangunahing aksiyon na mauuwi sa sentral na tunggalian?
- Ano ang mangyayari sa mga tauhan habang hinaharap ang tunggaliang ito?
- Paano natapos ang tunggalian at paano nito nabago ang mga tauhan?
2. Pagsasaalang-alang sa Estruktura ng Dula
Bago isulat ang dula, pagpasiyahan kung ano ang estruktura nito. Dahil nagsisimula pa lamang magsulat ng dula, makatutulong kung magsisimula muna sa maikling dulang may isang yugto. Kung ihahambing sa iba pang anyo ng dula, ito ang may pinakasimpleng estruktura. Bagaman maikli, tandaang kailangan pa ring tugunan ang mga kahingian tulad ng pagkakaroon ng solidong banghay. Dahil din sa kawalan ng intermisyon, gawing simple ang tanghalan at iwasan ang pagkakaroon ng tauhang madalas ang pagpapalit ng kasuotan. Makatutulong din kung minimal lamang ang mga teknikal na pangangailangan.