Napakalawak ng sakop ng eksperimental na panitikan. Sa post na ito, tatalakayin ang konseptuwal na tula, tulang tuluyan, kongkretong tula, biswal na tula, at performance poetry.
Konseptuwal na Tula
Nakabasa ang isang makata ng tula ng isa pang makata. Kinuha niya ito at tinanggal ang ilang salita at pinalitan ng ibang salita. Bawat salitang kaniyang tinanggal ay pinalitan niya ng ikapitong titik mula sa salitang ito sa diksiyonaryo. May isa namang makatang pinagsama-sama ang lahat ng salita mula sa tatlong tula. Isa pang makata ang lumikha ng tula gamit ang mga pamagat ng lahat ng tula ng hinahangaang makata. May isa namang tula na binubuo lamang ng pamagat na “The Emperor ‘s New Clothes” at walang makikitang salita o kahit na ano sa katawan nito.
Ang mga ito ay halimbawa ng konseptuwal na tula, isang bagong kilusan sa panitikan. Tinatawag din itong “di-malikhaing pagsulat” ng mga nagsusulong nito dahil ang tuon ay sa konsepto o inisyal na konsepto at hindi mismo sa mga salita o sa pinal na produkto.
Isa sa mga katangian ng konseptuwal na tula ang paggamit ng pang-araw-araw na salita, at lengguwaheng walang sustansiya at walang kahulugan ang tuon ay sa dami at hindi sa kalidad. Ilan pa sa mga katangian ng konseptuwal na tula ang pangongopya, pag-aangkop, kawalan ng orihinalidad, at labis na paglilista at pagkakatalogo (Goldsmith, 2008). Isang halimbawa ng tulang naglilista ay ang sumusunod.
Sa Sari-sari Store
Mar Anthony Simon dela Cruz
May Ariel, Tide, Surf, Pride,
Champion detergent soap
na p’wedeng car freshener.
May Sunsilk, Palmolive,
Clear, Head and Shoulders
for shiny, straight, dandruff-free hair
May Hapee Toothpaste, Close-Up,
Hapee na Colgate, Close-Up na Colgate,
for pearly white teeth.
May uling, gaas, LPG.
Anak ng, nagmahal na naman?
May Argentina corned beef,
Ligo Sardines, MaLing,
Lucky Me Chicken, Beef, Pork.
May Milo, Nido, Nescafe.
May asukal, asin, vetsin, paminta,
luya, sibuyas, bawang, laurel
mantika, suka, patis, bagoong, toyo.
Breaking news: Tindera ng toyo,
tinoyo!
May mabukbok at mabatong NFA rice.
May ice, ice tubig, ice candy, ice buko.
May Chocnut, Hany, La-La, Flat Tops.
May Chippy, Nacho, Nova,
Taquitos, Tortillos, Tostillas.
May chicharong kalabaw, kropek,
crackling, amoy ewang sitsirya
(squid flavor).
May kending tig-piso na rati’y tatlo-piso.
May Sarsi, Pop Cola, Royal
Sprite, Mountain Dew, 7-Up,
Coke Saktong panulak sa monay,
pan de coco, putok, spanish bread
(ingat lang sa amag).
May Cobra, Sting, Red Bull.
May Ginebra bilog, quatro cantos,
San Mig Light, Pale Pilsen,
Tanduay Rhum, Emperador Brandy.
May Winston, Philip Morris,
Marlboro Lights, Blue, Black Green,
More, Hope.
You name it, they’ve got it.
May mura, may mahal.
P’wedeng tingi, p’wedeng maramihan.
P’wede ring lista muna,
`wag lang lista sa tubig.
Credit is good, but we need cash.
Tulang Tuluyan
Kapag nagbabasa tayo ng nobela, maikling kuwento, sanaysay, o tula, madalas na alam natin na isang nobela, maikling kuwento, sanaysay, o tula ang ating binabasa. Ngunit may mga pagkakataong nagkakaroon ng kalituhan at hindi natin mauri ang anyo. Lalo na sa kaso ng tulang tuluyan na produkto ng pagsasalubong ng tula at prosa.
Ang tulang tuluyan ay katumbas sa Filipino ng prose poem ng Ingles o poeme en prose ng Pranses. Ito rin ay tinatawag na hybrid na teksto dahil sa paggamit dito ng iba’t ibang kumbensiyon mula sa magkakaibang anyo ng panitikan. Dahil sa pagsasanib na ito, madalas ay nagkakaroon ng kalituhan. Mauuri ba ang akdang ito bilang tula o prosa?
Ang tulang pasalaysay tulad ng Kahapon, Ngayon, at Bukas ni Aurelio Tolentino ay itinuturing bilang nobelang Tagalog. Ganito rin ang nangyari sa tulang Ang Panahon ni Abadilla na nalathala sa Liwayway noong 1930. Tinawag niya itong “kaunting tula at kaunting tuluyan” o alanganing tula at alanganing prosa (Anaievo, 2008). Halimbawa rin ng tulang tuluyan ang mga akda sa “Prosang Itim” ni Mike L. Bigornia at “Muli, Sa Kandungan ng Lupa” ni Rio Alma.
Masasabing tula ang tulang tuluyan dahil sa tuon nito sa lengguwahe at sa paggamit ng talinghaga. Isang halimbawa ng tulang tuluyan ay ang “Wala Nang Lunas” ni Amado V. Hernandez. Nagwagi ang akdang ito ng medalyang ginto sa timpalak na pampanitikan na inilunsad ng samahang Ilaw at Panitik noong 1931. Makikita sa akdang ito ang mahusay na pagsasanib ng tula at prosa. Basahin sa ibaba ang unang tatlong talata ng “Wala Nang Lunas.”
Bulaklak ng kasalanan. Maganda at mabango, sariwa pa at makulay. Siya’y napulot ko sa maalikabok na lansangan ng paglimot; isang bulaklak na maganda nga ay waring pinagsawaan na ng kamay ng kasalanan, isang maputing ibong nabalian ng pakpak at lumagpak sa putik, isang pusong bata nga ay lipus naman ng sugat.
May iba siyang pangalan, nguni’t tinawag ko siya ng Tina. Tina! Mga matang maiitim at mabibilog, mga labing ang saklap ng hapis ay hindi maitago ng tila pahid na dugo ng kalapati, mga pisnging mandi’y mabulong hinog na nakabitin sa sanga. Iyan si Tina. Matamis mangusap, magiliw kumilos; walang kasintamis at kasinggiliw kung maglambing at umibig.
Basahin din ang The Prophet ni Kahlil Gibran para sa mga halimbawa ng tulang tuluyan. Binubuo ang aklat ng mga nakapag-iisa ngunit magkakaugnay na tulang tuluyan na kapupulutan ng aral.
Mula sa The Prophei ni Kahlil Gibran
Salin sa Filipino ni Mark Angeles
PAGKATAPOS sabi ng isang abogado, Paano naman ang ating mga Batas, panginoon?
At sagot niya:
Nag-uumapaw ang tuwa ninyo sa paghiga sa mga batas,
Ngunit lalo pang nag-uumapaw ang tuwa ninyo sa pagbali sa kanila.
Tulad ng mga batang naglalaro sa tabi ng karagatan na gumagawa ng mga toreng buhangin nang buong tiyaga at pagkatapos ay gigibain ang mga iyon habang humahalakhak.
Ngunit habang ginagawa ninyo ang inyong mga toreng buhangin, mas marami pang buhangin ang dinadala ng karagatan sa baybayin,
At kapag ginigiba ninyo ang mga iyon, kasama ninyong humalakhak ang karagatan.
Tunay ngang laging humahalakhak ang karagatan kasama ng mga inosente.
Ngunit paano iyong ang mga buhay ay hindi isang karagatan, at ang mga batas na gawa ng tao ay hindi mga toreng buhangin?
Ngunit paano iyong ang buhay ay isang bato, at ang batas ay isang pait na kanilang ginagamit para ukitin ito ayon sa kanilang pagkakahawig?
Paano ang lumpo na nasusuklam sa mga mananayaw?
Paano ang kapong baka na mahal ang kanyang pamatok at iniisip na ang malalaki at karaniwang usa ng gubat ay mga bagay na palaboy at pobre?
Paano ang matandang ahas na hindi makapaghunos, at tinatawag na walang damit at walang niya ang iba maliban sa kanya?
At paano siyang dumarating nang maaga sa piging para sa kasal, at nang mabundat at mapagod ay magsabing lahat ng piging ay paglabag at lahat ng dumalo rito ay mga lumabag sa batas?
Ano ang sasabihin ko sa kanila maliban sa sila rin ay nakatayo sa ilalim ng sikat ng araw, ngunit nakatalikod sa araw?
Nakikita lamang nila ang kanilang mga anino, at ang kanilang mga anino ang kanilang mga batas. At ano ang araw para sa kanila kundi isang tagapagtapon ng mga anino?
At ano ang pagkilala sa mga batas kundi pagyuko at pagbakas ng kanilang mga anino sa lupa?
Ngunit kayong naglalakad nang nakaharap sa araw, anong mga imaheng nakalarawan sa lupa ang susunggab sa inyo?
Kayong naglalakbay sa hangin, anong panuro ng hihip ng hangin ang magdidikta ng inyong direksiyon?
Anong batas ng tao ang gagapos sa inyo kung masisira ninyo ang inyong pamatok ngunit hindi sa pinto ng kulungan ninuman?
Ano-anong batas ang katatakutan ninyo kung sumasayaw kayo ngunit hindi matisod sa kadenang nakagapos kaninuman?
At sino ang magpapataw sa iyo ng kahatulan kung pupunitin mo ang iyong damit ngunit hindi ito iiwan sa daraanan ninuman?
Mga taga-Orphalese, mapapahina ninyo ang tunog ng tambol, at mapapaluwag ninyo ang mga bagting ng lira, ngunit sino ang makapag-uutos sa langay-langayan para hindi umawit?
Isa pang halimbawa ng tulang tuluyan ang “Hysteria” ni T. S. Eliot. Sa akdang ito, inilalarawan ng persona o tagapagsalaysay ang kasama niyang babaeng hindi mapigil sa pagtawa. Kilala si T. S. Eliot sa kaniyang husay sa pagbuo at paggamit ng imahen at sa pagpili ng mga salitang gagamitin. Makikita ito sa kaniyang sumusunod na tula.
Hysteria
ni T. S. Eliot
As she laughed I was aware of becoming involved in her laughter and being part of it, until her teeth were only accidental stars with a talent for squad-drill. I was drawn in by short gasps, inhaled at each momentary recovery, lost finally in the dark caverns of her throat, bruised by the ripple of unseen muscles. An elderly waiter with trembling hands was hurriedly spreading a pink and white checked cloth over the rusty green iron table, saying: If the lady and gentleman wish to take their tea in the garden, if the lady and gentleman wish to take their tea in the garden… ‘I decided that if the shaking of her breasts could be stopped, some of the fragments of the afternoon might be collected, and I concentrated my attention with careful subtlety to this end.
Sa unang tingin, maituturing na prosa ang The Prophet at “Hysteria” dahil ang anyo ay parang sa maikling kuwento. Bagaman hindi gumagamit ng tradisyonal na taludturan, nagtataglay ang mga ito ng mga katangiang pantula tulad ng ritmo at talinghaga. Nakatuon din ang mga ito sa pagbubuo ng mga imahen. Isa pa, may paglalaro sa mga ito ng tunog ng salita tulad ng pag-uulit at pagtutugma. Ang mga ito ay teknik na karaniwang ginagamit sa pagsulat ng tula.
Upang madagdagan ang kaalaman at kasanayan sa pagsulat ng tulang tuluyan, maaaring basahin ang mga sumusunod:
- Alimpuyo Sa Takipsilim: Mga Tulang Tuluyan (2012) ni Roberto T. Arionuevo
- Memo Mulang Gimokudan: Aklat ng Tulang Tuluyan (2005) ni Virgilio Almario
- Great American Prose Poems: From Poe to the Present (2003) inedit ni David Lehman
Kongkretong Tula
Ito ay tulang may malayang taludturan at walang padron ang bilang ng mga linya at saknong. Ang mga taludtod ay nakaayos na parang biswalisasyon ng paksa ng tula; hinuhugis ng makata ang mga taludtod at saknong. Halimbawa, sa tulang tungkol sa kidlat, ang mga taludtod at mga saknong ay ihinugis na parang sa kidlat. Kung tungkol naman sa alon, hugis-alon ang tula. Ginagamit ito upang makadagdag sa dating o epekto ng tula. Karaniwang nagiging mas epektibo ang kongkretong tula kapag binabasa kaysa pinakikinggan.
Black and White
ni Jason Lin
Maaaring malinaw ang biswal na representasyon, katulad ng sinusundang tula. Maaari din namang hindi gaanong malinaw ito. Pansinin ang “Ilog-Pasig” ni Manuel Principe Bautista na ang ayos ay tila naglalarawan ng galaw ng ilog:

Biswal na Tula
Madalas ay ginagamit ang biswal na tula at kongkretong tula sa pagtukoy sa tulang may biswal na representasyon. Ngunit may kaibahan sa dalawang ito. Ang kongkretong tula ay binubuo lamang ng mga tipograpikong elemento tulad ng titik, bantas, at iba pang simbolo, samantalang ang ilang biswal na tula ay hindi gaanong nakadepende sa mga salita. Minsan, ang mga tipograpikong elemento ay sekondarya lamang sa mga biswal na elemento. Sa biswal na tula, nalulusaw ang linyang naghahati sa teksto at sining. Katulad ng kongkretong tula, ang bisa ng biswal na tula ay nasa pagbasa o pagtingin dito. Ang sumusunod ay halimbawa ng biswal na tula.
Gum Tree
ni Jennifer K. Phillips

Performance Poetry
Ito ay tulang itinatanghal sa harap ng awdiyens. Bagaman ang muling pagsigla ng tulang itinatanghal ay tinitingnan bilang reaksiyon sa mainstream na tula o tulang nakalimbag, maiuugat ang estilong ito sa mga sinaunang papel ng makata—bumibigkas ng damdamin at mga pangyayari, at nagtatanghal ng tula. Kung ang mga tradisyonal na tula ay gumagamit ng pamantayan na estruktura, ang perfortnance poetry o spoken word poetry sa kasalukuyan ay gumagamit ng mga eksperimental na ritmo upang mahatak ang madalang tagapakinig at bigyan sila ng magandang karanasan sa pakikinig at panonood.
Si Victor Emmanuel Carmelo D. Nadera, Jr. ay isa sa mga nanguna sa pagtataguyod ng tulang itinatanghal sa Pilipinas. Nagiging popular din ito dahil sa mga lugar na tulad ng Sev’s Cafe kung saan nagdaraos ng mga regular na sesyon at pinararangalan ang mahuhusay na kabataang makata. Isang halimbawa ng spoken word poetry ay ang “Ang Huling Tula na Isusulat ko Para Sayo” ni Juan Miguel Severo na may video na naging viral sa Internet. Ang Fliptop battle o rap battle ay halimbawa ng tulang itinatanghal na popular sa masa.