Mga Dapat Tandaan sa Paggamit ng Pamaraang Komunikatibo

Pangunahing layunin sa pagtuturo ng wika ang paglinang sa kakayahang komunikatibo ng mga mag-aaral. Nilalaman ng mga layunin ng Batayang Edukasyon sa junior at senior high school ang makalinang ng mga mag-aaral na mabisang komyunikeytor sa Filipino at nagtataglay ng kasanayang makro—pagbasa, pagsulat, pagsasalita, pakikinig, at panonood. Bukod dito, magkaroon ng kabatiran at kasanayan sa apat na komponent o sangkap ng kasanayanag komunikatibo gaya ng lingguwistiko, sosyolingguwistiko, diskorsal, at istratedyik na tinalakay sa nakaraang post.

Sa pag-aaral ng iba’t ibang kakayahang komunikatibo sa pakikipag-komunikasyon gamit ang wika, mahalagang mabatid ang mga bagong pananaw hinggil dito. Sa komunikatibong pamamaraan ng pag-aaral ng wika ay magkapantay na isinasaalang-alang ang kayarian o anyo at mensahe o kahulugan ng wika para matamo ang kakayahang komunikatibo na ang layunin ayon kay David Wilkins ay magamit ang mga angkop na salita o wika sa wastong pamamaraan sa tamang mga tao at sa tamang oras at lugar. 

Halimbawa, kung galing ang isang tao sa palengke at may nasalubong siyang kaibigan at tinanong kung saan siya galing, ang angkop na pahayag na dapat isagot ay “galing ako sa palengke.” Pero kung minsan, madalas nating naririnig na sagot ay ganito, “Diyan lang.” Hindi nagtutugma ang sagot sa layunin ng nagtanong.

Ayon kay David Nunan (1991), may limang katangian ang komunikatibong pag-aaral/pagtuturo/paggamit ng wika (KPW).

  1. Binibigyang-diin ang kasanayan sa pakikipagkomunikasyon o pakikipag-usap sa iba’t ibang sitwasyon o okasyon.
  2. Binibigyan ng pagkakataon ang mag-aaral na magpahusay hindi lamang sa kanilang kaalaman sa wikang pinag-aaralan kundi pati na rin sa proseso o pagkatuto nito.
  3. Gumagamit ng mga awtentikong teksto sa pagtuturo/pag-aaral/paggamit, gaya ng mga salita at kahulugang galing sa talatinigan o mga tunay na datos galing sa iba’t ibang sanggunian.
  4. Isinasaalang-alang at ginagamit ang mga karanasan na mahalagang lunsaran at input sa pagkatuto.
  5. Iniuugnay ang mga natutuhan sa mga gawaing pangwika sa tahanan, simbahan, paaralan, pamilihan, pamayanan, at iba pang lugar.