Ayon kay Josefina Mangahis et al., (2008), mahalagang instrumento sa pakikipagkomunikasyon ang wika. Nag-uugat ang tungkulin nito sa umiral na sistema ng isang kultura ayon sa pamantayan ng paniniwala, tradisyon, pag-uugali, at kung paano nakikisalamuha ang mga tao sa lipunang kanilang ginagalawan. Ayon sa pahayag ng isang functionalistna si Ferdinand de Saussure, higit na kailangan pagtuonan ng pansin ang anyo at paraan ng wikang ginagamit ng isang nagsasalita sa halip na ang kahulugan ng salita. Karamihan sa mga gumagamit ng wika ang higit na nagbibigay-pansin sa kahulugan sa halip na sa anyo kung paano ipinahahayag ang wikang ginagamit, ngunit sa katunayan, ang kahulugan ng sinasabi ng nagsasalita ay nababatay sa anyo at paraan ng pagsasalita. Ayon pa kay Saussure, sa paggamit ng wika, kailangang maikintal sa isipan na ang bawat salitang ginagamit ay makabuluhan at magkakaugnay. Sinumang gumagamit ng wika ay nakababatid na may kaalaman siya sa wikang ginagamit ng kanyang kausap sapagkat napag-uugnay-ugnay niya ang bawat salita upang mabuo ang kaisipan at ang diwa ng pangungusap.
Samantala, ayon naman sa kinikilalang “Ama ng Makabagong Sosyolohiya” na si Emile Durkheim (1985), ang lipunan ay nabubuo sa pamamagitan ng mga taong naninirahan sa isang pook o lokalidad at ang bawat isa ay may kanya-kanyang papel na ginagampanan. Ang kalikasan ng buhay ay nagmumula sa isang maayos na lipunan. (Mangahis et al., 2008)
Atin ngayon tatalakayin ang pitong gamit ng wika ayon kay M.A.K. Halliday (1973) sa kanyang Explorations in the Functions of Language. Hinati ni Halliday ang pitong gamit na ito sa dalawang pangkat. Ang unang apat (instrumental, regulatori, inter-aksiyonal at personal) ay tumutukoy sa pangangailangan ng mga bata na matuto ng wika dahil kailangan nilang magamit ito upang matugunan ang mga tiyak na layunin o tungkulin nila sa lipunan. Ang tatlong huling gamit (heuristiko, imahinatibo, at impormatibo) ay kailangan namang malinang ayon sa pangangailangan ng bata sa pag-agapay at pakikisalamuha sa kanyang paligid at lipunang ginagalawan.
Gamit ng Wika (Unang Pangkat)
Sa mga unang taon ng paglaki ng bata, unti-unting niyang natututuhan ang wikang ginagamit ng kanyang magulang at iba pang taong nakasasalamuha niya sa lipunang kanyang ginagalawan. Mahalagang punto ito sa paglaki ng bata sapagkat dito niya nalilinang ang kanyang mga katangian. Ginagamit niya ang wika upang matugunan niya ang mga pangangailangang pisikal, emosyonal. at sosyal.
Ibahagi sa klase ang mga sitwasyong naranasan mo na nagpapakita ng kahalagahan ng wika sa paglinang sa iyong mga katangiang pisikal, emosyonal, at sosyal bago ka pa man ipinasok sa paaralan.
Pag-aralan at suriin ang unang apat na gamit ng wika at mga halimbawa nito.
PANG-INSTRUMENTAL
Ito ang gamit ng wika upang matugunan ang mga pangangailangan ng tao gaya ng pakikipag-usap sa iba lalo na kung mga katanungan na kailangang sagutin; pagpapakita ng patatastas tungkoi sa isang produkto na nagsasaad ng gamit at halaga ng produkto; paggawa ng liham-pangangalakal; liham sa patnugot, at iba pa.
Basahin ang halimbawang teksto sa ibaba na tumutugon sa gamit instrumental ng wika.
Sinasabing ang liham ay isang daan para sa maayos na pakikipagtalastasan, bagama’t malayo na ang narating ng teknolohiya dahil sa e-mail, fax, at iba pang mabilis na midyum ng pakikipag-ugnayan, nananatili ang liham bilang pinakagamitin pa ring paraan. Sa isang liham nasasaad ang iniisip at niloloob ng isang nagsusulat.
Isang uri ng liham ang liham-pangangalakal. lto ang uri ng liham hinggil sa pag-aaplay ng trabaho, paghiling ng isang bagay, pag-order ng kagamitan, pagpaparating ng karaingan, pagbibigay ng ulat, at iba pang kauri nito.
PANREGULATORI
Tumutukoy ito sa pagkontrol ng ugali o asal ng ibang tao. Saklaw ng gamit na ito ang pagbibigay ng direksiyon gaya ng pagtuturo kung saan matatagpuan ang sang partikular na lugar; direksiyon sa pag-inom ng gamot; direksyon sa pagsagot sa pagsusulit; at direksiyon sa paggawa ng anumang bagay. Halimbawa ng gamit panregulatori ang mga instrukstyon sa mga artistang gumaganap sa drama sapagkat kontrolado ng iskrip ang kanilang mga kilos at galaw.
Ngayon naman, basahin at suriin ang halimbawang teksto na nagsasaad ng gamit panregulatori ng wika.
Paano Magagamit Muli ang Basura?
KAPANSIN-PANSIN ang mga basurang nagkalat sa kapaligiran. Tinatayang sa Metro Manila lamang ay umaabot na sa 4,000 tonelada ang basurang nahahakot araw-araw. Paano pa ang mga basurang nagkalat sa ibang lugar sa bansa?
Batid nating hindi kaaya-aya sa paningin ang mga basurang nagkalat sa ating paligid. Nagsisilbi rin itong lugar o breeding place sa mga organismong nagdadala ng sakit sa tao.
Bilang tugon sa suliraning ito, kinakailangan nating matutuhan ang wastong paggamit at pagreresiklo ng basura.
Una, dapat na bawasan natin ang labis na paggamit ng mga bagay na disposables o laging tinatapon. Oo nga’t mabuti itong gamitin subalit isa rin ito sa mga sumisira sa kapaligiran.
Ikalawa, paghiwalayin ang mga basurang tuyo at basurang bas. Mula rito ay ihiwalay muli ang mga basurang natutunaw at di natutunaw. Ang mga basurang natutunaw ay tinatawag na biodegradables. Kung ang mga bagay na ito ay mapahahanginan ay daraan sila sa ilang pagbabago sa pamamagitan ng decomposers. Ang mga basurang hindi natutunaw ay tinatawag namang nonbiodegradables. Ito naman and pinaniniwalaang labis na nakapipinsala sa ating kapaligiran.
Pangatlo, iresikio ang mga basura sa halip na itapon at bumara sa mga daluyan ng ating tubig.
- Ang mga basyong bote ay maaaring gawing plorera o pandekorasyon sa bahay lalo na ang mga bote ng pabango.
- Ang mga styrofoam ay maaaring tunawin at gawing pandikit na tulad ng rugby.
- Ang mga lata ay maaaring gawing lalagyan muli ng malilit na bagay tulad ng tornilyo, pako, at iba pa.
- Ang mga tuyong dahon sa mga halamanan ay maaaring ibaon sa lupa upang maging compost.
Samakatwid, napakarami nating magagawang hakbang upang ang mga basura ay mapakinabangan, sa halip na maging malaking suliranin ng bayan. Kailangan !amang ay ang dedikasyon natin at disiplina upang magkaroon ito ng kabuluhan.
PANG-INTERAKSIYONAL
Ang gamit na ito makikita sa paraan ng pakikipagtalakayan ng tao sa kanyang kapwa: pakikipagbiruan; pakikipagtalo tungko sa partikular na isyu; pagsasalaysay ng maluungkot o masasayang pangyayari sa isang kaibigan o kapalagayang loob; paggawa ng iiham-pangkaibigan, at iba pa.
Basahin at suriin ang teksto sa ibaba.
Ang Buhay–High School .
BUHAY-HIGH SCHOOL. Marahil ay ito na ang pinakamakulay na yugto ng ating buhay. Bakit nga naman hindi? lto ang panahon ng walang tigil na halakhakan at kuwentuhan ng magkakaklase. Ito rin ang panahon ng pagbubuo ng mga alaalang hinding-hindi kailanman malilimutan.
Sa loob ng apat na taon ay natuto tayong umasa sa sarili nating kakayahan at tumayo sa sarili nating mga paa. Ngunit naroon pa rin ang ating kamusmusan—ang iba’t ibang rekado ng buhay. Naroon ang masasayang tagumpay sa mga pagsubok na dumating sa tinatahak nating landas. Subalit marami pa rin ang ating pagkatalo na nagdulot sa atin ng matinding kabiguan.
Dito rin ay namulat tayo sa katotohanang ang buhay ay hindi laging makatarungan. Nagising tayo sa katotohanang kailangan muna nating madapa bago tayo matutong bumangon at lumakad tungo sa ating kapalaran.
Ngayon, ana di maiiwasan ay narito na—ang pagtatapos. Hindi natin maiwasan ang lumingon pabalik sa ating pinagdaanan. Sa daang iyon ay kasa-kasama natin ang ating mga kaibigan—mga tunay na kaibigan na nakilala natin sa high school. Siyempre, hindi rin natin malilimutan ang mga gurong naging pangalawang magulang natin sa paaralan. Ang kanilang mga gintong pangaral ang naging gabay natin sa ating paglalakbay patungo sa karagatan ng karunungan.
Magkahalong saya at lungkot ang madadama natin sa araw ng ating pagtatapos. Saya sa dahilang nagbunga na rin sa wakas ang apat na taong pagsusunog ng kilay at lungkot din naman, sa dahilang magkakanya-kanya na tayo at hindi na natin matitiyak kung kailan pa muling magsasalubong ang ating mga landas.
Para sa kapwa kong magsisipagtapos, huwag na huwag nating kalilimutan ang ilaw ng ating karunungan—ang paaralan. At hindi sa pagtatapos magwawakas ang lahat. Manapa ay simula lamang ito ng higit na mapaghamong buhay na naghihintay sa atin.
PAMPERSONAL
Naipahahayag sa gamit na ito ang sariling pala-palagay o kuro-kuro sa paksang pinag-uusapan. Kasama rin dito ang pagsulat ng talaarawan o journal. Dito rin naipapahayag ang pagpapahalaga sa anumang anyo ng panitikan.
Basahin at suriin ang teksto sa ibaba.
Panganib sa Paglalakbay
MAY ISANG MALAKING bagay na maaaring hindi kapuna-puna bilang sakripisyo subalit patuloy pa ring tinitiis araw-araw ng mga taong nasa malalaking lungsod sa ating bansa: ang paglalakbay.
Ang pagpaparoo’t parito ng isang karaniwang mamamayan sa kanyang pupuntahan ay mabibilang na rin sa mga panganib na nakaamba sa kanyang buhay at kalusugan.
Sa humigit-kumulang sa isang oras na nasa kalye ang isang manggagawa o mag-aaral papasok sa trabaho o paaralan—at isang oras ding papauwi ng bahay—ay nahahantad siya: una, sa mga sasakyang pinakakaripas ng mga motoristang tila walang pagpipitagan sa buhay ng mga taong naglalakad; ikalawa, sa nakalalasong usok-tambutso na kanyang hinihinga; ikatlo, sa nakalalasong usok-sigarilyo mula sa mga kapwa pasahero; ikaapat, sa mga sari-saring mandurukot, manggagantso, mandarambong na naglipana sa paligid; at ikalima, sa mga nakangangang butas at lubak sa kanyang dinaraanan sanhi ng kapabayaan ng mga namamahala sa walang katapusang paghuhukay sa ating kalye.
Nakadaragdag pa sa paghihirap na ito ng katawan ay ang pamimigat ng loob na maaaring madama niya sa pagkakapuna sa paghihirap ng kapwa: ang pagdarahop na namamalas sa mga pulubing nagkalat sa paligid, ang di pagbibigayan sa trapiko ng mga nagmamaneho ng sasakyan, ang walang patumanggang paglabag sa batas-trapiko ng mga tsuper, ang kakulangan ng disiplina ng mga pasahero, at iba pa. Lalabas ka sa bahay na bagong ligo at preskong-presko ngunit ang mga ito ang madaraanan mo, sa araw-araw na tayo ay naglalakbay. Anupa’t hindi ka pa nakararating sa iyong patutunguhan, para ka nang lantang gulay sa pagod dahil sa kaiiwas sa kapahamakan.
Ang paghihirap na ito ng isang manialakbay’ ay hindi maituturing na panganib lalo na sa manggagawa ka0 hindi sakop ng insurance at di kasali sa hazard pay. Sa mga mag-aaral ay panganib din ito, subalit may nakikinig ba?
Sa mga panganib na nabanggit, may isa pang maaaring nakalilimutan natin ngunit siyang may pinakamalaking ambag sa maraming kapahamakang nagaganap minu-minuto: ang ating pagsasawalang bahala.