Mga Hakbang at Prinsipyo sa Pagsulat ng Saliksik

Ang pagsusulat ay isang proseso at ang mabisang paraan upang matutong sumulat ay ang pagsisimula nito. Mahalagang maging matiyaga at masigasig ang sinomang nais sumulat ng pananaliksik. Ayon kay Neuman (2012), wala mang perpekto at iisang paraan ng pagsulat, may mga hakbang na matutukoy sa mabisang pagsasagawa nito. Ito ang sumusunod:

Pre-writing

Tumutukoy ang yugtong ito sa lahat ng paghahanda bago ang aktuwal na pagsulat. Kinapapalooban ito ng paglalatag ng mga tala mula sa nakuhang datos, paghahain ng mga ideya, pagbabalangkas, pagtitiyak sa mga sanggunian, at pagsasaayos ng mga nabuong komento at punto.

Kadalasang mahirap para sa nagsisimulang magsulat ang yugto ng pre-writing at may pagkakataong nilalampasan pa ito. lto ang nagdudulot ng hilaw na paglalatag ng ideya o sa madaling sabi, mahinang kalidad ng pananaliksik. Mahalagang isaisip na ang pre-writing ay esensiyal na panahon ng pag-iisip para sa paksa. Natural na tumagal ito ng higit sa isang linggo—isang katotohanang hindi minamadali ang anomang pananaliksik.

Composing

Ito ang yugto ng aktuwal na pagsulat ng pananaliksik. Kadikit nito ang pagsasayos ng bibliyograpiya at talababa, paghahanda para sa presentasyon, at pagbubuo ng introduksiyon at kongklusyon. 

Mabisang teknik sa yugtong ito ang free writing. Sa free writing, tuloy-tuloy na isinusulat ng mananaliksik ang lahat ng ideyang pumasok sa kaniyang isipan. Sa nasabing paraan, ang mananaliksik ay hindi tumitigil para basahin lamang ang kaniyang naisulat at isaayos ang kaniyang gramatika, gamit ng salita, o bantas.

Hinahayaan din niyang dumaloy ang lahat ng kaniyang ideya sa papel at saka na lamang rerepasuhin matapos. Sa pamamagitan ng free writing, napatatatag ang ugnayan sa pagitan ng mabilis na dagsa ng ideya at ng pagsulat.

Rewriting

Ito ang yugtong tinatasa at nirerepaso ng mananaliksik ang sulatin sa pamamagitan ng pagtitiyak sa kaisahan ng mga ideya at pahayag, pagwawasto sa mga maling gramatika, pagtitiyak na kinilala ang mga sinangguni, at pagrerebyu sa tono at paraan ng pagkakasulat. ito ay sapagkat hindi natatapos ang proseso sa aktuwal na pagsulat. Mahalagang balikan muli ang nabuong saliksik upang pakinisin pa ang mga pahayag. Nakatutulong ang yugtong ito sa mabisa at malinaw na daloy ng saliksik. 

Natural sa mga saliksik, partikular ang nasa anyong draft o borador pa lamang, na sumailalim sa rewriting. Sa katunayan, maging si Ernest Hemingway ay sinasabing nagrepaso nang 39 na ulit ng katapusan ng nobelang Farewell to Arms. Para sa isang pananaliksik, karaniwang dumadaan sa tatlo hanggang apat na rebisyon ang sulatin. Huwag panghinaan ng loob na isagawa ito dahil tiyak na mapabubuti nito ang saliksik. Makatutulong ding bago simulan ang rebisyon ay palipasin muna ang ilang araw na hindi binibisita ang sulatin. Sa ganitong paraan, nababakante ang isip sa anomang pagkiling na maaaring nabuo sa panahon ng pagsulat ng borador ng pananaliksik.

Nagbigay rin si Denscombe (2003) ng mga bagay na mahalagang isaalang-alang sa pagbuo ng saliksik. Ayon sa kaniya, kailangang tiyakin ng isang mananaliksik na ang sulatin ay nakatutugon sa sumusunod:

Inaasahan ng Mambabasa

Mahalagang alam ng mananaliksik kung para kanino ang kaniyang sinusulat. Ang pagiging epektibo ng isang sulatin ay nakasasalay sa pagtugon ng mananaliksik sa inaasahan ng kaniyang mambabasa. Kung ang sulatin ay isang kahingian sa klase, kadalasang tinatasa ng guro ang pagiging malinaw, lohikal, at tapat ng panananaliksik. Kung laan ito sa mga mag-aaral, esensiyal ang paglalatag ng mga depinisyon para sa mga teknikal na termino. Ang bagay na ito ay hindi na karaniwang kinakailangan kung ang saliksik ay para sa mga dalubhasa sa larangan. Higit na pinagtutuunan ng mga eksperto ang paraan ng pagsusuri sa mga inilatag na variable at pangangalap ng datos. Para sa mga praktisyoner ng larangan, karaniwan namang hinahanap ang maikling Iagom ng pagsasagawa ng pananaliksik at ang simpleng paglalatag ng resulta sa pamamagitan ng mga tsart at grap. At kung ang saliksik naman ay laan sa publiko, mahalagang maging simple ang mga pahayag at malinaw na natutukoy ang pakinabang o implikasyon ng kinasapitan ng pag-aaral.

Itinatakdang Kumbensiyon

Nararapat na matiyak ng mananaliksik ang kumbensiyong itinatakda sa ginagawang sulatin sapagkat may epekto ito sa estilo ng presentasyon, paraan ng pagsangguni o citation, detalye at haba ng sulatin, paglalatag ng teknikal na impormasyon, at paggamit ng mga salita. Ayon kina Constantino at Zafra (1997), karaniwang itinatakdang kumbensiyon sa pagsulat ng saliksik ang paggamit ng seryoso, obhetibo, pormal, at hiwalay (detached) na tono o saloobin ng manunulat sa kaniyang paksa. Naipapakita ito ng hindi kumbersasyonal na gamit ng wika, paggamit ng ikatIong panauhan, at pagpapaloob ng mga salita o terminong teknikal sa sulatin. 

Para sa pagbuo ng tesis at disertasyon, maaaring tingnan ang gabay na ibinibigay ng British Standards Specification no. 4821. Makatutulong naman para sa mga artikulong pampananaliksik ang Publication Manual of the American Psychological Association. Mayroon ding mga libro na sadyang nakatuon sa kumbensiyon ng teknikal na pagsulat gaya ng Manual for Writers of Term Papers, Theses and Dissertations (Turabian 1987). Gayunman, mahalagang isaisip na walang iisang panuntunan sa pagsulat ng saliksik na sumasaklaw sa lahat ng sitwasyon at nagbibigay ng kumbensiyong tinatanggap ng lahat.