1. Alamin kung ano ang inaasahan o layunin ng susulatin
Bago pa man simulan ang pagpili ng iyong paksa ay mahalagang maUman mo muna ang layunin sa pagbuo ng sulating pananaliksik para maihanay o maiugnay mo sa mga layuning ito ang iyong mga gagawin. Halimbawa’y ito ang layuning sasabihin ng inyong guro:
Ang layunin ng gawaing ito ay maipamalas mo ang kasanayan sa pananaliksik sa Filipino batay sa kaalaman sa oryentasyon, layunin, gamit, metodo, at etika ng pananaliksik sa pamamagitan ng pagbuo ng sulating pananaliksik patungkol sa mga paksang napapanahong magagamit ng mga guro at administrador ng ating paaralan sa. pagpaplano at pagpapabuti ng mga programa at serbisyo ng paaralan para sa mga mag-aaral.
Mula sa layuning ito ay mag-isip ka ng paksang tutugma rito. Hindi dapat lumayo ang iyong paksa sapagkat may dahilan ang guro sa pagpili ng layuning pagmumulan ng sulating pananaliksik ng kanyang mga mag-aaral.
2. Pagtatala ng mga posibleng maging paksa para sa sulating pananaliksik
May mga gurong nagbibigay ng mga paksang maaaring pagpilian ng mga mag-aaral. Ang mga paksang ito ay nakaugnay sa mga layunin. Kung sakaling wala kang magustuhan sa mga paksang ibinigay upang pagpilian ay maaari mong kausapin ang iyong guro upang mabigyan ka ng pagkakataong pumili ng ibang paksang malapit sa iyong puso at interes. Mahalagang lagi kang makipag-ugnayan sa iyong guro para makuha ang pananaw niya sa mungkahi mong paksa bago pa man ito simulan upang maiwasang mathyang ang oras mo kung sakaling may ibang suhestiyon pa ang iyong guro kaugnay nito.
Kung sakaling walang ibibigay na paksang pagpipilian ang guro at ikaw ay mabibigyan ng pagkakataong pumili ng sarili mong paksa, isa itong maganda subalit mapanghamong gawain. Maaari kang maupo at mag-isip ng lahat ng mga posibleng paksa. Pag-isipan ang paksang malapit sa puso mo na tutugma sa Iayuning ibinigay ng guro. Isulat mo ang lahat ng ideyang papasok sa isipan mo para mas marami kang mapagpilian. Huwag mong limitahan ang mga isusulat at iwasang i-edit ang sarili mo. Pagkatapos mong maisulat ang mga posibleng pagmulan ng iyong paksa ay iwan mo muna ito upang higit kang maging handa sa susunod na hakbang.
3. Pagsusuri sa mga itinalang ideya
Muling balikan at isa-isang basahin ang mga isinulat mong ideya. Suriing mabuti ang bawat isa gamit ang sumusunod na mga tanong:
- Alin-alin sa mga ito ang magiging kawili-wiling gawin o saliksikin para sa iyo?
- Bakit ka interesado rito?
- Alin ang posibleng makatulong sa iba kapag naihanap ito ng kasagutan?
- Alin ang alam na alam mo na? Alin ang gusto mo pang lalong makilala o mapalawak ang iyong kaalaman?
- Alin ang maaaring mahirap ihanap ng kagamitang pagkukunan ng impormasyon?
- Alin ang masyadong malawak at mahirap gawan ng pananaliksik?
- Alin naman ang masyadong limitado o maliit ang sakop?
- Alin ang angkop sa iyong antas at kakayanin mong tapusin sa itinakdang panahon?
4. Pagbuo ng tentatibong paksa
Mula sa mga sagot mo sa mga tanong na ito ay matutukoy mo kung alin sa mga nakatala sa iyong papel ang maaari mong ipursige bilang paksa ng iyong sulating pananaliksik. Lagyan ng tsek (✓) ang mga ito gamit ang mga naunang tanong bilang gabay. Muli, suriing mabuti ang mga napili mo. Magdesisyon ka at itanong sa sarili:
Alin kaya sa mga ito ang pinakagusto ko o pinakamalapit sa aking puso, pinakamadali kong maihahanap ng kasagutan, pinakamadaling maiugnay sa layunin, at tiyak na matatapos ko sa limitadong oras na ibinigay sa akin para tapusin ang gawain?
Batay sa sagot na ibibigay mo sa tanong na ito ay mapipili mo na ang iyong tentatibong paksa.
5. Paglilimita sa paksa
Maaaring sa una’y malawak ang paksang mabubuo mo kaya’t kakailanganin mong limitahan ito upang ma. gkaroon ng pokus ang gagawin mong pananaliksik. Tandaang hindi dapat maging masyadong malawak o masaklaw ang paksa na sa dami ng impormasyong gusto nitong patunayan ay hindi na matatapos sa, takdang panahon at hindi maihahanap ng angkop na kasagutan. Makikita sa ibaba ang ilang halimbawa ng paglilimita sa isang malawak o pangkalahatang paksa:
Malawak o Pangkalahatang Paksa:
- Labis at Madalas na Pagpupuyat ng mga Mag-aaral
Nilimitahang Paksa:
- Mga Dahilan sa Labis at Madalas na Pagpupuyat ng mga Mag-aaral at ang Epekto nito sa Kanilang Gawaing Pang-akademiko
Lalo Pang Nilimitahang Paksa:
- Mga Dahilan sa Labis at Madalas na Pagpupuyat ng mga Mag-aaral sa Ikasampung Baitang ng Heneral Gregorio Del Pilar High School at ang Epekto Nito sa Kanilang Gawaing Pang-akademiko
Malawak o Pangkalahatang Paksa:
- Persepsiyon sa mga taong may tattoo sa katawan
Nilimitahang Paksa:
- Persepsiyon ng kabataan sa mga taong may tattoo sa katawan
Lalo Pang Nilimitahang Paksa:
- Persepsiyon ng kabataang nasa edad 13-19 sa mga taong may tattoo sa katawan
Sa paglilimita sa iyong paksa, iwasang maging lubha naman itong limitado na halos wala ka nang pagkakataon upang mabuo ito bilang isang sulating pananaliksik. Kung masyadong limitado ang paksa ay maaaring magkulang ang mga gamit na kakailanganin mo para dito. Dito mangangailangan ka ng modipikasyon o bahagyang pagpapalawak sa iyong paksa upang maging mas makabuluhan ang kalalabasan ng iyong pag-aaral.