Mga Katangian ng Sulating Pananaliksik

Upang higit pang mapagtibay ang iyong kaalaman ukol sa pananaliksik ay kailangang kilalanin mo ang mga katangian nito. Ang pananaliksik ay:

  • Obhetibo – Naglalahad ng mga impormasyong hindi basta galing sa opinyon o kuro-kurong pinapanigan ng manunulat kundi nakabatay sa mga datos na maingat na sinaliksik, tinaya, at sinuri.
  • Sistematiko – Ito ay sumusunod sa lohikal na mga hakbang o proseso patungo sa pagpapatunay ng isang katanggap-tanggap na kongklusyon.
  • Napapanahon o maiuugnay sa kasalukuyan – Nakabatay sa kasalukuyang panahon (tukoy nito ang petsa at taon), nakasasagot sa suliraning kaugnay ng kasalukuyan, at ang kalalabasan ay maaaring maging basehan sa desisyong pangkasalukuyan
  • Empirikal – Ang kongklusyon ay nakabatay sa mga nakalap na datos mula sa tunay na naranasan at na-obserbahan ng mananaliksik.
  • Kritikal—Maaaring masuri at mapatunayan ng iba pang mananaliksik ang proseso at kinalabasan ng pag-aaral dahil taglay nito ang maingat at tamang paghahabi at paghahatol ng mananaliksik.
  • Masinop, Malinis, at Tumutugon sa Pamantayan—Nararapat itong sumunod sa mga pamantayang inilahad at kakikitaan ng pagiging masinop at malinis sa kabuoan.
  • Dokumentado—Nagmula sa mga materyales ang mga impormasyon at datos. Binigyan ng karampatang pagkilala ang pinagmulan ng mga ito.

Dahil sa kakanyahang ito, ang isang mananaliksik kung gayon ay may mga bagay na dapat laging isaisip. Ayon sa mga propesor na sina Constantino at Zafra (2010), ang isang mananaliksik ay dapat magtaglay ng sumusunod na inga katangian:

  1. Matiyaga sa paghahanap ng mga datos mula sa ibang mapagkukunan ng sandigan.
  2. Mapamaraan sa pagkuha ng mga datos na mahirap kunin.
  3. Maingat sa pagpili ng mga datos batay sa katotohanan at sa kredibilidad ng pinagkukunan; sa pagsisiguro sa lahat ng panig ng pagsisiyasat; at sa pagbibigay ng mga kongklusyon, interpretasyon, komento, at rekomendasyon.
  4. Analitikal sa mga datos at interpretasyon ng iba tungkol sa paksa at mga kaugnay nito.
  5. Kritikal sa pagbibigay ng interpretasyon, kongklusyon, at rekomendasyon sa paksa.
  6. Matapat sa pagsasabing may nagawa nang pag-aaral ukol sa paksang pinag-aralan; sa pagkuha ng mga datos nang walang itinatago, iniiwasan, ipinagkakaila, nang walang pagkilala at permiso kaninuman; at sa pagtanggap sa limitasyon ng pananaliksik.
  7. Responsable sa paggamit ng mga nakuhang datos, sa mga tao o institusyong pinagkunan ng mga ito at pagtiyak na maayos at mahusay ang mabubuong pananaliksik mula sa format hanggang sa nilalaman at sa prosesong pagdadaanan.

Gayundin naman, ang isang mananaliksik ay dapat maging mapagmasid o mapag-obserba, curious, at sensitibo sa mga isyung panlipunang maaaring mahagip ng pagsasaliksik na ginagawa, maingat sa mga terminong ginagamit sa pananaliksik, at sinisigurong tama ang paggamit sa mga ito.