Sa pagsulat at pagsusuri ng akda, mahalaga ding sipatin ang mga partikular na kategoryang kultural. Ang mga ito ang nagbibigay ng magkakaibang pananaw sa pagsulat at pagbasa ng akda. Ilan sa mga kategoryang kultural na ito ang lahi at etnisidad, uri, at kasarian at seksuwalidad. Sa pagsasaalang-alang sa mga ito, nagiging mas makabuluhan ang pagtalakay sa panitikan ng Pilipinas (Tolentino, 2009).
Lahi at etnisidad
Sa kategoryang kultural na ito, sinisipat ang mga ugnayang naging ugat at nagpapanatili ng pagiging makapangyarihan ng mga nasa sentro (Estados Unidos o Europa, Maynila, Tagalog) at pumipipi sa bernakular, katutubo, at mga dating kolonya. Tinitingnan dito hindi lamang kung paano nang-api at nanakop ang mga pribilehiyado, kundi kung paano binangga ng mamamayan ang kolonyalismo at neokolonyalismo.
Uri
Sa kategoryang kultural na ito, sinisiyasat ang class background, class interest, at kolektibong pagbabago. Paano nag-iisip at kumikilos ang mga tao sa isang kapitalistang lipunan? Anong pang-uring interes ang nangingibabaw sa kanilang mga iniisip at kinikilos? Bakit mariing tinututulan ng may-ari ng kompanya ang pagtatayo ng unyon ng mga empleyado nito? Bakit mas madalas na mabiktima ng prostitusyon ang mga taong walang ekonomiyang kapangyarihan sa lipunan? Bakit patuloy na yumayaman ang mayayaman at humihirap ang mahihirap? Paano binabago ng mga tao ang kanilang kondisyon sa lipunan?
Kasarian at seksuwalidad
Ang kasarian ay ang panlipunang pananaw ukol sa pagkalalaki at pagkababae. Halimbawa, ang lalaki ay hindi dapat umiyak dahil senyal ito ng pagiging mahina. Ang babae naman ay pinagbabawalang magsuot ng maiikling palda dahil senyal ito ng hindi pagiging disente. Ang seksuwalidad naman ay usaping biolohikal. Dahil sa heteronormativity na nag-aatas sa heteroseksuwalidad bilang pribilehiyadong seksuwalidad sa lipunan, naisasantabi ang mga bakla, lesbiyana, transgender, at iba pang seksuwalidad.