Mga Motibasyon sa Pagsulat ng Malikhaing Akda

4389

Itatanong mo, bakit tumutula ang mga makata at kumakatha ang mga kuwentista? Ano ang nakukuha nila sa pagsusulat? Ang mga sumusunod ay ilang motibasyon sa pagsulat ng malikhaing akda:

1. Pagpapahayag ng damdamin.

Sinubukan o binalak mo na bang magsulat ng tula para sa iyong crush? Ibinigay mo ba ito sa kaniya o itinago mo lamang sa iyong shoebox? May ilan namang isinusulat nila sa kanilang diary o journal ang kanilang nararamdaman at naiisip. Ginagawa mo rin ba ito, o sa social media mo na inilalabas ang iyong saloobin? Ano pa man ang midyum na gamitin, naipahahayag natin ang ating damdamin sa pamamagitan ng pagsulat. Madalas, dahil sa kakulangan ng karanasan at kawalan ng muwang sa mga nangyayari sa kapaligiran, ang kabataang manunulat ay nagsisimula sa mga romantikong akda. Siya ay nagsusulat lamang upang isiwalat ang kaniyang nararamdaman; at ang ekspresiyong ito ay hinuhugot niya lamang sa karanasang hiwalay sa salimuot ng kaniyang kapaligiran.

2. Prestihiyo.

May mga nagsusulat ng malikhaing akda na ang layunin ay makilala sa mundo ng panitikan. Totoo, may prestihiyo sa pagsusulat. Kapag nalaman ng iba na nakapaglathala ka ng koleksiyon ng mga tula o kuwento, tiyak na tataas ang tingin sa iyo ng marami.

May mga nangangarap na susunod na Virgilio Almario, F. Sionil Jose, Cristina Pantoja-Hidalgo, at iba pang maituturing na kasalukuyang pundasyon ng panitikang Filipino. May mga nagsusulat upang makilala tulad nina Egay Samar, Allan Popa, Bob Ong, at iba pang bagong henerasyon ng manunulat. May mga nag-aambisyong maging international superstar sa panitikan tulad nina J.K. Rowling, Haruki Murakami, Maya Angelou, at iba pa. 

Isa sa mga paraan upang makilala ay ang pagsali sa mga paligsahang pampanitikan. Ang Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ang itinuturing na pinakaprestihiyosong patimpalak sa panitikan sa bansa. Para sa maraming manunulat, ang pagkapanalo sa Palanca ay patunay ng kanilang kahusayan bilang manunulat. Bagaman may mga naniniwalang hindi dapat pinagsasabong ang mga manunulat, hindi maikakailang nagbubukas ang ganitong mga patimpalak ng pinto para sa mga bagong manunulat.

3. Kabuhayan.

Hanapbuhay para sa maraming manunulat ang pagsulat ng malikhaing akda. Ito ang pangunahing kabuhayan ng ilang nagsusulat ng romance novels, komiks, teleserye, at mga malikhaing akda sa blog at online writing community. Totoo naman ito sa ibang bansa kung saan buhay na buhay ang kultura ng pagbasa. Ibig sabihin, may populasyong talagang nagbabasa hindi dahil pinuwersa sila ng mga magulang o guro, kundi dahil gusto nila. Nalilibang sila sa pagbasa. Ibig sabihin din, may populasyong regular na bumibili ng mga aklat. Dahil sa mataas na demand, palagiang kumakatha ang mga manunulat dahil may mga publikasyong maglalathala ng kanilang akda. Bagaman nahuhuli pa rin kumpara sa ibang bansa sa Asya kung pagbasa ang pag-uusapan, unti-unting sumisigla ang kultura ng pagbasa sa Pilipinas. Ito ay nagbibigay ng motibasyon sa mga manunulat na ituloy at paghusayan pa ang kanilang pagsulat.

4. Pagmulat at pagkilos.

Sa kabila ng mga napakalaking hamon sa pagsulat ng akda, bakit marami pa rin ang nagsusulat? Bakit sila nagpapagod at gumugugol ng panahon para sa pagsulat ng isang akda na maaaring kaunti lamang ang makababasa? Isa sa mga dakilang layunin ng ilang manunulat ang imulat ang mga mambabasa sa mga nangyayari sa kanilang kapaligiran. Ipinakikita nila sa kanilang mambabasa ang mga bagay na karaniwang hindi nakikita sapagkat ikinukubli at binibigyan nila ng boses ang mga tinanggalan ng boses sa lipunan. Sa pamamagitan ng panitikan, umaasa ang ilang manunulat na mapakikilos nila ang mga mambabasa tungo sa mga pagbabago sa Iipunan.

BUOD

Ang malikhaing pagsulat ay isang sining na hinahango mula sa karanasan ng manunulat. Pumupukaw ito ng damdamin at isipan habang binibigyan ng iba’t ibang lente sa pagsipat sa ating sarili at sa ating kapaligiran. Ang teknikal/akademikong pagsulat naman ay may higit na estriktong estruktura sa pag-aayos ng mga ideya at ang karaniwang layunin ay ang magtalakay ng paksa, magpakita ng datos, at magbigay-kaalaman.

Nagsusulat ng malikhaing akda upang magpahayag ng damdamin at makilala sa mundo ng panitikan. Sa Pilipinas, patuloy pa rin sa pagsulat ang mga manunulat dahil sa pangangailangan nilang mabasa, samantalang ang ilan ay umaasang mamumulat at mapakikilos nila ang mga mambabasa tungo sa mga pagbabago sa lipunan.