Ang Pahina ng Pamagat
Dito nakatala ang pamagat ng pamanahong papel, pangalan ng mga mananaliksik, kanilang affiliation (anong unibersidad at kolehiyo), ang gurong tagapatnubay, ang kanyang affiliation, at ang petsa ng pagpasa.
Abstrak
Ito ang pinakabuod ng pag-aaral na nakapaloob sa isang talata. Kasama rito ang layunin ng pag-aaral, pamamaraan o metodo, mga pangunahing resulta ng pag-aaral, at kongklusyon.
Panimula/Introduksiyon
Sa panimula inilalagay ng mananaliksik ang kanyang intensiyon kung bakit binuo ang papel at kalakip nito ang batayang teoretiko. Ang batayang teoretiko ay isang sistema o modelo na sinusunod ng manunulat upang panindigan ang kanyang pananaliksik. Ito ay maaaring mula sa mga pag-aaral ng isang eksperto o mga praktikal na aplikasyon. Kasama pa rin sa panimula ang maikling paliwanag sa disenyo ng pag-aaral.
Mga Kagamitan at Pamamaraan
Sa bahaging ito dinodokumento ang espesyal na kagamitang ginamit at mga hakbangin sa pagkuha ng datos. Halimbawa, sa isang eksperimento sa laboratoryo, ilalahad sa bahaging ito ang mga solution at reagent na ginamit. Sa pagdodokumento ng pangyayari, maaaring may isang hidden at specialized camera. Ang pamamaraan naman ay maaaring pakikipanayam, pagpapasagot ng sarbey o tseklist, obserbasyon, imersiyon, pakikihalubilo, at marami pang iba. Hinihiling na maging maikli, tuwiran, at kompleto ang paglalahad at iwasan na maging detalyado sa maliliit na mga gawain.
Resulta ng Pag-aaral
Dito iniuulat ang mga datos na nakalap sa tulong ng mga bilang, talahanayan, tsart, dayagram, larawan, at grap. Hinihiling na ipresenta ang mga dokumento sa pinaka-epektibong paraan. Kalakip ng mga pantulong na grapiko ang pamagat at maikling deskripsiyon tungkol dito.
Pagtalakay
Sa bahaging ito inilalagay ang iyong interpretasyon o pagpapakahulugan sa mga datos na nakolekta. Inaasahan na malinaw at malalim ang pagtalakay rito. Kung ang resulta ng pag-aaral ay taliwas sa inaasahan, magbigay ng mga katanggap-tanggap na dahilan. Kung ito naman ay pabor, suportahan ng iba pang pag-aaral o ebidensiya na magpapatibay sa kinalabasan ng inyong pananaliksik. Kailangang mahusay at matibay ang pagkakagawa ng bahaging ito sapagkat dito ibabatay ang bubuoing kongklusyon.
Kongklusyon
Ang kongklusyon ay ang iyong matibay na pagpapasiya at pagpapalagay sa kinahantungan ng iyong pag-aaral. Iniiwasan dito ang purong opinyon at intuwisyon. Ang nabuong kongklusyon ay maingat na binuo, batay na rin sa mga nakalap at inayos na datos at impormasyon. Dapat ang kongklusyon ay rasonable at mapangangatwiranan. Ang iyong munting pag-aaral ay hindi makasasakop sa kabuoan o laging totoo sa ilan at iba pang pagkakataon kung kaya’t iwasan ang pagbibigay ng paglalahat o generalization.
Mga ginamit na sanggunian
Sa bahaging ito itinatala ang lahat ng mga babasahin, gaya ng aklat, dyornal, pahayagan, magasin, at nalathalang pag-aaral. Kasama pa rin ang mga sanggunian mula sa Internet at mga dokumentadong artikulo na nasa anyong multimedia, gaya ng video, slides, at audialvisual tapes o cd. Ang pag-aayos ng mga sanggunian sa bibliyograpiya ay paalpabeto gamit ang pangalan ng awtor. Kung gumamit ng maraming dyornal, maaaring ayusin ang mga ito batay sa pinaka-napapanahong isyu pa-tungo sa luma. lwasang gumamit ng di nalathalang teksto gaya ng handout mula sa guro o tala mula sa lektyur, gayundin ang pinakalumang sanggunian. Sa pananaliksik, naaangkop lamang ang mga sanggunian na nakapaloob sa hinaharap hanggang sa sampung taong lumipas. Maging maingat naman sa pagpili ng mga web site. Humanap na mga angkop na web site na binuo ng mga eksperto at kapani-paniwalang institusyon sa larangan ng sinasaliksik.