Sa makabagong takbo ng panahon kung saan ang mundo ay pinatatakbo ng teknolohiyang bunga ng mga imbensiyon sa larangan ng Agham at Teknolohiya, ang pananaliksik o riserts ay may mahalagang gampanin sa iba’t ibang larangan.
Ang pananallksik o riserts ay ang makaagham na pagkuha at pangangalap ng mga tala upang masubok ang isang teorya nang sa gayon ay malutas ang isang suliranin. Dito ay lubos na kailangan ang pagtitiyaga at maingat na paghahanap ng mga kinakailangang datos upang matiyak na matatanggap ang mga impormasyon o datos na nalikom upang mapatotohanan ang teoryang nais malaman o patunayan sa pananaliksik.
Isang mahalagang aspekto ng pag-aaral sa Senior High School ang kaalaman ng mga mag-aaral sa pananaliksik. Itinatadhana ng kurikulum sa Filipino mula sa Kagawaran ng Edukasyon para sa iba’t ibang kurso at larangang pang-akademiko ang pagkakaroon ng mga komponent ng pananaliksik o riserts upang lubusang malinang ang kasanayan ng mga mag-aaral sa gawaing ito.
Sa modyul na ito, bibigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na tulad mo na magsuri ng abstrak ng mga natapos na pag-aaral at pananaliksik hinggil sa wika at mga aspektong nagpapaangat sa ating kultura.
Nagbabasa ka ba ng komiks? Ano-anong aral ang nakukuha mo sa pagbabasa nito?

Ang komiks ay kuwento ng mga pangyayaring inilalahad sa pamamagitan ng mga ilustrasyon. Ito ay inilalarawan sa tulong ng mga frame o kuwadro na naglalahad nang sunod-sunod na mga pangyayari hanggang sa katapusan ng kuwento.
Nakakita ka na ba ng isinakomiks na mga klasikong akda tulad ng Ibong Adarna, Florante at Laura, Noli Me Tangere, at El Filibusterismo? Madali mo bang naunawaan ang nilalaman ng mga ito sa iyong pagbabasa?
Basahin sa ibaba ang abstrak ng ginawang pag-aaral hinggil sa mga pagpapahalagang sosyal at moral na matatagpuan sa isinakomiks na mga klasikong akda.
ANG PAGIGING EPEKTIBO NG
ISINAKOMIKS NA FILIPINO KLASIKS SA
PAGTUTURO NG PANITIKANG PILIPINO NA
MAY TUON SA PUNTONG SOSYAL AT
MORAL: ISANG PAGSUSURI
– Servillano T. Marquez Jr., PhD
Panimula Isinagawa ang pag-aaral sa layuning maipakita ang kahalagahan ng komiks bilang isang instrumento sa paglinang ng mga pagpapahalagang moral at pagmumulat sa mga kabataan sa mga implikasyong sosyal na nakaaapekto sa kanila gamit ang apat na klasikong nobela na ginagamit sa pag-aaral ng panitikang Pilipino.
Bilang isang bagong anyo ng panitikan, ang komiks ay inaasahang magiging tulay upang ang mga klasikong akda sa ating panitikan ay makilala at matukoy ng mga kabataan. Kaya bilang isang pasulong na hakbang, ang pag-aaral na ito ay tumalunton sa pagtuklas sa maaaring maging papel ng komiks sa pag-unlad ng panitikang Pilipino sa pamamagitan ng paglalaan ng ilang pahina para sa mga isinalarawang bersiyon ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, Kahapon, Ngayon, at Bukas ni Aurelio Tolentino, Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, “Bayang Malaya” ni Amado V. Hernandez, at iba pang akdang itinuturing na salamin ng ating lahi.
Mga Suliranin
Sinikap na masagot sa pag-aaral na ito ang sumusunod na mga katanungan:
- Ano ang profile ng mga tagasagot batay sa kanilang:
- Gulang
- Kasarian
- Kurso
- Exposure sa mga lathalain?
- Alin-alin sa sumusunod na pagpapahalaga ang matatagpuan sa apat na Filipino Klasiks?
- Pagmamahal sa Bayan
- Pakikipagkapwa
- Pagkakaisa
- Pananagutang pampamilya
- Pagkamatapang
- Pagiging matatag
- Pagkamagalang
- Pagkamatapat
- Ano-anong implikasyong sosyal ang matututuhan sa isinakomiks na apat na Filipino Klasiks?
- Sa paanong paraan mailalarawan ang mga pagpapahalagang moral na nakapaloob sa isinakomiks na apat na Filipino Klasiks?
- Paano mapatutunayan na ang pagsasakomiks sa mga Filipino Klasiks ay epektibo sa pagtuturo ng Panitikang Pilipino sa kolehiyo?
Mga Natuklasan
Natuklasan ng mananalisik na mainam ngang gamitin ang mga isinakomiks na Filipino Klasiks sapagkat nagtataglay pa rin ito ng mga pagpapahalagang moral na nais nating malinang sa mga mag-aaral.
Gayundin, matatagpuan din sa isinalarawang bersiyon ng mga akdang ito ang mga implikasyong sosyal na nakikita at nararanasan pa rin ng mga Pilipino sa kasalukuyan.
Matatanggap na rin ng akademikong komunidad ang. ganitong anyo ng “panitikan” sapagkat tunay na naglalahad ito, sa isang maikli ngunit malamang format, ng nilalaman ng akdang kabilang sa pag-aaral na isinagawa.
Samakatwid, isang pasulong na hakbang sa pagtuturong interaktibo at integratibo ang paggamit ng mga isinakomiks na Filipino Klasiks.
Mga Kongklusyon
Batay sa natuklasan sa pag-aaral na ito, nabuo ang sumusunod na mga kongklusyon:
- Mainam na gamiting tagasagot ang mga mag-aaral sa isang pananaliksik upang mapatibay ang isang isinasagawang pag-aaral.
- Malaki ang naitutuiong ng pagbubuo ng isang pamantayan upang maisagawa ang isang kapaki-pakinabang na pagsusuri sa anumang anyo ng akda.
- Ang komiks ay mabisang behikulo upang maiparating sa mga mambabasa, lalo sa mga kabataan, ang mga pagpapahalagang moral na mababakas sa ating tradisyon at kultura.
- Magagamit ang komiks, tulad ng isinakomiks na Filipino Klasiks bilang instrumento sa paglinang ng kasanayang pampanitikan ng mga mag-aaral.
- Ang mga isinakomiks na Filipino Klasiks ay malinaw na nakapaghahatid hindi lamang ng impormasyon kundi ng kamulatan hinggil sa mga implikasyong sosyal at mga pagpapahalagang moral na nagaganap sa ating lipunan.
Mga Rekomendasyon
Matapos malagom ang lahat ng mga natuklasan sa pag-aaral na ito, nabuo ang sumusunod na mga rekomendasyon:
- Iminumungkahi ng mananaliksik na gamiting tagasagot ang mga mag-aaral sa anumang pag-aaral na gagawin.
- Iminumungkahi ang pagbubuo ng isang pamantayan sa pagsusuri na makatutulong sa pagsasagawa ng mag-aaral na may pagkakahawig sa isinagawang pag-aaral.
- Iminumungkahi ang pagsasakomiks ng mga klasikong nobelang Tagalog (bukod sa ginamit na sa pag-aaral na ito) upang mapalawak pa ang pagkilala sa mga ito ng kasalukuyang henerasyon tulad ng Nena at Neneng, Banaag at Sikat, Dugo sa Bukang-Liwayway, Timawa, Titser, Dekada ’70, at iba pa.
- Iminumungkahi na ipagamit ang isinakomiks na Filipino Klasiks bilang supplementary reading material sa pagtuturo ng panitikan sa kolehiyo at sa mga klase sa Rizal (Noli at Fili).
- Iminumungkahi na ipagpatuloy ang paglalathala ng mga isinakomiks na Filipino Klasiks at iba pang mga akda upang maging panlaban sa mga komiks din na may ganitong kalidad na mula sa ibang bansa at nagtuturo lamang ng maling pagpapahalaga sa mga kabataan.