Tulad ng iba pang naratibong komposisyon, ang mga sangkap ng dula ay binubuo ng tauhan, tagpuan, banghay, at diyalogo. Maidaragdag din sa mga sangkap ng dula ang set, kostyum, make-up, lighting, at stage direction. Ngunit dapat tandaang hindi sapat na alam lang ng manunulat ang mga sangkap sa pagsulat ng dulang iisahing yugto. Ang mahalaga ay dapat mapagsasama-sama nang tama ang mga sangkap na ito upang maipahayag nang malinaw ang mensahe ng dula at mabigyan ng natatanging karanasan ang awdiyens.
1. Tauhan
Sa mahabang dula, maya’t maya ay may ipinakikilalang tauhan upang patakbuhin ang kuwento. Kung masasabing hindi kataka-taka ang pagkakaroon nito ng kahit sandosenang tauhan. Samantala, sa maikling dula, mahihirapan ang mandudula kung isisiksik niya sa iIang minutong pagtatanghal ang pagkakaroon ng maraming ta.uhan. Hindi rin ito rnaiibigan ng mga manonood dahil kulang ang kanilang panahon upang makilala ang bawat isa.
Kaya naman para sa isang maikling dulang may habang 30 hanggang 45 minuto, karaniwang sapat na ang dalawa hanggang tationg tauhan. Halimbawa nito ang mga dulang Dalawang Gabi ni Maynard Manansala, Si Maria Isabella at ang Guryon ng mga Tala ni Eljay Deldoc, Wendy Wants To Be a Housewife ni Ricardo Novenario, at Joe Cool: Aplikante ni Joshua Lim So. Klasikong maituturing ang Ang Paglilitis ni Mang Serapio ni Paul Dumol, Dobol ni Rene O. Villanueva, Nobyembre, Noong Akala Ko’y Mahal Kita ni Tony Perez, Taong Grasa ni Anton Juan, at Mga Kaluluwang Naghahanap ni Rogelio Sicat.
Ngunit may ilang maikling dulang nangangailangan ng maraming tauhan. Sa kasong ito, kailangang maging maingat ang mandudula sa pagpili at pagdebelop ng mga tauhan. Masasabing nagtagumpay rito ang mga dulang Anonymous ni Liza Magtoto, Ang Naghihingalo ni Raymund Reyes, Isa pang Soap Opera ni Reuel Molina Aguila, Kung Paano Ako Naging Leading Lady ni Carlo Vergara, at Hayop ng inyong lingkod.
Lahat ng mapipiling tauhan ay kailangang mahalaga sa pangunahing aksiyon sa dula. Kaya kung hindi naman makaaapekto sa kuwento ang pagtatanggal ng isang tauhan, gawin ito. Sa maikling dula, karaniwang isang pangunahing tauhan ang dinidebelop nang husto, ngunit maaari din namang bigyan ng pantay na dimensiyon ang dalawa o tatlong tauhan.
Sa huli, anuman ang maging pasiya, gawing interesante ang mga tauhan. Siguraduhing makauugnay sa kanila at sa kanilang karanasan ang mga manonood. Maaaring ang mga ito ay magkakapatid na nag-aaway-away sa mana ng namayapang magulang (Isa pang Soap Opera), kasambahay na nagtatrabaho para sa isang grupo ng mga guwapo at magagandang superhero (Kung Paano Ako Naging Leading Lady), mga ”imbisibol” na OFW sa Japan (Imbisibol ni Herlyn Alegre), at batang lalaking unti-unting nagkakamalay sa kaniyang seksuwalidad (Ang Unang Regla ni John ni Em Mendez).
Nakasulat sa ibaba ang ilan sa mga dapat isaalang-alang sa karakterisasyon sa pagsusulat ng maikling dulang iisahing yugto:
- Kailangang kapani-paniwala o natural ang lahat ng tauhan upang maging makatotohanan sa mga manonood ang kanilang mga motibasyon at reaksiyon. Sa pamamagitan nito, tatatak sa mga manonood ang tauhan dahil nakauugnay sila sa kaniya at kaniyang mga karanasan.
- Dapat sa simula pa lamang ay ipinakilala na ang tauhan. Gawin ito nang mabilis at deretsahan.
- Pagtuunan ng pansin ang paraan ng pagsasalita at paggalaw sa entablado ng tauhan. Sa dula, ang pinakamabisang paraan ng pagpapakilala ng tauhan ay sa pamamagitan ng kanilang salita, kilos, ekspresiyon ng mukha, at reaksiyon.
- Bigyan ng lalim at lawak ang pangunahing tauhan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kaniyang mga motibasyon o pagnanasa. Ibubunyag nito sa mga manonood ang panlabas at panloob na pagkatao ng tauhan.
- Kung maaari, ang suliraning kahaharapin ng tauhan ay magdudulot ng pagbabago sa kaniya, positibo man o negatibo. Kung wala mang pagbabago matapos niyang harapin ang kaniyang mga problema, nagtagumpay man o nabigo, kailangang maging makatotohanan ito. May nagbago man o wala sa tauhan, kailangang ito ay kapani-paniwalang bunga ng mga pangyayari.
Mahalagang mailarawan sa unang bahagi ng iskrip ang mga tauhan. Makatutulong ito sa paghahanap ng mga aktor na gaganap sa mga tauhan. Ngunit hindi kailangang maging detalyado sa paglalarawan–ibigay lamang ang edad, kabuuang panlabas na hitsura, katayuan sa buhay, o ugali. Minsan naman ay hindi na inilalarawan ang mga tauhan. Ang direktor na ang bahalang magsabi kung ano ang kanilang magiging hitsura o kilos. Tingnan ang mga sumusunod na halimbawa.
1. MELITON REYES | 68 taong gulang. Beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matipuno pa ang pangangatawan. |
2. CENON DOMINGO | 67 taong gulang. Beterano rin ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. |
3. SALVADOR ”Badong” DIMACULANGAN | 67 taong gulang. Beterano din ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig |
Mula sa Lulusubin Namin ang Malacañang
SUSAN | early 30s, battered wife, bulag sa pagmamahal sa abusadong asawa, 1950s ang pananalita at pananamit |
ROBERT | early 30s, asawa ni Susan, mestisuhin, matangkad, nambubugbog ng asawa |
VICTORIA | mid-30s, wanted sa pagpaslang sa asawa at sa kalaguyo nito, beauty and brains, palamura at bayolente |
LYKA | mid-20s, kahera sa isang department store sa umaga, nagbebenta ng aliw sa gabi, perky, trving hard sa pag-i-English |
DINO | early 20s, kargador sa palengke, maganda ang pangangatawan, maangas, mababa ang tingin sa mga babae |
MILET | early 30s, battered wife, napatay ang asawa, ginagamot sa mental hospital, pinaniniwalaang may dissociative identity disorder at mga alter sina Susan, Robert, Victoria, Lyka, Dino, |
DOKTOR | 50s, lalaki |
Mula sa Mula sa Hayop
DON FRANCISCO (The Father)
DONA PETRA (The Mother)
NENA (Their Daughter)
ROBERTING (Their Son)
DOÑA DOLORES
FRED (Her Son)
FRANCISCO (The Servant)
PABLO (The Mayordomo)
Mula sa Wanted: A Chaperon
2. Tagpuan
Kailangang linawin kung saang lugar at anong panahon ang pangyayarihan ng tagpo ng dula upang magkaroon ng ideya ang direktor kung paano paaartehin ang mga aktor at kung ano ang disenyo ng entablado. Maaaring ilarawan ang panahon katulad ng mga sumusunod: “One Sunday morning, at about eleven” (Wanted: A Chaperon ni Wilfrido Ma. Guerrero), ”Gabi” (Ang Paglilitis ni Mang Serapio ni Paul A. Dumol), o ”Magaganap ang dula noong mga 1986” (Lulusubin Namin ang Malacanang ni Aguila). Maging espesipiko sa paglalarawan ng panahon, kung maaari, lalo na kung historikal na dula ang isusulat.
Karaniwan ding inilalarawan sa simula ng iskrip ang pangyayarihan ng kuwento ng dula. Katulad ng sa panahon, mahalagang mailarawan ito dahil ito ang magbibigay ng ideya sa direktorkung paano pagsasalitahin at pakikilusin ang mga tauhan at kung ano ang magiging hitsura ng entablado. Halimbawa: “The living room” (Wanted: A Chaperon), ”Isang silid” (Ang Paglilitis ni Mang Serapio), o kaya ”Sa isang paupahang kwarto sa kasalukuyan” (Lulusubin Namin ang Malacanang).
Ang tagpuan ng dulang itatanghal ay kailangang umayon sa mga pisikal na limitasyon ng entablado. Makatutulong kung iniisip ang entablado at kung paano kumikilos dito ang mga aktor habang isinusulat ang iskrip ng dula. Kaya sa simula pa lamang, mahalagang mailarawan ang set, kabilang ang lokasyon ng pintuan o bintana, puwesto ng silya at iba pang muwebles o palamuti, at iba pang kasangkapan tulad ng projector
Hindi naman kailangang ilarawan nang detalyado ang set. Magbigay ng sapat na paglalarawan upang mabigyan ng ideya ang direktor o set designer kung ano ang magiging hitsura nito. Tiyak na may sariling ideya ang direktor kung paano pakikilusin ang mga tauhan sa entablado. Pansinin ang paglalarawan sa tanghalan sa mga sumusunod:
Magbubukas ang entablado at makikita ang mahabang print-out ng HAPPY 30!” BIRTHDAY ATE LENY, nakapaskil sa dingding sa sentro, napapagitnaan ng dalawang pinto; isa para sa kusina at isa para sa silid. Isang litrato ni Leny ang katabi ng print out na ito.
Sa ibaba nito ay isang mesa na kakikitaan ng birthday cake na may kandilang hindi pa nasisindihan. May mga pagkaing nagalaw na, tanda nang papatapos nang handaan.
Sa gawi ng manonood, gawing kanan ay ang ipinapalagay na bintanang umaabot tanaw sa ibaba, harapan ng bahay. May maliit na mesa at dalawang silya rito. Sa kaliwa ang pintong papalabas. Sa kanan ay papunta rin sa isang silid. Ilang gamit ang nakaempake sa may pintong papalabas.
_________________________
Mula sa Walang Maliw
SCENE: The living room. Simply furnished. A window on the right. At the rear, a corridor. A door on the left. Sofa, chairs, etc., at the discretion of the director.
_________________________
Mula sa Wanted: A Chaperon
Ang podium at silya ng HUKOM ay nasa isang plataporma. Ang mesa ng mga TAGAPAGTANONG ay nasa harapan ng plataporma. Gagamitin ng mga TAGAPAGTANONG ang plataporma bilang upuan. Katapat ng mga plataporma ang mga silya’t bangko ng mga pulubi. Dadalawa ang pasukan ng silid. Sa isang sulok, isang baul. Sa Mesa ng mga tagapagtanong, isang malaking aklat, kwaderno at pluma.
_______________________
Mula sa Ang Paglilitis ni Mang Serapio
Sa pagbubukas ng ilaw, makikita ang nagulong middle class na kusina. May mesa at apat na upuan, may lababo, may drawer, may esStanteng lalagyan ng mga condiment, may coffee maker, o iba pang kasangkapan, depende sa direktor. Isang dingding na may pintuan ang naghihiwalay sa sala at sa mismong kusina kung saan nagaganap ang aksiyon. Gabi.
______________________
Mula sa Hayop
Sa isusulat na maikling dula, mas mabuti ding minimal ang mga pagbabago sa set. Mahihirapang itanghal ang dulang may maraming eksena at nangangailangan ng props na gagamit ng malaking espasyo o special effects kung limitado ang espasyo ng entabladong pagtatanghalan nito. Sa mga modernong dula, gumagamit ng multi-media sa pagpapalit ng mga eksena o pagtatalon ng panahon. Halimbawa nito ang paggamit ng video projection sa Digital Divide ni Novenario upang magpakita ng iba’t ibang eksena at sa Hayop upang ipakita ang hindi linyar na naratibo ng dula.
Paglalarawan ng Tagpuan
- Maghanap ng kopya ng paborito mong maikling kuwento o ng maikling kuwentong huli mong nabasa. Basahin mo itong muli.
- Sa iyong palagay, ano ang potensiyal ng maikling kuwentong ito kung gagawing isang maikling dula?
- Kung gagawan mo ito ng pandulang bersiyon, paano mo ilalarawan sa iyong iskrip ang tagpuan? Maaari mong gawing modelo ang mga halimbawa sa modyul na ito.
- Para sa palihan, bumuo ng isang grupo at pag-usapan ang inyong mga awtput. Pagkatapos, ibahagi ang inyong napag-usapan sa klase.
3. Banghay
Ang banghay ng dula, bagaman limitado sa mga pisikal na aksiyon ng mga tauhan at sa mga pagbabago sa eksena, ay kawahig ng sa maikling kuwento o nobela. Ang malaking bahagi ng pagiging matagumpay ng isang dula ay nakadepende sa tunggaliang nagpapatakbo sa mga aksiyon. Ang tradisyonal na banghay ng maikling dulang iisahing yugto ay gumagamit ng modelo ni Aristotle sa trahedya (Freytag’s Pyramid): eksposisyon, papataas na antas ng aksiyon, kasukdulan o rurok, pababang aksiyon, at resolusyon o denouement.
- Eksposisyon. Ito ang simula ng dula. Karaniwang kinapapalooban ito ng impormasyon sa konteksto ng dula o paliwanag sa sitwasyon. Ipapakilala sa bahaging ito ang mga tauhan at dito bubuuin ang tono. Siguruhing malinaw, maikli, at interesante ang bahaging ito. Maaari ding magbigay ng mga hudyat o palatandaan sa kung ano ang maaaring kalabasan ng kuwento sa dula o kaya magmungkahi ng temang makatutulong sa pag-unawa sa kuwento.
- Papataas na antas ng aksiyon. Sa bahaging ito, ipinapakita sa awdiyens ang tunggalian at dito nagsisimula ang pangunahing aksiyon. Kung maaari, siguruhing may basehan sa totoong buhay ang anumang komplikasyon sa dula. Ito ay upang maging kapani- paniwala sa mga manonood ang mga nangyayari sa mga tauhan.
- Kasukdulan. Ito ang resulta ng serye ng mga pangyayari sa mga unang bahagi ng dula o ang bahaging kailangan nang harapin ng tauhan ang pinakamabigat niyang suliranin o katunggali. Sa Walang Maliw, kailangang tanggapin ng ina na wala na ang kaniyang anak. Sa Ang Unang Regla ni John, kailangang may gawin ang bata upang maging ganap ang kaniyang transisyon mula pagiging bata. Sa Ang Paglilitis ni Mang Serapio, kailangan niyang ipagtanggol ang sarili laban sa mga nang-uusig sa kaniya.
- Pababang aksiyon. Sa bahaging ito ng dula, makikita kung napagtagumpayan ng tauhan ang kaniyang problema o kung nabigo siyang malabanan ang mga puwersa ng katunggali (maaaring sarili, ibang tao, lipunan, kalikasan, teknolohiya, tadhana). Sa Walang Maliw, handa nang magpaalam ang ina sa kaniyang anak. Sa Ang Unang Regla ni John, hindi malinaw kung ano ang nangyari sa bata nang ”reglahin” siya. Sa Ang Paglilitis ni Mang Serapio, binulag ang kawawang pulubi.
- Resolusyon o Kongklusyon. Ipinapakita dito ang kinalabasan ng pakikipagtunggali ng tauhan. Maaaring masaya o malungkot ang pagtatapos. Maaari din namang walang katiyakan kung tapos na ba ang kuwento.
Ngunit bukod sa modelong Freytag s Pyramid, may ilang modernong maikling dula na nag-eeksperimento sa banghay at lumalayo sa modelong ito. Dahil sa teknolohiya at iba pang inobasyon sa paraan ng pagtatanghal ng dula sa kasalukuyan,
nahihikayat ang ilang mandudula na pag-eksperimentuhan ang banghay upang magbigay ng bago at kakaibang karanasan sa mga manonood.
4. Diyalogo
Di tulad ng nobela o maikling kuwento na karaniwang binabasa, ang dula ay isang anyong pampanitikan na pinanonood at pinakikinggan. Kaya naman ang isusulat na diyalogo ay hindi lamang dapat magandang tingnan sa mga pahina. Kailangan ding maging natural din ang tunog nito kapag binigkas.
Mahalaga ang diyalogo sapagkat isa ito sa mga nagtatakda ng tono ng dula. Ang nangingibabaw na tono sa Walang Maliw ni Reuel Aguila ay kalungkutan at pangungulila. Sa dula, ipinagdiriwang ng pamilya ang ika-30 kaarawan ni Leny na isang aktibista at limang taon nang desaparecido o nawawala dahil dinukot ng mga militar o maykapangyarihan. Makikita sa sumusunod na diyalogo ang matinding pangungulila ng mag-asawa, lalo na ang asawang babae, sa kanilang anak.
DADDY: Tama na, Mommy
MOMMY: Hayaan mo na ako dito, Daddy. Inaaliw ko lang ang aking sarili.
DADDY: Kanina, ang saya-saya natin.
MOMMY: Sa harap ng iba pa nating mga anak, kaya ko bang ipakita ang tunay kong nararamdaman? Kailangang magpakatatag, di ba yan ang sabi natin sa isa’t isa? Nakaalis na ang ating mga anak.
DADDY: Mommy, di ko naman sinabing wag ipakita ang tunay na nararamdaman, a.
MOMMY: Kung makikita ba nila ako ngayon, ano kaya ang sasabihin nila sa Mommy nila. Naku, Daddy, baka sabihin nilang… nasisiraan na yata ako ng bait (matatawa) … O, ayan, baka pati pagtawa ko, ma-misinterpret.
PANANDALIANG KATAHIMIKAN.
DADDY: Limang taon nang wala si Leny, Mommy.
MOMMY: Limang taon pa lang. *
DADDY: _ Iba ito, Mommy. Hindi ito katulad noong limang buwang hindi nagpakita o nag-communicate man lamang si Leny. ‘Yon pala, sumampa na pala siya at nag-full time.
MOMMY: Malay natin. Baka labis lang na kailangang hindi siya kumontak sa atin. Di ba, tulad noon, sabi niya, ”Sori po, Mommy, Daddy. Kailangang hindi ako kumontak sa inyo dahil masyadong nasundan na ako ng militar.” Baka, mas matindi ngayon ang pagsubaybay sa kanya ng militar kaya ganoon ding katagal ang hindi niya pagkontak sa atin.
DADDY: Limang taon nang wala si Leny, Mommy
MOMMY: Pero naririnig ko pa ang tawa niya; lalo kapag umiihip ang hangin. O, sa mga rally na inaaatendan ko, kapag may nagpapanimula ng slogan. O, kapag nakasakay ako ng jeep at may magsasabi ng ”para.” Yon bang parang lumampas ng bababaan. (matatawa nang bahagya). Napapatingin ang ilang pasahero sa akin dahil bahagya akong matatawa… Hindi mo ba siya nararamdaman, Daddy?
DADDY: (pause) Limang taon na, Mommy
MOMMY: Pero nakikita ko pa ang kanyang luha… sa ulan; naririnig ang kanyang daing… kahit sa maingay na busina.
Mahalaga din ang diyalogo dahil ipinakikilala nito kung ang karakter ng tauhan. Tampok sa dulang Hayop ang mga tauhang magkakaiba ang personalidad. Sa isang bahagi, nag-uusap sina Susan (battered wife, bulag sa pagmamahal sa abusadong asawa), Victoria (wanted sa pagpaslang sa asawa at sa kalaguyo nito, beauty and brains, palamura, at bayolente), at Lyka (kahera sa isang department store sa umaga, nagbebenta ng aliw sa gabi, trying hard sa pagsasalita ng Ingles).
LYKA: Bloody hell! Holy cow! What on earth! Is that a pig I see!
SUSAN: Asawa ko.
VICTORIA: Hayop na asawa niya.
LYKA: As in animal? A-N-I-M-A-L? Animal? Why, what did he do to you?
VICTORIA: (Gagayahin ang paraan ng pananalita ni Lyka) It’s obvious. You see naman her face and the pasa sa body and all. It would be redundant ‘pag sinabi kong binubugbog si Susan.
LYKA: Oh, Susan is the name. Very domestic. I know of someone, the name is Susan din. Very martir, my gosh. Bugbog here, sapok there. Sampal here, tadyak there. Ngudngod everywhere! Oh, dear Lord! And yet, she is still loving her hubby.
Kukuha ng upuan si Lyka at mauupo sa tabi ni Susan
SUSAN: Pinalalaki ninyo ang problema. Ito ay away mag-asawa lamang. Nasobrahan lamang nang kaunti. Makakaasa kayong maayos din namin ang gusot sa lalong madaling panahon.
LYKA: Nasobrahan nang konti? (Pipisilin ni Lyka ang pasa sa katawan ni Susan) You are considering that konti?
SUSAN: Nasasaktan ako.
VICTORIA: (Kakagat si Victoria sa mansanas) Poor you.
LYKA: (Mandidilat at ilalapit kay Susan ang mukha) Are you liking my contact lens? Sky blue. Beautiful, *no?
SUSAN: (Susulyap kay Robert) Mahal na mahal ko siya. Kahit na lagi niya akong pinagbubuhatan ng kamay.
VICTORIA: See? It always happens.
LYKA: How about my lipstick, are you loving it? Gorgeous, I know.
SUSAN: Magsasama kami sa hirap at ginhawa.
VICTORIA: Puro hirap, obviously.
LYKA: (lpapatong sa mesa ang kanang paa at ipakikita ang sapatos) Crazy about my killer shoes? So very stunning, is it not?
SUSAN: Ipaglalaban ko kung ano ang mayroon kami. Saksi ang Diyos sa sumpaan naming magsasama habang buhay.
VICTORIA: Yeah, right. Hanggang sa mapatay ka niya.
LYKA: Whoa! People, no violence. World peace. Pretty, pretty please?
SUSAN: Mahal ko ang asawa ko.
VICTORIA: Wala ka na bang ibang bukambibig kundi *yan?
LYKA: Oh, come on. You, two. Why are you so serious? What is the fuzz about?
VICTORIA: Fuss.
LYKA: Fuzz.
Hindi lamang dapat natural ang tunog ng diyalogo sa isusulat na dula, bagkus nakatutulong din dapat ito sa pagpapatakabo ng mga aksiyon. Makatutulong ang sumusunod na depinisyon sa pag-unawa sa diyalogo: ”Through speeches and silences, what is spoken and deliberately unspoken, dialogue is the action that characters do. expressing conflict of people working at cross-purposes” (Catron, 2001, p. 123).
Kung hindi tunog-natural ang diyalogo, kung hindi tumutugma sa tauhang nagsasalita nito, kung sigawan nang sigawan ang mga tauhan sa isa’t isa nang wala namang dahilan, o kung ang naririnig sa diyalogo ay boses ng mandudula sa halip na boses ng tauhan, hindi magtatagumpay ang dula. Maaaring sa kalagitnaan pa lang ng dula ay bumitiw at mawalan na ng gana ang manonood.