Mga Uri ng Datos na Puwedeng Gamitin sa Pananaliksik

12127

Bawat uri ng pananaliksik ay nangangailangan ng naaangkop na datos upang makamit ang layunin ng mga ito. At upang makuha ang kinakailangang datos, ang mananaliksik ay nangangailangang gumamit ng tamang metodo.

Depende sa layunin ng isang pananaliksik, maaaring ang datos na kinakailangan mo ay iyong nagsasalaysay o naglalarawan o pareho. Ang mga datos na may ganitong kalikasan ay tinatawag na datos ng kalidad o qualitative data. Halimbawa ng mga qualitative data ay kulay, tekstura, lasa, damdamin, mga pangyayari, at sasagot sa mga tanong na paano at bakit. Kung minsan, maging ang mga sagot sa mga tanong na ano, sino, kailan, at saan ay maaari ding ikonsiderang datos ng kalidad depende sa tanong at/o sagot ng respondents.

Halimbawa:

    • Ano ang ginagawa mo noong kasagsagan ng Bagyong Ulysses?
    • Sino si Jose Rizal para sa iyo?
    • Kailan mo masasabing handa ka nang pumasok sa isang seryosong relasyon?
    • Anong pagpapakahulugan ang maibibigay mo sa salitang pabebe?

Samantala, may mga pananaliksik ding nangangailangan ng datos na numerikal na ginamitan ng mga operasyong matematikal. Ang mga datos na ito ay tinatawag na datos ng kailanan o quantitative data. Tumutukoy ang mga ito sa dami o bilang ng mga bagay o sagot ng mga sinarbey o ininterbyung mga respondent. Maaari ding ang mga datos na ito ay tumutukoy sa mga katangiang nabibilang o nasusukat. Halimbawa nito ay taas, bigat, edad, o grado ng mga mag-aaral; average na halaga ng kinikita sa pagpapart-time job ng mga part-time students; dami ng mga babae at lalaki o dami ng mga mag-aaral sa bawat baitang na sinarbey ng mananaliksik.

May mga pagkakataon ding kinakailangang gumamit ang isang mananaliksik ng dalawang uri ng datos upang higit na mapagtibay ang kanyang punto at/o upang ang mga resulta ay higit na may kredibilidad at maaasahan.