Tinatawag na opisyal na wika ang isang wika na binbjyan ng natatanging pagkilala sa konstitusyon bilang wikang gagamitin sa mga opisyal na transaksiyon ng pamahalaan. May dalawang opisyal na wika ang Pilipinas—ang Filipino at Ingles.
Ayon sa Artikulo IV, Seksiyon 7, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino, at hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.
Bilang mga opisyal na wika, may tiyak at magkahiwalay na gamit ang Filipino at Ingles.
Gagamitin ang Filipino bilang opisyal na wika sa pag-akda ng mga batas at mga dokumento ng pamahalaan. Ito rin ang wikang gagamitin sa mga talakay at diskurso sa loob ng bansa, halimbawa, sa mga talumpati ng pangulo, mga deliberasyon sa kongreso at senado, pagtuturo sa mga paaralan, mga paglilitis sa korte, at iba pa. Mahalaga ang paggamit ng Filipino sa mga talumpati ng pangulo at sa mga talakay at diskurso upang maunawaan ng mga mamamayan ang mahahalagang usapin ng bansa. Bukod sa pagiging pambansang wika at isa sa mga opisyal na wika ng Pilipinas, gumaganap din ang Filipino bilang lingua franca o tulay ng komunikasyon sa bansa. Kapag may dalawang taong mag-uusap na may magkaiba o magkahiwalay na kultura at sosyolingguwistikong grupo, halimbawa, ang isa ay Kapampangan at ang isa naman ay Bikolano, gagamitin nila ang Filipino para magkaunawaan.
Samantala, gagamitin naman ang Ingles bilang isa pang opisyal na wika ng Pilipinas sa pakikipag-usap sa mga banyagang nasa Pilipinas at sa pakikipagkomunikasyon sa iba’t ibang bansa sa daigdig. Ingles ang itinuturing na lingua franca ng daigdig. lto ang ginagamit ng mga tao mula sa ibait ibang bansa para mag-usap at magkaunawaan.