Paano ba umuunlad ang ideal na manunulat? Sa kaniyang kabataan, ang manunulat ay nagsusulat lamang upang isiwalat ang kaniyang nararamdaman. Nariyang nagsusulat siya sa mga social media site upang ilarawan ang mua nakatutuwang nangyari sa kaniya. May nagsusulat ng mga liham-pag-ibig upang ipaalam sa iba ang kaniyang pagtangi. May kabataan namang nagbubuhos ng sama ng loob sa kaniyang mga diary o journal. Dahil ito sa kakulangan niya ng karanasan at kawalan pa ng muwang sa mga nangyayari sa mas malaking lipunan.
Ngunit sa pag-usad ng panahon, ang manunulat ay nakararanas ng tagumpay at pagkabigo. Sa kaniyang mga pagkakamali siya ay natututo. Habang umaani ng karanasan at nagkakamalay, unti-unting nagbabago ang manunulat at ang kaniyang panulat, hindi lamang sa estilo kundi pati sa paksa. Sa pagiging malay niya sa kaniyang tugon sa mga puwersang humuhulma sa kaniyang pagkatao, malalaman niyang ang dati niyang panulat ay alingawngaw lamang ng kaniyang inosenteng karanasan at ng mga nabasa sa aklatan.
Ang Manunulat, Panitikan, at Lipunan
May dalawang uri ng manunulat. Ang una ay naniniwalang indibiduwal na gawain ang pagkatha. May sarili siyang mundo, walang pakialam sa kaniyang kapuwa, at hiwalay sa realidad ng kaniyang lipunan.
Ang kaniyang tuon ay sa kaniyang obra at wala nang iba pa. Nananahan siya sa ivory tower at ang hangad niya ay makalikha ng pinakamagandang akda. Para sa kaniya, ang kagandahan ng sining ay matatagpuan mismo sa mga sangkap na bumubuo nito. Nagsusulat siya para sa sarili at para sa mga kritikong ang habol ay ang kariktan ng likha.
Ang ikalawang uri ng manunulat ay iyong naniniwalang kolektibong gawain ang pagkatha. Lumalabas siya sa sarili niyang mundo at kinikilala at inuunawa ang kaniyang kapuwa. Malay siya sa realidad ng kaniyang lipunan, at ginagamit niya ang kaniyang panulat upang makatulong sa pag-unlad ng kaniyang bayan. Naniniwala siyang ang kaniyang obra ay produkto ng mga puwersang nakapalibot sa kaniya.
Nakasayad sa lupa ang kaniyang mga talampakan at hangad niya ang makalikha ng akdang makabuluhan sa nakararami. Para sa kaniya, ang kagandahan ng sining ay matatagpuan sa matapat na pagsusuri nito ng danas ng tao sa lipunan. Isinusulong niya ang popularisasyon ng panitikan upang maabot ito ng nakararami, habang iniaangat niya ang antas ng sining ng kaniyang akda.
Ang unang manunulat ay nakakahon pa rin sa nosyon ng art for art ‘s sake. Para sa kaniya hindi buo ang kasiningan ng likhang pinapalooban ng politika. Tinitingnan niya itong mababang uri ng panitikan (kung itinuturing man niya itong panitikan) dahil may mga layunin itong Iabas sa aktuwal na pagbubuo ng akda. Ang ikalawa naman ay may makalipunang oryentasyon sa malikhaing pagsulat. Sa oryentasyong ito, ang manunulat ay may politika at ang paglikha ng manunulat na Ito ay hindi maihihiwalay sa kaniyang politika (Lumbera, 2005).
Ang katotohanan, hindi mai hihiwalay ang panitikan sa lipunan. Sa katunayan. napakatalik ng ugnayan ng dalawang ito. Simbiyotiko ang ugnayan ng panitikan at lipunan: sa isang banda hinuhulma ng lipunan ang panitikan, at sa kabilang banda, may mahalagang papel din ang panitikan sa paghuhulma ng lipunan.
Ang opresyon sa lipunan noong panahon ng diktatoryal ay nanganak ng mga tula, maikling kuwento, dula, awit, pelikula, at iba pang anyo ng sining at panitikan na nagpapakita ng matinding damdamin ng pagkamakabayan. Umiral ang mga akdang ito upang imulat ang mga mamamayang Pilipino sa karahasan ng rehimen. Ang penomeno ng Filipino diaspora ay nagbunga ng mga akdang isinulat ng mga overseas Filipino worker (OFW), kabilang na ang mga manlalayag. Dahil din sa demokratisasyong dulot ng pag-unlad ng teknolohiya sa komunikasyon, umusbong ang mga akda ng kabataan at mga pangkat sa lipunang noong una ay walang akses sa publikasyon.
Sa Literature and Society: Essays on Life and Letters, isinulong ni Salvador Lopez (1940) ang pananaw na ang panitikan ay isang instrumento sa pagbabago sa lipunan. Halimbawa nito ang mga akda ni Jose Rizal, partikular ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, na nagpaningas sa makabayang damdamin ng mga rebolusyonaryo noong panahon ng Himagsikan. Halimbawa rin ang panitikang proletaryo na nagmumulat sa masa at humihimok sa kanilang kumilos upang buwagin ang namamayaning kaayusan sa lipunan.