Pagbuo ng Mahusay na Pahayag ng Tesis o Thesis Statement

Ang pahayag ng tesis ay naglalahad ng pangunahin o sentral na ideya ng sulating pananaliksik. Isa itong matibay na pahayag na naglalahad sa pinapanigang posisyon o pananaw ng mananaliksik tungkol sa paksang handa niyang patunayan sa pamamagitan ng pangangalap ng mga datos at ebidensiya.

Sa pamamagitan ng pahayag ng tesis ay malalaman ng mga mambabasa kung tungkol saan ang sulating pananaliksik. Ito rin ang magbibigay ng direksiyon sa mananaliksik sa pangangalap ng mga ebidensiyang magpapatunay sa kanyang argumento.

Pagbuo ng Mahusay na Pahayag ng Tesis

Sa pagbuo ng mahusay na pahayag ng tesis ay mahalagang magsimula sa paunang pangangalap ng impormasyon o datos. Basahin at suriing mabuti ang mga nakalap upang makita mo ang kaugnayan ng bawat isa sa iyong paksa. Mula rito’y magkakaroon ka ng ideya kung sapat na ba ang impormasyong nakalap at maaari ka nang makabuo ng isang mahusay na pahayag ng tesis o kailangan mo pang magsaliksik upang higit pa itong mapagtibay. Kung sapat na ay buoin mo na ang tesis batay sa iyong mga ebidensiyang nakalap.

Maaaring masubok kung mahusay o matibay ang nabuo mong pahayag ng tesis sa pamamagitan ng pagsagot sa sumusunod:

    • Nakasasagot ba ito sa isang tiyak na tanong?
    • Tumutugma ba ito sa sakop ng pag-aaral?
    • Nakapokus ba ito sa isang ideya lang? .
    • Maaari bang patunayan ang posisyong pinaninindigan nito sa pamamagitan ng pananaliksik?

Paraan ng Paglalahad sa Pahayag ng Tesis

Hindi lang iisa ang paraan ng paglalahad sa panukalang pahayag. Ayon kay Samuels (2004), maaari itong isagawa sa alinman sa sumusunod na mga paraan:

    • Isulat sa pamamagitan ng isang suliranin at isama rito ang iyong opinyon o posisyon.
    • Talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng isang isyu o suliranin at maghinuha kung paano ito maaaring malutas.
    • Mag-isip ng maaaring maging solusyon sa isang suliranin.
    • Tingnan ang isyu o paksa sa isang bago at naiibang perspektibo o pananaw.
    • Magpanukala kung paanong ang mundo sana ay naiiba ngayon kung nangyari/hindi nangyari ang mga bagay-bagay sa nakalipas.
    • Pagkomparahin ang dalawang bagay na halos magkapareho at bigyan ang mga ito ng marka.
    • Maglahad ng iyong mga ideya kung paanong naimpluwensiyahan ang isang paksa kaya ito naging ganito o ganoon (Halimbawa: musika, sining, politika).

Makikita sa ibaba ang ilang halimbawa ng paksa at ang pahayag ng tesis na nabuo mula rito.

Paksa:

Pangunahing dahilan kung bakit tinatangkilik ang isang awiting isinalin sa ibang lengguwahe

Tesis:

Bukod sa himig at ritmo, tinatangkilik ang isinaling awit kung naisalin ang ideya ng orihinal na awit nang hindi hinahabol o isinisiksik ang titik ng pinagsalinang lengguwahe sa tono ng orihinal na awit.

Paksa:

Pagiging popular sa mga manonood ng mga loveteam sa telebisyon at pelikula

Tesis:

Isinasabuhay ng mga loveteam ang romantikong pantasya ng mga manonood ng telebisyon at pelikula kaya suportado o tinatangkilik nila ito.

Paksa:

Mas pinipili ng mga tao ang mga kapihan bilang lugar para sa socialization kompara sa mga fastfood outlets, restoran, o karinderya.

Tesis:

Kasabay ng kanilang pagsikat, ang mga kapihan ay nakapag-project ng imahen sa lipunan sa tulong ng media bilang lugar kung saan nagkikita-kita o nakikipagkilala ang mga taong sinusuportahan naman ng kanilang arkitektura, internal na disenyo, at pagtawag sa pangalan ng kostumer na bumili kaya siya nakikilala ng iba pang mga kostumer sa loob ng kapihan.