Sa araling ito ay lalong magkakaroon ng direksiyon ang iyong gawain sapagkat bubuo ka ngayon ng pansamantalang balangkas. Ginamit ang salitang pansamantala sa balangkas na gagawin mo sapagkat hindi pa ito pinal. Habang dumarami kasi ang nababasa mong sanggunian ay nadaragdagan o lumalawak ang kaalaman mo tungkol sa iyong tesis kaya’t maaaring may mabago pa sa iyong balangkas.
Bagama’t hindi pa pinal ay mahalaga ang pansamantalang balangkas sa pagbibigay ng direksiyon sa mananaliksik. Mula rito’y makikita niya kung ang mga ideya ay konektado sa isa’t isa, kung maayos ang daloy ng bawat bahagi, at kung walang puwang o gap na dapat punan sa pagkakasunod-sunod ng mga ito. Ang pansamantalang balangkas ay magsisilbi ring gabay upang masagot ng mananaliksik ang dalawang mahahalagang tanong:
- Ano-ano na ang mga bagay na alam ko na o nasaliksik ko na at maaari ko nang i-organisa patungkol sa aking paksa?
- Ano-ano pang mga datos o impormasyon ang wala pa o kulang pa at kailangan ko pang saliksikin?
Isa ring magandang pagkakataon ang pagbuo ng balangkas upang maisaayos ng mananaliksik ang iskedyul para sa bawat bahaging isinulat niya rito. Ang guro ay karaniwang nagbibigay ng takdang araw o panahon ng pagpasa sa. gawain. Halimbawa, kung walong linggo ang ibinigay para maisagawa ang buong sulatin, magagamit ng mananaliksik ang tentatibong balangkas upang mahati-hati ang natitirang panahon o araw para sa bawat bahagi. Sa ganitong paraan ay maiiwasang. matambak ang gawain o magmadali sa pagtapos ng lahat kapag maIapit na ang araw ng pagpasa.
Sa pagsasagawa ng pansamantalang balangkas ay mahalagang i-konsidera ang pagiging maayos ng daloy ng bawat bahagi. Sa simula pa lang ay mahalaga na ang binuo mong matibay na pahayag ng tesis. Dito kasi ihahanay o i-a-align ang iba pang bahagi o nilalaman ng iyong balangkas.
Makikita sa kabilang pahina ang isang halimbawa ng pansamantalang balangkas.
Paano Ginagamit ang E-Textbooks sa Loob ng Silid-Aralan
(Pansamantalang Balangkas)
I. Introduksiyon
A. Paunang Kaalaman o Background sa Paggamit ng E-Textbook sa Silid-Aralan
B. Layunin ng Pag-aaral
C. Pahayag ng Tesis
D. Mga Tanong na Nais Sagutin ng Papel
E. Kahatagahan ng Pananaliksik
F. Lawak at Delimitasyon ng Papel
II. Mga Kaugnay na Literatura
A. Depinisyon ng E-Textbook
B. Maikling Kasaysayan ng E-Textbook
C. Mga Pormat ng E-Textbook
D. Pagkokompara ng E-Textbook sa mga Inimprentang Libro
E. Mga Naunang Pag-aaral Tungkol Paggamit ng E-Textbook
III. Metodolohiya
A. Obserbasyon
B. Dokumentasyon
C. Pag-iinterbyu sa mga Mag-aaral at Guro
D. Sintesis ng mga Nakalap na Datos
IV. Resulta
V. Kongklusyon at Rekomendasyon
VI. Bibliyograpiya