Pagkilala sa Sanggunian

Mahalagang kasanayang nararapat matutuhan sa pananaliksik ang karampatang pagkilala sa sanggunian. Ang hindi pagtukoy sa mga sinangguning libro, artikulo, at iba ay malinaw na anyo ng plagiarism na lumalabag sa pagiging matapat ng isang mananaliksik. Kapag napatunayan, may kaukulan itong parusang legal—mula bagsak na marka hanggang sa pagbawi sa pinagtapusang digri o kurso—bukod pa sa pagiging hindi katanggap-tanggap ng binuong pananaliksik. 

Depende sa larangang kinapapalooban, may iba’t ibang estilong ginagamit sa paghahanda ng sanggunian. Ang mga estilong MLA, APA, at CMS-Turabian ang mga nangungunang paraan ng dokumentasyon sa mga pananaliksik sa larangan ng agham panlipunan, panitikan, at sining (Evasco et al., 2011).

Estilong MLA (Modern Language Association)

Ang estilong MLA ang pinakapopular na estilo ng dokumentasyon sa larangan ng malayang sining (liberal arts) at humanidades gaya ng wika, literatura, kasaysayan, at pilosopiya. 

Sa estilong ito, ipinapaloob sa panaklong o parentesis ang pagkilala sa may-akda at inilalagay sa loob mismo ng teksto matapos ng salita o ideyang hinalaw. 

Halimbawa:

Ang patakaran sa wika ng edukasyon sa Pilipinas ang pinakakomplikado kung ikukumpara sa mga nabuong palisi sa Malaysia at Indonesia (Constantino 127).

Maaari din namang nakapaloob na sa pangungusap ang pangalan ng may-akda at ang pahina na lang ng libro ang nasa panaklong.

Halimbawa:

Ayon kay Constantino, ang patakaran sa wika ng edukasyon sa Pilipinas ang pinakakomplikado kung ikukumpara sa mga nabuong palisi sa Malaysia at Indonesia (127).

lto ay nararapat tumugma sa sangguniang nasa likod ng saliksik.

Halimbawa:

Constantino, Pamela C. Pagpaplanong Pangwika Tungo sa Modernisasyon: Karanasan ng Malaysia, lndonesia at Pilipinas. Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, 1991. Print.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring sumangguni sa ikapitong edisyon ng MLA Handbook for Writers of Research Papers

Estilong APA (American-Psychological Association)

Ang estilong APA ang pinakaginagamit na paraan ng dokumentasyon sa larangan ng agham panlipunan (social sciences) gaya ng sikolohiya, sosyolohiya, antropolohiya, kasaysayan, agham pampolitika, heograpiya, aralin sa komunikasyon (communication studies), at ekonomiks.

Gumagamit ang estilong ito ng Harvard citation o pagkilala sa sinangguni sa pamamagitan ng parentesis sa halip na talababa o footnote. Dito, ipinapaloob sa panaklong ang apelyido ng may-akda at taon ng pagkakalathala; ipinaghihiwalay ang impormasyon ng isang kuwit.

Halimbawa:

Ang patakaran sa wika ng edukasyon sa Pilipinas ang pinakakomplikado kung ikukumpara sa mga nabuong palisi sa Malaysia at Indonesia (Constantino, 1991).

Maaari ding isama ang pangalan ng may-akda sa daloy ng pahayag at ipaloob na lamang sa panaklong ang taon ng pagkakalathala ng libro o artikulo.

Halimbawa:

Ayon kay Constantino, ang patakaran sa wika ng edukasyon sa Pilipinas ang pinakakomplikado kung ikukumpara sa mga nabuong palisi sa Malaysia at Indonesia (1991).

Samantala, kung ang binabanggit na pangungusap ay direktang sipi (direct citation), nararapat itong ipaloob sa panipi at maisama rin ang numero ng pahina sa panaklong.

Halimbawa:

“Kagaya ng pagpili sa wikang pambansa, ang Palisi sa Wika ng Edukasyon sa Pilipinas ang pinakakomplikado kung ikokompara sa palisi ng Malaysia at Indonesia.” (Constantino, 1991, p. 127).

Nararapat na tumugma ang pagsangguning ito sa talaan ng mga sinangguni sa dulo ng sulating pananaliksik.

Halimbawa:

Constantino, P.C. (1991). Pagpaplanong pangwika tungo sa modemisasyon: Karanasan ng Malaysia, lndonesia at Pilipinas. Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring sumangguni sa ikaanim na edisyon ng Publication Manual of the American Psychological Association

Estilong CMS (Chicago Manual of Style) at Estilong Turabian

Ang estilong CMS ang pinakamatandang nangungunang pamantayan ng dokumentasyon na unang inilabas ng University of Chicago Press (UCP) noong 1906 at sa kasalukuyan ay nasa ikalabing-anim nitong edisyon. Hango sa estilong ito ang estilong Turabian na inilalathala rin ng UCP. Si Kate Larimore Turabian (1893-1987), Graduate School Dissertation Secretary ng University of Chicago, ang orihinal na may-akda ng A Manual for Writers of Research Papers, Theses, and Dissertations na pangunahing ginagamit na gabay sa pagsusulat ng mga papel pananaliksik, tesis, at disertasyon ng mga institusyong akademiko sa iba’t ibang panig ng daigdig. 

Dalawa ang batayang pormat ng dokumentasyon sa estilong CMS-Turabian—ang sistemang tala-bibliograpiya at sistemang parentetikal-talasanggunian. Tingnan ang halimbawa sa ibababa batay sa dalawang sistema: 

Tala-bibliograpiya

Ang patakaran sa wika ng edukasyon sa Pilipinas ang pinakakomplikado kung ikokompara sa mga nabuong palisi sa Malaysia at Indonesia.¹

________________
¹Pamela C. Constantino, Pagpaplanong Pangwika Tungo sa Modernisasyon: Karanasan ng Malaysia, lndonesia at Pilipinas (Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, 1991), 127.

Bibliograpiya:

Constantino, Pamela C. Pagpaplanong Pangwika Tungo sa Modernisasyon: Karanasan ng Malaysia, lndonesia at Pilipinas. Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, 1991. 

Parentetikal-talasanggunian

Ang patakaran sa wika ng edukasyon sa Pilipinas ang pinakakomplikado kung ikukumpara sa mga nabuong palisi sa Malaysia at Indonesia (Constantino 1991, 127).

Talasanggunian:

Constantino, Pamela C. 1991. Pagpaplanong pangwika tungo sa modernisasyon: Karanasan ng Malaysia, Indonesia at Pilipinas. Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring sumangguni sa A Manual for Writers of Research Papers, Theses, and Dissertations.