Pagsasalin ng Teksto

Ang pagsasalin ay isang paraan ng pagsulat kung saan isinusulat muli ang teksto sa ibang wika batay sa gagamitin ng tagasalin subalit hindi nawawala ang diwa ng orihinal nito.

Kadalasan, ang mga akdang nakasulat sa Ingles ay naisasalin sa Filipino sapagkat ang wikang ito ay itinuturing na pangalawang wika ng mga Pilipino.

Mahalaga ang pagsasalin upang makaabot sa iba pang panig ng daigdig ang mga akda mula sa iba’t ibang lugar. Sa ganitong pagkakataon ay nawawala ang balakid ng pagkakaiba-iba ng wika sa pagkakaunawaang global.

Ayon sa Webster’s New World Dictionary of the American Language, ang salitang translate ay nangangahulugang “to change from one language into another: to put into different words” (palitan ang wika tungo sa ibang wika; ilahad sa ibang pananalita). Samantalang isinasaad naman ng New Standard Dictionary ang kahulugang “to give sense or meaning of in another language” (ibigay ang diwa o kahulugan sa ibang wika). Maipalalagay na higit na tiyak at malinaw ang ibinigay na katuturan ni Eugene Nida at Charles Taber (1969) na ang pagsasaling-wika ay muling paglalahad sa target na wika ng pinakamalapit na natural na katumbas ng mensahe ng orihinal na wika, una’y batay sa kahulugan at ikalawa’y batay sa estilo.

Kahalagahan ng Pagsasalin

Ayon kay Bienvenido Lumbera (1982), ang mga layuning nagbubunsod sa pagsasaling-wika ay ang sumusunod:

  1. Pagpapalaganap ng kaalaman o kaisipang nakapaloob sa akda;
  2. Pagbibigay-liwanag sa kasaysayan at kultura ng ibang bansa o panahon; at
  3. Pagpapakilala sa mga bagong mambabasa ng isang akdang itinuturing na makabuluhan ng isa o ilang tao.

Napakaraming kaalaman at karunungang mababasa at mapag-aaralan sa kasalukuyang panahon ang bunga ng pagsasaling-wika. Halimbawa na lamang ay ang kasaysayan at kultura ng iba’t ibang lipunan at lipi sa mundo na ating napag-aaralan dahil may mga manunulat na nag-abalang magsalin ng mga ito sa ating wika upang ating maunawaan.

Ayon sa isa nating Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario (2013), kasintanda ng limbag na panitikan sa bansa ang pagsasalin sa atin. Patunay rito, aniya, ang Doctrina Christiana na siyang salin ng mga batas, dasal, at gawain ng katolisismo para sa mga sinaunang Pilipino. Ang naturang dokumento ang kilaiang pinakaunang dokumento ng nailimbag sa Filipino noong 1593.

Kung titingnan ang panahon nito, maipagpapalagay na ang pagsasalin ay di lamang bahagi ng pag-aaral natin ng mga prosesong nakapaloob sa panitikan. Masasabi na ang pagsasalin ay may malaking impluwensiya sa ating kasaysayan bilang mga Pilipino at sa pagsisimula ng ating pagsasabansa.

Mga Katangian ng Isang Tagasaling-Wika

Kabilang sa mga dalubhasa sa pagsasaling-wika noong ika-16 na siglo ay si Etienne Dolet (1540) ng Pransiya na naglahad ng sumusunod mula sa pag-aaral ni Theo Hermans:

  1. Kailangang ganap na maunawaan ng tagapagsalin ang nilalaman at intensiyon ng awtor ng akdang isinasaiin.
  2. Kailangang may ganap na kaalaman ang tagapagsalin sa wikang pinagsasalinan at may gayunding kahusayan sa pinagmulang wika.
  3. Kailangang iwasan ng tagapagsalin ang magsalin nang salita-sa-salita sapagkat makasisira ito sa kagandahan ng pahayag.
  4. Kailangang gamitin ng tagasaiin ang anyo ng mga pananalitang karaniwang ginagamit ng nakararami.
  5. Sa pamamagitan ng kanyang pagsasalin at pag-aayos ng mga salita, kailangang makabuo ang tagapagsalin ng pangkalahatang bisa at angkop sa himig ng orihinal na akda.

Kung susumahin, narito ang pangkalahatang ideya na maaaring maipayo sa mga tagasalin at mga nagnanais magsalin:

  1. Sapat na kaalaman sa dalawang wikang kasangkot sa pagsasalin at ang kultura ng wikang isinasalin niya
  2. Sapat na kaalaman sa paksang lsinasalin
  3. Sapat na kaalaman sa kultura ng dalawang bansang kaugnay sa pagsasalin
  4. Sapat na kaalaman sa gramatika ng dalawang wikang kasangkot sa pagsasalin

Sinasabing ang pinakamahusay na salin ay yaong mapagkakamalan ng mga mambabasa na yaon ay hindi isang salin kundi isang orihinal na akdang ginawa ng manunulat.

Ang kahirapan o kadakilaan sa pagsasaling-wika ay nababatay rin sa uri ng paksang isinasalin, bukod sa anyo at layunin. May karaniwang paksang pang-araw-araw na madaling isalin. Gayundin, may mga anyong pampanitikan na tulad ng tula na may kahirapan isalin ngunit nagdudulot naman ng kasiyahan sa nagsasalin sapagkat higit na nagpapakilala ng katotohanang ang pagsasaling-wika ay isang sining.

Halimbawa

Beauty and Duty

I slept, dreamed that life was Beauty;
I woke, and found that life was Duty.
Was thy dream then a shadowy lie?
Toil on, sad heart, courageously,
And thou shalt find thy dream to be,
A noonday light and truth to thee.

Kagandahan at Katungkulan

Sa aking pangarap, buhay ay marikit.
Nung ako’y magising ito pala’y sakit.
Sinungaling kaya ang panaginip?
Malungkuting puso, hayo na’t magtiis,
Darating ang araw na ang ninanais
Ay katotohanang iyong makakamit.

Narito naman ang isang halimbawa na may paksang panlahat at higit na marami ang nakaaalam, na sinikap na maisalin sa pamamagitan ng mga salitang madaling maintindihan.

Love

is …
Giving not selfishly Getting
Sharing, not Demanding
Assuring, not Blaming
Forgiving, not Hating
Trusting, not Doubting
Concern for others, Not for one’s self.

Ang Pag-ibig

ay…
Pagbibigay, hindi makasariling Pagtanggap
Pakikihati, hindi Paghingi
Pagtiyak, hindi Paninisi
Pagpapatawad, hindi Pagkapoot
Pagtitiwala, hindi Pag-aalinlangan
Pagmamalasakit sa iba,
Hindi pagkamakasarili.

lba pang halimbawa:

Each citizen must aim at personal perfection and social justice through education. (orihinal)

— Manuel L. Quezon

Bawat mamamayan dapat may layunin sa personal na kaganapan at panlipunang katarungan sa pamamagitan ng edukasyon. (saling literal)

— Manuel L. Quezon

Ang bawat mamamayan ay dapat magkaroon ng layuning matamo ang pansariling kaganapan at katarungang panlipunan sa pamamagitan ng edukasyon. (malayang salin)

— Manuel L. Quezon