Pagsulat at Karanasan

Ang makathaing pagsulat ay malikhaing pagsasatitik ng nakikita, naaamoy, naririnig, nalalasahan, at nadarama. Masasabing nagtagumpay ang manunulat kapag naidadala niya ang mambabasa sa mundo ng tula o kuwento.

Halimbawa:

  • Nakikita ng mambabasa ang mga detalyeng nakikita ng tauhan o persona.
  • Napapatakip siya ng ilong sa sangsang ng imburnal na halos magpahimatay sa tagapagsalaysay sa kuwento.
  • Sumasabog ang kaniyang pandinig sa bulung-bulungan sa simbahan na pinapaksa ng tula.
  • Nalulukot ang kaniyang mukha sa manggang kinain ng tauhan sa binasang dula.
  • Dama niya ang luwalhati o pighati sa binasang akda.

Isa sa malalaking hamon sa manunulat ang lumikha ng kapani-panivvalang mundo (kahit na pantasya, sci-fi, o kababalaghan ang isinusulat) at dalhin (hatakin, itulak, kaladkarin, akayin, isama) dito ang mga mambabasa. Sa mundong ito, kailangan nilang may maramdaman—saya, lungkot, galit, gulat, takot, kaba, at iba pa. Hindi epektibo ang isang akda kung hindi ito kapani-paniwala at hindi nito naantig ang damdamin o napupukaw ang isip ng mambabasa. Paano hinaharap ng manunulat ang mga hamong ito?

Upang maging kapani-paniwala ang kaniyang akda—ang manunulat (maging baguhan man o batikan), humuhugot siya sa sariling karanasan o karanasan ng iba. Nakabatay ang kaniyang karanasan sa realidad kaya nagiging mas makatotohanan ang mundong nilikha niya. Kaya nga may mga mambabasang laging iniuugnay ang mga nangyayari sa binasang akda sa buhay ng nagsulat nito. Sa kaniyang aklat na Pagsalunga: Piniling Kuwento at Sanaysay, sinabi ni Rogelio Sicat (1992) na hindi nakukuntento ang mga mambabasa sa pagbasa lamang; interesado silang malaman kung ano ang inspirasyon ng akda. Interesado sila sa buhay ng manunulat. Laging may mga tanong na bumubukal sa kanilang isipan:

  • Sino ang manunulat sa kaniyang sinulat?
  • Sino kaya ang modelo niya sa bida ng kuwento?
  • Ano-ano kayang personal na karanasan ng manunulat ang masasalamin sa tula?

Kahit na malayo sa karanasan ng manunulat ang paksa o tema ng kaniyang likha—sci-fi, erotika, kuwentong detective, lcuwentongkatatakutan o kababalaghan—masasabing humuhugot pa rin siya sa sariling karanasan. Kung mas malapit sa kaniyang karanasan ang paksa, maaaring mas mapadali ang pagsulat niya dahil alam na alam niya ito. Kung malayo naman sa kaniyang karanasan ang paksa, masusubukan ang kakayahan niyang lumikha ng kapani-paniwalang akda dahil kailangan pa niyang magsagawa ng karagdagang pananaliksik.

Ngunit kailangang linawin na iba ang makata sa persona sa kaniyang tula, ang kuwentista sa tagapagsalaysay sa kaniyang katha, at iba ang mandudula sa pangunahing tauhan sa kaniyang dula. Kaya hindi ibig sabihing kung may pagkakatulad man sa pisikal na anyo ang manunulat sa serial killer sa kaniyang kuwento, halimbawa, ay mamatay-tao na rin siya. Ibang usapin naman ang personal na sanaysay, awtobiyograpiya, memoir, at mga katulad na akda na hayagang nagpapakita ng karanasan ng manunulat. 

May ilang manunulat na naniniwalang pag-aari na ng mambabasa ang isang teksto sa oras na mabasa nila ito. Hindi na nila hawak kung ano ang kahulugan ng mga salitang iniluwal nila; ang mga mambabasa na ang nagbibigay-kahulugan sa mga salita. Sabi nga ni Roland Barthes (1997) sa “The Death of the Author,” ang kaisahan ng teksto ay hindi matatagpuan sa pinanggalingan nito (awtor), kundi sa destinasyon nito (mambabasa). Kaya para sa mga manunulat na ito, hindi na mahalaga kung hango ba sa kanilang karanasan ang akda. Ang mahalaga ay kung paano ito babasahin at tatanggapin ng kanilang mambabasa.