Alam mo ba kung saan nagmula ang salitang abstrak (abstract) at kung ano ang ibig sabihin nito?
Ang abstrak ay mula sa salitang Latin na abstractus na nangangahulugang drawn away o extract from (Harper, 2016). Sa modernong panahon at pag-aaral, ginagamit ang abstrak bilang buod ng mga akademikong sulatin na kadalasang makikita sa panimula o introduksiyon ng pag-aaral. Ito ay naglalaman ng kaligiran ng pag-aaral, saklaw, pamamaraang ginamit, resulta, at kongklusyon (Koopman, 1997). Mahalagang tandaan na sa pamamagitan ng abstrak, malalaman na ng mambabasa ang kabuoang nilalaman ng teksto. Kinakailangan lamang ang maingat na pag-extract o pagkuha ng mahahalagang impormasyon sa teksto upang makabuo ng buod na siyang magiging abstrak.
Mauuri bilang deskriptibo o impormatibo ang abstrak. Sa uring deskriptibo, inilalarawan nito sa mga mambabasa ang mga pangunahing ideya ng teksto. Binibigyang-pansin ang kaligiran, layunin, at paksa ng papel at hindi pa ang pamamaraan, resulta, at kongklusyon (The University of Adelaide 2014). Nauukol ang uring ito sa mga kuwalitatibong pananaliksik at karaniwang ginagamit sa mga disiplinang agham panlipunan, mga sanaysay sa sikolohiya, at humanidades.
Sa uring impormatibo, ipinahahayag sa mga mambabasa ang mahahalagang punto ng teksto, nilalagom dito ang kaligiran, layunin, paksa, metodolohiya, resulta, at kongklusyon ng papel (The University of Adelaide 2014). Karaniwan itong ginagamit sa larangan ng inhenyeriya, ulat sa sikolohiya, at agham. Ang impormatibong abstrak ay nauukol sa kuwantitatibong pananaliksik.
Narito ang ilang mga hakbang na dapat sundin sa pagsulat ng isang abstrak.
- Magtungo sa silid-aklatang panggradwado o dili kaya’y manaliksik sa Internet ng mga papel-pananaliksik ayon sa kinawiwilihan mong mga paksa.
- Basahin nang may lubos na pag-unawa ang buong papel. Bigyang-tuon ang mahalagang sinasabi ng layunin, sakop at delimitasyon ng pag-aaral, pamamaraan, resulta, kongklusyon, at rekomendasyon, at iba pang mga bahagi.
- Siyasatin kung ang lahat ng mga bahaging binanggit ay nakaugnay sa tema ng paksa (pamagat) ng pag-aaral. Kung nagkakaisa ang ayos ng mga pahayag at ideya nito, ibig sabihin, mahusay na naisulat ang pag-aaral.
- Siyasatin din kung ang mga nakalagay na pangalan sa bibliyograpiya ay nagamit sa pagpapatibay ng mga pahayag.
- Sa pagsulat ng abstrak ng papel-pananaliksik, mahalagang lagumin lamang ang pinakapaksa nito mula sa naging kahalagahan at naging implikasyon ng pag-aaral.
- Kailangan na ang abstrak na isusulat ay binubuo Iamang ng 200 hanggang 500 salita.
- Isunod sa proseso ng pagsulat ang paggawa ng abstrak upang mapadali ang gawain.
Basahin at unawain ang papel-pananaliksik ni Graziel Ann Ruth Latiza (2015) ng Unibersidad ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Diliman, Lungsod ng Quezon na may pamagat na: “Internship: Kwentong Loob ng tagalabas.” Pagkatapos, suriin at iulat ang detalye tungkol dito ayon sa sumunod na balangkas.
ABSTRAK
Tinututukan sa pag-aaral na ito ang proseso ng paghahanap ng koneksiyon ng medisina at panitikan kung saan ang proseso ng pagbuo at pagsulat ng piksiyon ay ginagamit bilang pamalit sa dyornalistikong pananaliksik at pamamahayag. Sentral na paksa sa pag-aaral ang etika ng mga doktor na ginamit ng awtor bilang lunsaran ng mga kuwento ng kaapihan, katiwalian, at korupsiyon sa loob ng tipikal na ospital sa Pilipinas sa kasalukuyang panahon. Sa ganitong sitwasyon ay sinubukan ng awtor ang pagtatampok sa Kulturang Pilipino, partikular na sa kaugaliang “pakikipagkapwa-tao,” bilang suhestiyong solusyon sa problemang etikal na nabanggit.
Sa nobela, isang doktora ang nagtapos ng kanyang lnternship sa panggobyernong ospital na naging semi-private na. Kasabay ng kanyang trabaho ay ang pagkamulat niya sa mga hindi etikal na gawain ng kanyang mga kapwa doktor sa mga pasyente at maging sa mismong mga kasamahan nila sa propesyon. Kasabay rin ng trabaho niya ay ang pag-intindi sa lumalalang kondisyon ng kalusugan ng ama kung kaya mapipilitan siyang tumaliwas sa kanyang paniniwala upang maabot lamang ang pangangailangan niyang personal.
Sa kabila ng katotohanang hindi isang estudyante ng medisina ang awtor at ang kaalaman niya sa teknikal na bahagi ng panggagamot ay natutulad sa karaniwang tao, sinubukan ng awtor ang paggamit sa nabanggit na limitasyon bilang kalakasan upang ilapit sa karaniwang tao ang doktor at ipakita ang pagkatao nito na nakadarama pa rin ng lungkot, takot, kaapihan, at nalalagay pa rin sa mga alanganing sitwasyon tulad ng pangangailangan ng kabuhayan.
Bagaman isang sensitibong paksa ang etika ng mga doktor sa kasalukuyan, pinili pa rin ng awtor na suongin ang usapin na ito bilang pagsubok sa pagbibigay-pugay rin sa mga doktor na naniniwala pa rin sa pagiging una ng sinumpaang tungkulin higit sa lahat sa pamamagitan ng panitikan—ang tinuturing na katibayan ng kultura na yumayaman sa pagdaan ng panahon.