Pagsulat ng Bionote

Ang bio ay salitang Griyego na ang ibig sabihin sa Filipino ay “buhay.” Nagmula rin sa wikang Griyego ang salitang graphia na ang ibig namang sabihin ay “talâ” (Harper 2016). Sa pagsasanib ng dalawang salita nabubuo ang salitang biography o “talâ ng buhay.” Ang biography ay mahabang salaysay ng buhay ng isang tao. Mula rito ay nabubuo naman ang bionote. Ito ay talatang naglalaman ng maikling deskripsiyon tungkol sa may-akda sa Ioob ng karaniwa’y dalawa hanggang tatlong pangungusap o isang talata lamang na madalas ay kalakip ng artikulo o akdang isinulat ng taong pinatutungkulan (Word-Mart 2009). Isinusulat ang bionote upang madaling matandaan ang tala ng buhay ng isang tao sa sandaling panahon ng pagbasa. Tinitingnan ang bionote bilang “bio” o buhay at “note” o dapat tandaan, kaya masasabing ito ay tala sa buhay na dapat tandaan.

Sa mga nagdaang panahon, ang pagpapakilala sa mga susing tagapagsalita ay lubhang napakahaba at nakababagot para sa mga tagapakinig. Napakaraming impormasyon ang ibinabahagi, kaya kung minsan, ito ay nakauubos ng oras.

Ngayon ay ipinakikilala na lamang ang susing tagapagsalita sa pinakapayak na paraan kaya’t mahalagang matutuhan ang pagsulat ng bionote.

Ang bionote ay isang maikling talang pagkakakilanlan sa pinakamahahalagang katangian ng isang tao batay sa kanyang mga nagawa. Kalimitan itong naririnig na binabasa upang ipakilala ang napiling susing tagapagsalita ng palatuntunan. Sa ganitong paraan, nabibigyang-ideya ang mga tagapakinig o delegado kung ano ang kakanyahan ng panauhing tagapagsalita sa loob ng sandaling panahon lamang.

Ginagamit din ang bionote sa paglalathala ng mga journal, magazine, antolohiya, at iba pang publikasyon na nangangailangan ng pagpapakilala ng manunulat o ng sinumang kailangang pangalanan.

Bagama’t may pagkakatulad sa mga impormasyon ang bionote, curriculum vitae, at autobiography ay malaki pa rin ang pagkakaiba ng mga ito sa anyo at kalikasan ng bawat isa.

Ang bionote ay maikli dahil siniksik ang mga impormasyon sa pagsulat ng maikling paglalahad at itinatampok din lamang ang mga highlights ng kabuoan ng pagkakakilanlan. Hindi ito gaya ng talambuhay (autobiography) na detalyadong isinasalaysay ang mga impormasyon hinggil sa buhay ng isang tao. Samantala, ang curriculum vitae na tinatawag ding biodata ay naglalaman ng mga personal na impormasyon na ginagamit sa paghahanap ng mapapasukang trabaho. 

Narito ang mga dapat mong tandaan sa pagsulat ng bionote.

  1. Dapat na maikli lamang ang nilalaman.
  2. Palaging ginagamit ang ikatlong panauhan sa pagtukoy ng taong inilalahad o inilalarawan sa bionote.
  3. Dapat kinikilala ang mambabasa na pagtutuonan sa pagsulat ng bionote.
  4. Binibigyang-diin ang pinakamahahalagang impormasyon. Mahalagang gamitin ang pyramid style sa pagsulat ng bionote upang maging gabay sa pagsulat—mula sa mga natamong karangalan hanggang sa maliit na detalye ng kanyang buhay.
  5. Bigyang-halaga lamang ang mga angkop na kasanayan o katangian sa pagpapakilala ng panauhin.
  6. Dapat maging tapat sa paglalahad ng susulating impormasyon.

Basahin ang halimbawa ng isang bionote:

DR. SERVILLANO T. MARQUEZ, JR.

Ginawaran ng Komisyon sa Wikang Filipino ng Gawad Sagisag Quezon dahil sa kanyang kontribusyon sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Siya ay nagtapos ng Master of Arts in Filipino at Doctor of Philosophy in Filipino sa Manuel L. Quezon University. Nagtapos siya bilang isang iskolar ng Bachelor of Science in Education, major in Filipino at Master of Arts in Communication na may specialization sa Communication Research sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Naging guro siya sa Maynila sa loob ng 23 taon. Noong 1993, pinarangalan siya ng Lungsod ng Maynila bilang Most Outstanding Secondary Teacher. Nang taon ding iyon, ginawaran siya ng DECS bilang National Trainor sa Campus Journalism. Kasapi rin siya sa monitoring team na nagsasagawa ng ebalwasyon sa implementasyon ng Campus Journalism sa buong bansa. Isa rin siya sa unang 26 na iskolar nito sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na binigyan ng pagsasanay sa Values Education Development. Awtor siya ng mga aklat at iba pang gamit sa pagtuturo ng Values Education, Journalism, at Filipino para sa elementarya, sekundarya, at tersarya. Aktibo rin siyang kasapi ng Philippine Association for Teacher Education (PAFTE) at accreditor ng Philippine Association of Colleges and Universities-Commission on Accreditation (PACUCOA) na nag-e-evaluate ng mga programa sa edukasyon, kapwa sa undergraduate at sa graduate level.

Naging tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Pamantasan ng Adamson sa loob ng anim na taon bago hinirang sa kanyang posisyon ngayon bilang Dekano ng College of Education and Liberal Arts (CELA) na may ranggong Full Professor 2.