Kagaya mo at ng iba pang kabataan, ngayon ang panahong naghahanap o lumilikha si Jose ng sariling identidad. Gusto niyang mamukod-tangi kaya naman hindi siya natatakot mag-eksperimento sa maraming bagay o subukang gawin ang mga hindi pa niya nagagawa. Halimbawa, pagkain ng street foods na puno raw ng mikrobyo ayon sa kaniyang lola, panonood ng mga pelikula mula sa iba’t ibang bansa, at pagsakay sa pampasaherong bus pagkagaling sa eskuwelahan imbes na sumabay sa sasakyan ng nakatatandang kapatid. Nahihilig din siya ngayon sa paggigitara at pagsulat ng malikhaing akda, mga gawaing hindi niya naisip dati na magagawa niya.
Hindi masama ang mag-eksperimento at sumubok ng mga bagong bagay kung ipagpapalagay na makabubuti ito sa pag-unlad bilang tao. Ganito din sa pag-eeksperimento sa panitikan. Kailangang malinaw kung bakit ito ginagawa. Ano-ano ba ang mga layunin sa paggawa? Isa ba rito ay ang hamunin ang namamayaning alituntunin sa pagsulat ng tula at magpakita ng kakaiba at makabagong paraan ng pagtula? Hinihingi ba ng paksa ang pag-eeksperimento? O, wala lang, baka gusto lang subukin ito?
Sa pag-eeksperimento sa pagtula, makatutulong kung pag-aaralan o aalamin muna ang tradisyon at kasaysayan ng panulaang Filipino. Ang pag-eeksperimento ay pagbabaklas at muling paglikha.
Paano makalilikha kung hindi alam o hindi pamilyar sa babaklasin?
Eksperimental na Panitikan
Ang “eksperimental na panitikan” ay may iba’t ibang kahulugan para sa iba’t ibang tao. Nag-iiba rin ang kahulugan nito depende sa kung paano ito ginamit sa mga partikular na bahagi ng kasaysayan. Ang uring ito ng panitikan ay hindi produkto ng sapalaran, sapagkat may sinusundan pa rin naman itong patakaran. Maliban na lamang kung ito talaga ang intensiyon ng kuwentista o makata.
Sa kabila ng lawak ng sakop ng maituturing na Mahalagang eksperimental na panitikan, may ilang katangiang pinagsasaluhan ang mga ito. Isa na rito ang paghahanap at pagbubuo ng bago. Lahat ng sining, kabilang na ang panitikan, ay patuloy na nagbabago. Maaari itong napakabilis tulad ng sa musikang popular, pelikula, sining biswal, at fashion o maaari rin namang napakabagal tulad ng sa arkitektura. Masasabing sa tula, katamtaman ang bilis ng pagbabago.
Sa pag-eeksperimento sa alinmang bahagi ng kasaysayan ng panitikan sa Pilipinas, pinalilitaw ng mga manunulat ang mga alternatibo, at ilan sa mga ito ay maaaring maging pundasyon para sa hinaharap ng panitikan. Nagkaroon ng radikal napagbabagong-bihis ang panitikan sa Pilipinas nang hamunin ng kabataang manunulat at makata ang kalikasan at pag-iral ng pasalitang sining noong dekada 1930 at 1940. Sa mga panahong iyon, nagkaroon ng pagbabaklas, rekonseptuwalisasyon, at muling pagbuo ng kahulugan, gamit, limitasyon, at mga posibilidad ng panitikan.
Maituturing na eksperimental na anyo noon ang mga tulang naglalaro ng mga taludtod, saknong, salita, at paksa, katulad ng mga likha nina Alejandro G. Abadilla, Jose Garcia Villa, at ng iba pang rebeldeng makatang humamon sa mga limitasyon ng mga panl ipunan at artistikong kumbensiyon, partikular sa panulaang Tagalog at Ingles. Ang sumusunod ay bahagi ng tula ni Abadilla. Ang eksperimentong ito na bumangga sa namamayaning kumbensiyon noong panahong isinulat ito (1940) ay sinasabing siyang nagpasimula ng modernong panulaang Filipino. Pansinin ang di-kumbensiyonal na sukat ng taludtod at saknong, kawalan ng tugma, at ang pagtuon ng tula sa sarili.
Ako ang Daigdig
Alejandro G. Abadilla
ako
ang daigdig
ako
ang tula
ako
ang daigdig
ang tula
ako
ang daigdig
ng tula
ang tula
ng daigdig
ako ang walang maliw
ako ang walang kamatayang ako
ang tula ng daigdig
May mga nagsasabing ang eksperimentasyon ay kumakalaban sa pagsulat ng tula. Ang totoo, ang paghahanap ng bago ay isang paraan ng lalo pang pagkilala at pagyakap sa nakaraang tradisyon ng pagtula. Ang eksperimentasyon ay isa lamang sa mga instrumento para sa pagbabagong-bihis ng panitikan. Ito ang paraan ng panitikan upang mapanatili ang kulay at sigla nito (Bray, Gibbons, at McHale, 2012).
Sa kasalukuyan, ang malayang taludturan na nagsimula noon bilang eksperimento ay maituturing nang karaniwan sa panulaang Filipino. Ito ay dahil tila ito ang anyong kinahihiligan ng kabataang makata ngayon.
Halaga ng Eksperimentasyon
Hindi nakukulong ang imahinasyon ng isang Mahalagang makata. Para itong ibong malayang lumilipad sa kung Idert saan at dumadapo sa kung saan naising dumapo. Sa katunayan, kayang-kaya ng imahinasyong lumampas sa mga aktuwal na realidad na puno ng mga limitasyon at kung ano-anong mga pagbabawal (Tolentino at Rodriguez, 2014).
Lumilikha ang makata ng mga hugis at anyong lalong maaabot ng mas maraming mambabasa. Ginagamit niya ang kaniyang panulat upang talakayin ang mga hindi karaniwang tinatalakay o ipinagbabawal na talakayin. Inilalantad niya ang mga nakatago at ipinaririnig ang mga nakakubling tinig. Matalino ang pagtingin niya sa kaniyang mga mambabasa na aktibong nagbibigay ng kahulugan at katuturan sa mundong inihain ng kaniyang tula. Sa pamamagitan ng kaniyang pag-eeksperimento, nagiging mas malawak at malalim ang pag-unawa ng makata sa sining na niyakap niya at yumakap sa kaniya.
Ayon kina Tolentino at Rodriguez (2014), mahalaga ang pag-eeksperimento dahil tinatangka nitong himayin para sa mga mambabasa ang itinatag na realidad ng lipunan—pagtatakda ng mga pamantayan, pagbabawal, at pagpupulis sa kilos ng mga tao. Dito, magagamit ang pag-eeksperimento sa panitikan sa paglalantad ng mga agam-agam habang naghahain ng mga alternatibong anggulo sa pagsusuri sa nilikhang realidad ng lipunan. Sa bawat henerasyon, may mga kondisyon sa lipunan na nagiging sanhi ng pagsibol ng bagong tulang nagpapakita ng inobasyon sa porma o anyo habang sinusuri ang kaayusang sanhi ng pag-usbong nito.